ANG HULA AT KATUPARAN NG PAGDATING NG IGLESIA NG DIOS SA MGA GENTIL
TALAHANAYAN NG NILALAMAN:
T1. Kailan muling naitayo ng Dios ang kanyang iglesia?
T3. Ilan ba ang unang miyembro ng Iglesia ng Dios na itinayo kay Cristo Jesus?
T4. Ayon sa hula lalaganap ba hanggang sa mga Gentil, mula sa Jerusalem, ang Iglesia ng Dios?
T5. Hanggang saan aabot ang paglaganap ng Iglesia ng Dios?
T6. Sa kanginong pangalan, ayon sa hula, tatawagin ang mga Gentil na inaring bayan ng Dios?
T10. Dito lamang ba sa lupa mahalaga sa Panginoong Jesus ang pangalan ng kanyang Ama?
Sa pagtalakay sa paksang ANG IGLESIA, ay ating nalaman at naunawaan ang mahahalagang katotohanan na: (a) ang Dios ang nagtayo ng kanyang iglesia, (b) ang kanyang Anak na si Cristo Jesus ang pinagtayuan, at (k) si Pedro ang saksi at pinagpahayagan ng Dios ng kanyang pagtatayo ng iglesia sa kanyang Anak na si Cristo Jesus. Nalaman din natin na ang Iglesia ng Dios na itinayo kay Cristo Jesus ay isang muling pagtatayo, na ang una ay ang iglesia sa ilang; na ang inilagay ng Dios na Pangulo noon ay si Moises. (Gawa 15:16-18; 7:35).
T1. Kailan muling naitayo ng Dios ang kanyang iglesia?
S. Nang araw ng Pentecostes, nang tanggapin ng mga apostol ang Espiritu Santo kasama ang iba pang mga kapatid.
“At nang dumating nga ang araw ng Pentecostes, silang lahat ay nangagkakatipon sa isang dako. At biglang dumating mula sa langit ang isang ugong na gaya ng sa isang humahagibis na hanging malakas, at pinuno ang buong bahay na kanilang kinauupuan. At sa kanila'y may napakitang mga dilang kawangis ng apoy, na nagkabahabahagi; at dumapo sa bawa't isa sa kanila. At silang lahat ay nangapuspos ng Espiritu Santo, at nangagpasimulang magsalita ng iba't ibang wika, ayon sa ipinagkakaloob ng Espiritu na kanilang salitain.” (Gawa 2:1-4) (ADB1905)
May gulang 30 taon sa katawang-tao ang Panginoong Jesus, nang nagsimula siya sa pangangaral (Luc. 3:23). Tatlong taon tumagal ang kanyang misyon sa lupa, sapagka’t tatlong pascua ang dumaan (Jn. 2:13; 11:55; 19:14), bago natapos ang kanyang pangangaral ng evangelio. Samakatuwid ay 33 A.D. nang naitayo ng Dios ang kanyang iglesia ka Cristo Jesus. Ito’y nang umakyat na sa langit ang Panginoong Jesus at tanggapin ang Espiritu Santo ng mga apostol at ng iba pang miyembro sa bahay ng kanilang pinagtitipunan.
T2. Ano ang mahahalagang pahayag na dapat nating malaman ng tagpo sa bahay nang dumating ang Espiritu Santo na sumangkap sa mga apostol at mga kapatid na nangaroroon?
S. a) Biglang dumating mula sa langit.
Bigla, samakatuwid ay surpresa, na nagtataglay ng diin ang pagdating mula sa langit ng kapangyarihan ng Dios. Ito’y hudyat ng pagtatatag ng Dios ng kanyang iglesia kay Cristo Jesus, na ang unang mga miyembro ay ang iilang mga tao na nangasa loob ng Bahay. Pansinin na ang buong bahay ay pinuno ng humahagibis na hanging malakas na dumating na kapangyarihan ng Dios na Espiritu Santo.
b) Napakitang mga dilang kawangis ng apoy.
Hindi lamang nadama kundi nakita pa ng mga dinatnang mga apostol at mga kapatid ang dumating na kapangyarihan mula sa itaas. Ang anyo ay kawangis ng dilang apoy. Hindi lamang nakita kundi dumapo pa sa bawa’t isa sa kanila. Hindi lamang dumapo kundi sumangkap pa sa kanila. Napakamahalaga ng tagpong yaon. Makahulugan. Sapagka’t noon nagsimula ang ningas ng pangangaral ng muling itinayong Iglesia ng Dios.
k) Nangapuspos ng Espiritu Santo.
