ANG BAUTISMO
TALAHANAYAN NG NILALAMAN
T2. Ginanap ba ng Panginoong Jesus, bilang dapat panuntunan, ang iniuutos niyang bautismo sa tubig?
T3. Sa ibang tagpo, ano ang paliwanag ng Panginoong Jesus sa bautismo?
T10. Ano ang basihan ng mga may anyo ng kabanalan sa paglilingkod sa Dios?
T14. Ano ang moral at espirituwal na epekto sa pagkatao ng isang tumanggap ng bautismo?
T1. Ano ba ang bautismo?
S. Ang bautismo ay isang banal na pangangailangan, pagkatapos na sumamplataya sa tinanggap na evangelio upang maligtas.
“15 At sinabi niya sa kanila, Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal. 16 Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; datapuwa't ang hindi sumasampalataya ay parurusahan.” (Mar. 16:15-16) (ADB1905)
Base sa sinasabi ng talata, may tatlong kondisyon ang Panginoong Jesus upang maligtas ang isang tao. Ang tatlong ito ay, (a) tanggapin ang evangelio, (b) sumampalataya sa evangelio, at (k) magbautismo. Ang huling kondisyon ay minamaliit, kundi man kusang isinasa-isang tabi ng maraming sekta. Ang ugaling ito ay mapanganib, sapagka’t nangangahulugan ito ng pagbabawas nila sa pangangailangang sinasalita ng Panginoong Jesus upang makamit ang kaligtasan ng tao. Sinoman ba ay binigyan ng karapatan ng Dios na magbawas sa mga sinalita ng kanyang Anak na mula sa kanya, at pagkatapos ay makaasa pa ng kaligtasan? Ang sabi ng Kasulatan:
“5 Bawa't salita ng Dios ay subok: siya'y kalasag sa kanila, na nanganganlong sa kaniya. 6 Huwag kang magdagdag sa kaniyang mga salita, baka kaniyang sawayin ka, at masunduan kang sinungaling.” (Kaw. 30:5-6) (ADB1905)
“At kung ang sinoman ay magalis sa mga salita ng aklat ng hulang ito, ay aalisin ng Dios ang kaniyang bahagi sa punong kahoy ng buhay, at sa bayang banal, na nangakasulat sa aklat na ito.” (Apo. 22:19) (ADB1905)
T2. Ginanap ba ng Panginoong Jesus, bilang dapat panuntunan, ang iniuutos niyang bautismo sa tubig?
S. Ginanap niya, sapagka’t ito’y pagganap sa buong katuwiran.
“13 Nang magkagayo'y naparoon si Jesus mula sa Galilea at lumapit kay Juan sa ilog ng Jordan, upang siya'y bautismuhan niya. 14 Datapuwa't ibig siyang sansalain ni Juan, na nagsasabi, Kinakailangan ko na ako'y iyong bautismuhan, at ikaw ang naparirito sa akin? 15 Nguni't pagsagot ni Jesus ay sinabi sa kaniya, Payagan mo ngayon: sapagka't ganyan ang nararapat sa atin, ang pagganap ng buong katuwiran. Nang magkagayo'y pinayagan niya siya. 16 At nang mabautismuhan si Jesus, pagdaka'y umahon sa tubig: at narito, nangabuksan sa kaniya ang mga langit, at nakita niya ang Espiritu ng Dios na bumababang tulad sa isang kalapati, at lumalapag sa kaniya; 17 At narito, ang isang tinig na mula sa mga langit, na nagsasabi, Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong lubos na kinalulugdan.” (Mat. 3:13-17) (ADB1905)
T3. Sa ibang tagpo, ano ang paliwanag ng Panginoong Jesus sa bautismo?
S. Ang bautismo ay ang pagkapanganak ng tubig at ng Espiritu.
“3 Sumagot si Jesus at sa kaniya'y sinabi, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Maliban na ang tao'y ipanganak na muli, ay hindi siya makakakita ng kaharian ng Dios. 4 Sinabi sa kaniya ni Nicodemo, Paanong maipanganganak ang tao kung siya'y matanda na? makapapasok baga siyang bilang ikalawa sa tiyan ng kaniyang ina, at ipanganak? 5 Sumagot si Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Maliban na ang tao'y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Dios.” (Jn. 3:3-5) (ADB1905)
Maliwanag na kailangan na ipanganak ang isang tao ng tubig at ng Espiritu upang makapasok sa kaharian ng Dios. Upang maipanganak ng tubig ang isang tao ay kailangang ilubog siya sa tubig. Sapagka’t ang kahulugan ng bautismo ay “to baptize is to deep into water.” Pagahon mula sa pagkakalubog sa tubig ay siya namang pagtanggap ng kaloob ng Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ay siyang kapangyarihan ng Dios na isinasangkap sa tao. Ito ay nanggagaling sa itaas na kapag tinanggap ng tao ay siyang nagbibigay ng kalakasan upang matupad ang kalooban ng Dios at malabanan naman ang kasamaan ng sanglibutan.
