PAHAYAG NG PANANAMPALATAYA
Panimula
Ang Iglesia ng Dios (na pinapaging banal) kay Cristo Jesus (I Corinto 1:2) sa Pilipinas, ay naglalahad ng aming Pahayag ng Pananampalataya batay sa banal na kasulatan. Ang Dios Ama at ang kanyang Anak ang may-ari ng iglesia (I Tesalonia 1:1). Si Cristo and pangulo at tagapagligtas ng iglesia (Efeso 5:23; Colosas 1:18). Pumili ang Dios ng isang bayan para sa Kaniyang Pangalan mula sa mga Gentil (Amos 9:11-12; Gawa 15:14-18). Nanampalataya kami sa aming sarili bilang mga karagdagan sa iglesia ng Dios na nabanggit ng 12 beses sa mga popular na salin ng biblia na nagtataglay ng Kaniyang Pangalan (Gawa 2:46-47). Pinaniniwalaan na ang mga tunay na Cristiano ay nararapat gumanap ng mga ipinag-uutos ng Dios sa bahay ng Dios na siyang iglesia ng Dios (I Timoteo 3:15) sapagka’t ito ang pintuan ng langit (Genesis 28:17). Aming inaanyayahan ang lahat na suriin ang aming pananampalataya at maging kaisa kay Cristo kasama ng lahat ng tumatawag sa Pangalan ng Panginoon (Roma 10:12; I Corinto 1:2).
Ang Dios Ama
Aming sinasampalatayanan ang siya ring Dios na napakita kay Abraham, na Dios na Makapangyarihan sa lahat (Genesis 17:1), Kataastaasang Dios (Genesis 14:18-20, Awit 57:2), lumikha ng langit at ng lupa (Gawa 17:24), Dios na walang hanggan (Genesis 21:33), Haring walang hanggan (I Timoteo 1:17). Ang Dios ay espiritu (Juan 4:24) at walang nakakita sa kanya, liban sa kanyang bugtong na Anak na si Jesus (Juan 1:18). Ang Dios Ama ay may buhay sa kanyang sarili, gayon din namang pinagkalooban niya ang Anak na magkaroon ng buhay sa kanyang sarili (Juan 5:26). Ang Dios Ama at ang Anak ay may bukod na kalagayan. Sa katunayan, may alam ang Ama na hindi nalalaman ng Anak (Mateo 24:36).
Ang Anak ng Dios
Si Jesus na Anak ng Dios (Mateo 16:16; Marcos 1:1;Galacia 2:20) ay Dios (Awit 45:6; Hebreo 1:8). Ang Anak ang larawan ng Dios na hindi nakikita, ang panganay ng lahat ng nilalang (Colosas 1:15). Siya ay nasa Dios ng pasimula at sa pamamagitan niya ginawa ang lahat ng bagay; alin man sa lahat ng ginawa ay hindi nagawa kung wala siya (Kawikaan 8:22-30; Juan 1:1-3). Siya ay ipinaglihi ng Espiritu Santo (Isaias 7:14; Mateo 1:20-21) at nagkatawang tao (Juan 1:14). Ang Anak ang sinag ng kaluwalhatian ng Dios at larawan ng kanyang pagka-Dios (Hebreo 1:3), tagapagsalita ng Ama sa mga huling araw (Hebreo 1:1-2) at Tagapamagitan sa Dios at ng tao (I Timoteo 2:5; Hebreo 8:6). Sinomang sumampalataya sa Kanya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan (Juan 3:16; I Juan 5:13). Si Jesus ay Panginoon (Roma 10:9; 14:9). Siya ay namatay para sa ating mga kasalanan (I Corinto 15:3), binuhay ng Dios (Gawa 2:32) at dinala sa itaas sa langit at ngayon ay nasa kanan ng Ama (Colosas 3:1) Sa itinakdang panahon ng Dios, si Jesucristo ay magbabalik at maghahari ng isang libong taon kasama ng mga banal (Apocalipsis 20:6).
Ang Espiritu Santo
Ang Espiritu Santo ay kapangyarihan ng Dios na ibinibigay sa tao (Roma 15:13; Gawa 1:8; I Tesalonica 4:8; II Timoteo 1:14;). Ang mga pinapatnubayan ng Espiritu ng Dios ay mga anak ng Dios (Roman 8:14). Lahat ng mga nagsasabing si Jesucristo ay naparitong nasa laman ay may Espiritu ng Dios (I Juan 4:2). Ang Espiritu Santo ay ipinagkakaloob matapos mabautismuhan (Gawa 2:38; 8:18-20).