Ano ang Espiritu Santo? Ito ang kapangyarihang dumating sa mga apostol at mga kapatid sa bahay na kanilang pinagtitipunan. Ang Espiritu Santo ay siyang buhay at kapangyarihan ng Dios na isinasangkap sa katawang sa Dios o Iglesia ng Dios na ang Pangulo ay si Cristo Jesus.
d) Pagsasalita sa iba’t ibang wika.
Sa pamamagitan ng Espiritu Santo ay nangagsalita ang mga apostol ng iba’t ibang wika. (Gawa 2:5-11). Ang kaloob na kapangyarihang ito na makapagsalita ng iba’t ibang wika ay hudyat na ang pinto ng bahay ng Dios – Iglesia ng Dios – ay bukas sa lahat ng mga wika at mga bansa, sa mga nangalalapit at nangalalayo, maging ilan man ang tawagin ng ating Panginoong Dios. (Efe. 2:17; 2:39) Nagpapahiwatig ang pangyayaring ito na ang Iglesia ng Dios ay lalaganap sa buong sanglibutan, ayon sa propesiya ng Pangulo nito na si Cristo Jesus. (Mat. 24:14)
T3. Ilan ba ang unang miyembro ng Iglesia ng Dios na itinayo kay Cristo Jesus?
S. May isang daa’t dalawampu (120) ang panimulang mga miyembro.
“14 Ang lahat ng mga ito'y nagsisipanatiling matibay na nangagkakaisa sa pananalangin na kasama ang mga babae, at si Maria na ina ni Jesus, at pati ng mga kapatid niya. 15 At nang mga araw na ito'y nagtindig si Pedro sa gitna ng mga kapatid, at nagsabi (at nangagkakatipon ang karamihang mga tao, na may isang daa't dalawangpu),” (Gawa 1:14-15) (ADB1905)
T4. Ayon sa hula lalaganap ba hanggang sa mga Gentil, mula sa Jerusalem, ang Iglesia ng Dios?
S. Aabot hanggang sa mga Gentil (mga bansa)
“16 Pagkatapos ng mga bagay na ito, ako'y babalik, At muli kong itatayo ang tabernakulo ni David, na nabagsak; At muli kong itatayo ang nangasira sa kaniya. At ito'y aking itatayo: 17 Upang hanapin ng nalabi sa mga tao ang Panginoon, At ng lahat ng mga Gentil, na tinatawag sa aking pangalan, 18 Sabi ng Panginoon, na nagpapakilala ng mga bagay na ito mula nang una.” (Gawa 15:16-18) (ADB1905)
Ang mga Gentil ay ang mga bansang hindi kabilang sa bansang Israel. Ang inabot na noon ng pangangaral ng mga apostol ay ang Corinto, Galacia, Efeso, Filipos at Tesalonica at iba pa, sa ka-Gentilan. At ngayon, sa pamamagitan ng Biblia na kinasusulatan ng kanilang pangangaral ay umabot na sa America, Europa, sa Asia at mga pulo na gaya ng Pilipinas. Ang mga Gentil ay ang mga bansang sinasabi sa Efe. 2:11-12, na “… mga taga ibang lupa tungkol sa mga tipan ng pangako, na walang pagasa at walang Dios sa sanglibutan.” (ADB1905)
“13 Datapuwa't ngayon kay Cristo Jesus kayo na noong panahon ay nalalayo ay inilapit sa dugo ni Cristo. 14 Sapagka't siya ang ating kapayapaan, na kaniyang pinagisa ang dalawa, at iginiba ang pader na nasa gitna na nagpapahiwalay, 15 Na inalis ang pagkakaalit sa pamamagitan ng kaniyang laman, kahit kautusan na may mga batas at ang palatuntunan; upang sa dalawa ay lalangin sa kaniyang sarili ang isang taong bago, sa ganito'y ginagawa ang kapayapaan; 16 At upang papagkasunduin silang dalawa sa isang katawan sa Dios sa pamamagitan ng krus, na sa kaniya'y pinatay ang pagkakaalit.” (Efe. 2:13-16) (ADB1905)
T5. Hanggang saan aabot ang paglaganap ng Iglesia ng Dios?