Ang paglitaw mula sa tubig ay siya namang pagsilang bilang bagong tao, “…na ayon sa Dios ay nilalang sa katuwiran at kabanalan ng katotohanan.” (Efe. 4:23-24) (ADB1905)
T4. Bakit mahalaga ang bautismo sa tubig? May relasyon ba sa pananampalataya sa evangelio ang ipanganak ng tubig at ng Espiritu upang maging anak ng Dios ang tao?
S. May relasyon, sapagka’t sa pamamagitan ng pananampalataya nagkakaroon ng karapatan na maging mga anak ng Dios ang mga tao na binautismuhan.
“12 Datapuwa't ang lahat ng sa kaniya'y nagsitanggap, ay pinagkalooban niya sila ng karapatang maging mga anak ng Dios, sa makatuwid baga'y ang mga nagsisisampalataya sa kaniyang pangalan: 13 Na mga ipinanganak na hindi sa dugo, ni sa kalooban ng laman, ni sa kalooban ng tao, kundi ng Dios.” (Jn. 1:12-13) (ADB1905)
T5. Samakatuwid, ang bautismo ay daan para maging anak ng Dios ang tao; ano ang kaugnayan ng pagiging anak ng Dios sa pagpasok sa kaharian ng Dios?
S. Ang mga anak lamang ang mga tagapagmana, maging sa buhay lamang na ito o maging sa buhay espirituwal, sapagka’t nasusulat:
“16 Ang Espiritu rin ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu, na tayo'y mga anak ng Dios: 17 At kung mga anak, ay mga tagapagmana nga; mga tagapagmana sa Dios, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo; kung gayon nga makipagtiis tayo sa kaniya, upang tayo'y lumuwalhati namang kasama niya.” (Roma 8:16-17) (ADB1905)
T6. Pagkatapos na ang isa ay mabautismuhan, at siya ay anak na ng Dios, ano na ang nagiging kalagayan niya sa panig ng Dios?
S. Nagiging kababayan at kasama na ng mga banal sa sangbahayan ng Dios.
“18 Sapagka't sa pamamagitan niya tayo'y may pagpasok sa isang Espiritu rin sa Ama. 19 Kaya nga hindi na kayo mga taga ibang lupa at mga manglalakbay, kundi kayo'y mga kababayan na kasama ng mga banal, at sangbahayan ng Dios.” (Efe. 2:18-19) (ADB1905)
T7. Kung may sangbahayan ang Dios dito sa lupa, nangangahulugan ba na may bahay ang Dios dito? Kung meron, ano kung tawagin ito?
S. May sangbahayan ang Dios dito sa lupa, at kung tawagin ay Iglesia ng Dios.
“14 Ang mga bagay na ito ay aking isinusulat sa iyo, na inaasahang makararating sa iyong madali; 15 Nguni't kung ako'y magluwat ng mahabang panahon, ay upang maalaman mo kung paano ang dapat sa mga tao na ugaliin nila sa bahay ng Dios, na siyang iglesia ng Dios na buhay, at haligi at suhay ng katotohanan.” (I Tim. 3:14-15) (ADB1905)
T8. Bakit sa kabila nang iisa lamang ang bahay ng Dios, dito sa lupa, ang Iglesia ng Dios – mga taong tinatahanan ng kanyang Espiritu, na sa Espiritu’y templo ng Dios – (I Cor. 3:16-17) – bakit napakaraming nagsulputang sekta na tinatawag sa pangalang ayon sa kagustuhan ng bawat grupo, na itawag sa kanilang sariling iglesia?
S. “Datapuwa't alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib. Sapagka't …(II Tim. 3:1-3) (ADB1905)
“kalayawan kay sa mga maibigin sa Dios; Na may anyo ng kabanalan, datapuwa't tinanggihan ang kapangyarihan nito: lumayo ka rin naman sa mga ito.” (II Tim. 3:4-5) (ADB1905)
T9. Alin ang kapangyarihan ng kabanalan na tinanggihan ng mga nagaanyong banal sa mga huling araw na ito?
S. Ang salita o utos ng Dios, ang siyang kapangyarihan ng kabanalan na tinanggihan ng nagaanyong banal sa mga huling araw na ito.