Bautismo
Ang Bautismo ay ang pagkapanganak na muli sa tubig at Espiritu Santo (Juan 3:5). Ang tao ay dapat sumampalataya sa Dios at sa kanyang Anak na si Jesucristo (Marcos 16:16, Gawa 16:31, 33), ipahayag ang kasalanan (Mateo 3:6; Marcos 1:5) at magsisi para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan (Gawa 2:38) bago siya mabautismuhan. Pagkatapos na mabautismuhan, ang kaniyang mga kasalanan ay ipatatawad at tatanggapin ang kaloob ng Espiritu Santo (Gawa 2:38), magkakaroon ng karapatang tawaging anak ng Dios (Juan 1:12; Galacia 3:26-27), magiging tagapagmana ng Dios at kasamang tagapagmana ni Cristo (Roma 8:16-17); at pagkakalooban ng buhay na walang hanggan (Juan 3:16, 36; 5:24). Ang bautismo ay kailangang ganapin upang maging miyembro ng Iglesia ng Dios (na pinanaging banal) kay Cristo Jesus.
Pagbabawal sa Pagkain ng Dugo
Ang pagkain ng dugo ay ipinagbabawal sapagka’t ang buhay ng lahat ng laman ay nasa dugo (Levitico 17:14; Deuteronomio 12:23). Ipinagbawal ng Dios ang pagkain ng laman na mayroong dugo na siya niyang buhay simula noong pananon ni Noah (Genesis 9:1, 3-4). Ang mga salit-saling lahi ng Israel kasama ang mga nakikipamayan sa kanila ay pinapayuhang huwag kumain ng dugo at ano mang laman na may dugo at lahat ng natagpuang wala ng buhay (Levitico 7:26-27; 17:10, 12-14; 19:26). Ito ay magiging palatuntunang palagi sa buong panahon ng lahing Israel (Levitico 3:17). Ang katulad na pagbabawal ay ipinag-uutos din sa mga Gentil (Gawa 15:20, 29).
Ang Pinakadakilang Utos ng Dios
Ang una at pinakadakilang utos ay iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo (Deuteronomio 6:5; Mateo 22:36-38), at ang pangalawa ay iibigin mo ang iyong kapuwa ng gaya ng iyong sarili (Levitico 19:18; Mateo 22:39), sa dalawang utos na ito nauuwi ang buong kautusan at ng mga Propeta (Mateo 7:12; 22:40).
Paggunita sa Kamatayan ng Panginoong Jesucristo
Ang tinapay na walang lebadura ay sumisimbulo sa katawan ni Jesucristo (Lucas 22:26; I Corinto 11:24) habang ang saro ng katas ng ubas na inimom ng mga disipulo sa huling hapunan ay sumisimbulo ng dugo ni Jesucristo na siyang bagong tipan na ibinuhos para sa kapatawaran ng mga kasalanan ng sangkatauhan (Lucas 22:20; I Corinto 11:25). Sa tuwing kakanin natin ang tinapay na walang lebadura at iinom sa saro na katas ng ubas ay ipinahahayag natin ang kamatayan ng Panginoong Jesucristo hanggang sa kaniyang muling pagdating (I Corinto 11:26). Ang mga tagasunod ni Jesucristo ay nararapat na gawin ito sa buong buhay nila bilang pag-alaala sa Kanya (Lucas 22:19; I Corinto 11:24-25), upang magkamit ng buhay na walang hanggan (Juan 6:53-56, 58).
Pagkabuhay na Mag-uli at Buhay na Walang Hanggan
Ang unang bubuhaying maguli ay ang mga sumasampalataya na nangamatay kay Cristo, habang ang mga nabubuhay na sumasampalataya ay aagawing kasama nila sa mga alapaap upang salubungin ang Panginoong Jesucristo sa hangin (I Tesalonia 4:16-17). Mapalad at banal ang makasama sa unang pagkabuhay na maguli sapagka’t ang ikalawang kamatayan ay wala ng kapangyarihan sa kanila, at magiging mga saserdote ng Dios at ni Cristo at maghahari ng isang libong taon (Apocalipsis 20:6). Ang katawan ng tao na nasisira ay papalitan ng katawang hindi nasisira at magiging katulad ng mga anghel. (Mateo 22:30; I Corinto 15:42). Ang ‘buhay na walang hanggan’ ay makilala mo ang tunay na Dios, at si Jesucristo, na kung sino man ang sumampalataya sa kanya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan (Juan 3:16; 17:3). Ang mga masasama ay hindi mangabubuhay hanggang matapos ang isang libong taon (Apocalipsis 20:5). Pagkatapos nito, ang masasama ay mapupunta sa walang hanggang kaparusahan, habang ang mga matuwid ay sa walang hanggang buhay (Mateo 25:46).
Mga Handog Ukol sa Panginoon
Magbigay ng mga handog na ipinasiya ng kanyang puso, hindi mabigat sa loob, o dahil kailangan, sapagkat iniibig ng Dios ang nagbibigay na masaya (II Corinto 9:7), at maaring gawin ng Dios na ang lahat ng biyaya ay magsisagana sa inyo (II Corinto 9:8). Ang mga taong may kakayahang magbihay ngunit nagbibigay ng bahagya ay magaani naman ng bahagya, habang ang mga taong nagbibigay ng sagana ay magaani namang sagana (II Corinto 9:6)
Litrato ay kuha ni angelac72 galing sa Pixabay.