S. Hanggang sa kahulihulihang hangganan ng lupa.
“Datapuwa't tatanggapin ninyo ang kapangyarihan, pagdating sa inyo ng Espiritu Santo: at kayo'y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, at sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa kahulihulihang hangganan ng lupa.” (Gawa 1:8) (ADB1905)
Kasama ang mga propeta, na mga saksi ng Amang Dios – na ipinahahayag ng Aklat ng Matandang Tipan – ang mga apostol ng Panginoong Jesus ay patuloy na nagpapatotoo o nangangaral ng evangelio, na itinuro sa kanila ng Gurong mula sa langit na si Cristo. Ayon sa utos ng Panginoong Jesus, hanggang sa kahuli-hulihang hangganan ng lupa ang kanilang pagsaksi o pangangaral. Sa pamamagitan ng bibig nang sila ay nabubuhay pa, ngunit nang sila ay mamatay na ay sa pamamagitan ng kanilang mga sulat. Ang wika na ni Apostol Juan.
Kasama ng mga tinawag sa iba’t ibang dako ng daigdig, ang Pilipinas na inaring bayan ng Dios. Hindi bagong tayo ang Iglesia ng Dios (na pinapaging banal) kay Cristo Jesus dito sa Pilipinas, kundi idinagdag lamang sa Iglesia ng Dios na nasusulat sa Biblia. Hindi marami ang Iglesia ng Dios na katawan ng Ulo na si Cristo Jesus (Col. 1:18, 24), na pinatutunayan ni Apostol Pablo.
“4 May isang katawan, at isang Espiritu, gaya naman ng pagkatawag sa inyo sa isang pagasa ng pagtawag sa inyo; 5 Isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo, 6 Isang Dios at Ama ng lahat, na siyang sumasa ibabaw sa lahat, at sumasa lahat, at nasa lahat.” (Efe. 4:4-6) (ADB1905)
T6. Sa kanginong pangalan, ayon sa hula, tatawagin ang mga Gentil na inaring bayan ng Dios?
S. Sa pangalan ng Amang Panginoon.
“14 Sinaysay na ni Simeon kung paanong dinalaw na una ng Dios ang mga Gentil, upang kumuha sa kanila ng isang bayan sa kaniyang pangalan. 15 At dito'y nasasangayon ang mga salita ng mga propeta; gaya ng nasusulat.” (Gawa 15:14-15) (ADB1905)
T7. Sa mga pangalan ng Amang Dios, sa Banal na Kasulatan, alin ang kanyang pangalan na kanyang ipinasiya na itawag sa kanya na pinakaalaala ng lahat ng mga lahi?
S. Ang pangalang DIOS
“At sinabi pa ng Dios kay Moises, Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, Sinugo ako sa inyo ng Panginoon, ng Dios ng inyong mga magulang, ng Dios ni Abraham, ng Dios ni Isaac, at ng Dios ni Jacob: ito ang aking pangalan magpakailan man, at ito ang aking pinakaalaala sa lahat ng mga lahi.” (Exo. 3:15) (ADB1905)
Ang ilang mga pangalang napasulat sa Banal na Kasulatan ng Panginoong Dios na makapangyarihan sa lahat ay: PANGINOON (Exo. 15:13), PANGINOON ng mga hukbo (Isa. 47:4), JEHOVAH (Exo. 6:3), JAH (Awit 68:4), at DIOS (Amos 5:27)
T8. Natupad ba ang kalooban ng Ama na sa kanyang pangalang DIOS tawagin ang kanyang iglesia sa huling araw?
S. Natupad sapagka’t,
a) Ito rin ang itinagubilin ng kanyang bugtong na Anak na isinugo sa huling araw.
“At wala na ako sa sanglibutan, at ang mga ito ay nasa sanglibutan, at ako'y paririyan sa iyo. Amang Banal, ingatan mo sila sa iyong pangalan yaong mga ibinigay mo sa akin, upang sila'y maging isa, na gaya naman natin.” (Jn. 17:11) (ADB1905)
Ang mga ibinigay ng Ama sa Anak, upang panguluhan, ay dapat tawagin sa pangalan ng Ama. Samakatuwid, ang mga iglesia na hindi tinatawag sa pangalan ng Ama ay hindi niluluwalhati ang Ama, at hindi napasasakop sa Anak. Manapa’y sila ang sinasabi ng Apostol na si Pablo na “...kahit kilala nila ang Dios, siya'y hindi niluwalhati nilang tulad sa Dios, ni pinasalamatan; kundi bagkus niwalang kabuluhan sa kanilang mga pagmamatuwid at ang mangmang nilang puso ay pinapagdilim.” (Roma 1:21) (ADB1905)
b) Ang iglesiang itinayo ng Dios kay Cristo Jesus ay inusig ni Pablo, ay may pangalang Iglesia ng Dios.