“Pakabanalin mo sila sa katotohanan: ang salita mo'y katotohanan. (Jn. 17:17) (ADB1905)
“Kaya nga ang kautusan ay banal, at ang utos ay banal, at matuwid, at mabuti.” (Roma 7:12) (ADB1905)
T10. Ano ang basihan ng mga may anyo ng kabanalan sa paglilingkod sa Dios?
S. Ang pilosopiya at sali’t saling sabi ng mga tao.
“Kayo'y magsipagingat, baka sa inyo'y may bumihag sa pamamagitan ng kaniyang pilosopia at walang kabuluhang pagdaraya, ayon sa sali't saling sabi ng mga tao, ayon sa mga pasimulang aral ng sanglibutan, at di ayon kay Cristo.” (Col. 2:8) (ADB1905)
Mapapansin, na marami nang mga sekta ang itinatakwil ang utos na “magbautismo,” na iniutos at ginanap mismo ng Panginoong Jesus. Lalong tinanggihan nila ang “katotohanan” na ang iglesiang sa Dios ay tinatawag sa kanyang pangalan: Iglesia ng Dios, na labingdalawang ulit na mababasang letra por letrang nakasulat sa Biblia.
T11. Ano ang sabi ng Panginoong Jesus sa mga nagaanyong banal, na ang kapangyarihang kanilang sinusunod ay ang utos ng mga tao?
S. Walang kabuluhan ang kanilang pagsamba sa Dios.
“…Ang bayang ito'y iginagalang ako ng kaniyang mga labi, Datapuwa't ang kanilang puso ay malayo sa akin. 7 Datapuwa't walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, Na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ng mga utos ng mga tao. 8 Nilisan ninyo ang utos ng Dios, at inyong pinanghahawakan ang sali't-saling sabi ng mga tao.” (Mar. 7:6-8) (ADB1905)
T12. May pangyayari ba sa panimulang pangangaral ng mga apostol, na ang sumampalataya ay binautismuhan upang maligtas?
S. May pangyayari, ang bantay ng bilangguan.
“30 At sila'y inilabas at sinabi, Mga ginoo, ano ang kinakailangan kong gawin upang maligtas? 31 At kanilang sinabi, Manampalataya ka sa Panginoong Jesus, at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sangbahayan. 32 At sa kaniya'y sinalita nila ang salita ng Panginoon, pati sa lahat ng nangasa kaniyang bahay. 33 At sila'y kaniyang kinuha nang oras ding yaon ng gabi, at hinugasan ang kanilang mga latay; at pagdaka'y binautismuhan, siya at ang buong sangbahayan niya.” (Gawa 16:30-33) (ADB1905)
T13. Ang Israel, na matandang bayan ng Dios, gaya ng kanyang bayan sa huling araw – ang iglesia ng Dios – nangabautismuhan din ba?
S. Nangabautismuhan sa alapaap at sa dagat.
“1 Sapagka't hindi ko ibig mga kapatid, na di ninyo maalaman, na ang ating mga magulang ay nangapasa ilalim ng alapaap, at ang lahat ay nagsitawid sa dagat; 2 At lahat ay nangabautismuhan kay Moises sa alapaap at sa dagat.” (I Cor. 10:1-2) (ADB1905)
T14. Ano ang moral at espirituwal na epekto sa pagkatao ng isang tumanggap ng bautismo?
S. (a) Moral na epekto: paglakad sa panibagong buhay.
“Tayo nga'y nangalibing na kalakip niya sa pamamagitan ng bautismo sa kamatayan: na kung paanong si Cristo ay nabuhay na maguli sa mga patay sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, ay gayon din naman tayo'y makalalakad sa panibagong buhay.” (Roma 6:4) (ADB1905)
(b) Espirituwal na epekto: patay na sa kasalanan.
“…Tayong mga patay na sa pagkakasala, paano nga tayong mabubuhay pa riyan? 3 O hindi baga ninyo nalalaman na tayong lahat na mga nabautismuhan kay Cristo Jesus ay nangabautismuhan sa kaniyang kamatayan?” (Roma 6:2-3) (ADB1905)
“6 Na nalalaman natin, na ang ating datihang pagkatao ay kalakip niyang napako sa krus, upang ang katawang salarin ay magiba, at nang sa gayo'y huwag na tayong maalipin pa ng kasalanan; 7 Sapagka't ang namatay ay ligtas na sa kasalanan.” (Roma 6:6-7) (ADB1905)
Litrato ay kuha ni Pexels galing sa Pixabay. Ang mga taludtod na sinipi dito ay kinopya mula sa Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905).