“Sapagka't inyong nabalitaan ang aking pamumuhay nang nakaraang panahon sa relihion ng mga Judio, kung paanong aking inuusig na malabis, at nilipol ang iglesia ng Dios.” (Gal. 1:13) (ADB1905)
“Ako nga ang pinakamaliit sa mga apostol, at hindi ako karapatdapat na tawaging apostol, sapagka't pinagusig ko ang iglesia ng Dios.” (I Cor. 15:9) (ADB1905)
“Ano, wala baga kayong mga bahay na inyong makakanan at maiinuman? o niwawalang halaga ninyo ang iglesia ng Dios, at hinihiya ninyo ang mga wala ng anoman? Ano ang aking sasabihin sa inyo? Kayo baga'y aking pupurihin? Sa bagay na ito ay hindi ko kayo pinupuri.” (I Cor. 11:22) (ADB1905)
Ang iglesiang itinayo ng Dios kay Cristo Jesus sa Jerusalem, ay inusig at nangalat. (Gawa 8:1) Isa si Pablo (Saulo) na malabis na umusig dito ay nagpapatotoo, na ang pangalan niyaon ay Iglesia ng Dios. Na dahil sa kahabagan ng Dios sa kanya ay tinawag siya upang maging miyembro ng Iglesia ng Dios.
Ano ang pangalan ng Iglesia na pinagtawagan sa kanya para maging apostol. Ang kanyang patotoo:
“1 Si Pablo, na tinawag na maging apostol ni Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, at si Sostenes na ating kapatid, 2 Sa iglesia ng Dios na nasa Corinto, sa makatuwid baga'y sa mga pinapagingbanal kay Cristo Jesus, na tinawag na mangagbanal, na kasama ng lahat ng mga nagsisitawag sa bawa't dako, sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, na kanila at ating Panginoon. (I Cor. 1:1-2) (ADB1905)
T9. Sino ang katulad ng mga hindi nagpaparangal sa pangalan ng Panginoon, sa paraang sa ibang pangalan nila tinawag ang kanilang iglesia?
S. Gaya ng mga saserdote na nagsihamak sa pangalan ng Panginoon.
“Iginagalang ng anak ang kaniyang ama, at ng alila ang kaniyang panginoon: kung ako nga'y ama, saan nandoon ang aking dangal? at kung ako'y panginoon, saan nandoon ang takot sa akin? sabi ng Panginoon ng mga hukbo sa inyo, Oh mga saserdote, na nagsisihamak ng aking pangalan. At inyong sinasabi, Sa ano namin hinamak ang iyong pangalan?” (Mal. 1:6) (ADB1905)
Normal na ang anak ay igalang ang kanyang ama sa pamamagitan ng pagtataglay ng pangalan (apelyido) ng kaniyang ama. Ngunit may mga cristiano na sa kabila nang tinatanggap nila ang Panginoong Dios ay kanilang Ama, ay ikinararangal pa na sa ibang pangalan tawagin ang kanilang iglesia. Sa ganito’y nakakatulad sila ng mga saserdote na nagsisihamak sa pangalan ng Panginoong Dios. Gaya din sila ng mga propeta na naghuhula ng kasinungalingan na sinasabi ni propeta Jeremias:
“26 Hanggang kailan masusumpungan ito sa puso ng mga propeta na nanganghuhula ng mga kasinungalingan; sa makatuwid baga'y ng mga propeta na nanganghuhula ng daya ng kanilang sariling puso? 27 Na nagaakalang magpalimot sa aking bayan ng aking pangalan sa pamamagitan ng kanilang mga panaginip na sinasaysay ng bawa't isa sa kanila sa kaniyang kapuwa, gaya ng kanilang mga magulang na nakalimot ng aking pangalan dahil kay Baal.” (Jer. 23:26-27) (ADB1905)
Ang mga nangagtindig ng kanilang iglesia ay nilimot ang pangalan ng Panginoong Dios sa pamamagitan ng paglalagay ng ibang pangalan na kapalit ng Pangalan ng Panginoong Dios, na siyang tunay na nagtayo at may ari ng iglesia. Dahil nga rito’y nagsulputan ang maraming sekta, malalaki at maliliit na ang kanilang niluluwalhati ay ang pangalan ng nilalang, na sa ganitong paraan ay nililimot ang pangalan ng Lumalang. (Roma 1:25).
T10. Dito lamang ba sa lupa mahalaga sa Panginoong Jesus ang pangalan ng kanyang Ama?
S. Hanggang sa bagong Jerusalem.
“At sa anghel ng iglesia sa Sardis ay isulat mo:…” (Apoc. 3:1) (ADB1905)
“11 Ako'y dumarating na madali: panghawakan mong matibay ang nasa iyo, upang huwag kunin ng sinoman ang iyong putong. 12 Ang magtagumpay, ay gagawin kong haligi sa templo ng aking Dios, at hindi na siya'y lalabas pa doon: at isusulat ko sa kaniya ang pangalan ng aking Dios, at ang pangalan ng bayan ng aking Dios, ang bagong Jerusalem, na mananaog buhat sa langit mula sa aking Dios, at ang aking sariling bagong pangalan.” (Apoc. 3:1, 11-12) (ADB1905)
Sapagka’t ang Dios ang “…may ibig na ang lahat ng mga tao’y mangaligtas, at mangakaalam ng katotohanan” (I Tim. 2:4) (ADB1905). Sa panukalang ito ay walang makapipigil. Dahil dito’y ang paglaganap ng Iglesia ng Dios ay patuloy sa lahat ng dako ng sanglibutan, bagaman sa paraang Munting Kawan sa bawat dako (Luc. 12:32), ang nangadaragdag. Pinatitibayan ito ng propesiya sa Apocalipsis na mangyayari sa dulo ng mga panahon na sinasabi:
“9 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumingin ako, at narito, ang isang lubhang karamihan na di mabilang ng sinoman, na mula sa bawa't bansa at lahat ng mga angkan at mga bayan at mga wika, na nakatayo sa harapan ng luklukan at sa harapan ng Cordero, na nangadaramtan ng mapuputing damit, at may mga palma sa kanilang mga kamay; 10 At nagsisigawan ng tinig na malakas, na nangagsasabi, Ang pagliligtas ay sumaaming Dios na nakaupo sa luklukan, at sa Cordero.” (Apoc. 7:9-10) (ADB1905)
Ito’y malinaw na pagpapahayag na sa lahat ng dako, sa buong panahon ng huling araw (A.D.) ng daigdig ay maabot ng pagliligtas ng Dios. Ngunit hindi sa paraan ng kaisipan ng tao, kundi ng Dios, Ang paraan ay:
(a) tanggapin ang kanyang Sugo sa huling araw na walang iba kundi ang kanyang bugtong na Anak na si Cristo Jesus, Jn. 1:12; (b) sumampalataya sa kanyang pangalan upang magkaroon ng karapatang maging mga anak ng Dios, (Jn. 1:12-13); samakatuwid ay nararapat na maging miyembro ng kanyang sangbahayan, (Efe. 2:19); (k) sapagka’t anak at miyembro ng kanyang sangbahayan, katuwiran lamang na tawagin o taglayin ang kanyang pangalang Dios. (Jn. 17:11-12); (d) Siya na Amang Dios ang nagtatag ng kanyang sangbahayan sa kanyang Anak na si Cristo Jesus, (Efe. 2:20-22); (e) minsan lamang muling itinatag ng Amang Dios ang kanyang sangbahayan (iglesia ng Dios), na dahil dito’y ang mga miyembro ng Iglesia ng Dios (na pinapaging banal) kay Cristo Jesus sa Pilipinas at saan mang dako, ay pawang nadaragdag lamang sa isa at tunay na Iglesia ng Dios na nasusulat sa Banal na Kasulatan. (Gawa 2:41; I Cor. 1:1-2)
Kung kaya, upang makatiyak ng kaligtasan na pinakahahangad ng sinomang tao, ay nararapat na pasaklaw sa paraan at katuwiran ng pagliligtas ng Dios, at huwag sa paraan at katuwiran ng pagliligtas ng tao, sapagka’t:
“May daan na tila matuwid sa isang tao, nguni't ang dulo niyaon ay mga daan ng kamatayan.” (Kaw. 14:12) (ADB1905)
“Lahat ng mga bagay ay matuwid; nguni't hindi ang lahat ng mga bagay ay nararapat. Lahat ng mga bagay ay matuwid; nguni't hindi ang lahat ng mga bagay ay makapagpapatibay.” (I Cor. 10:23) (ADB1905)
Litrato ay kuha ni Hans Braxmeier galing sa Pixabay. Ang mga taludtod na sinipi dito ay kinopya mula sa Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905).