SALIKSIKIN NINYO ANG MGA KASULATAN




T1. Ang pangungusap na ito ay namutawi sa mga banal na labi ng ating Panginoong Jesus, ano ang biyayang matatamo sa pagsasaliksik ng mga kasulatan?

S. (a) Pagkakilala sa Panginoong Jesus, at (b) buhay na walang hanggan.

“Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagka't iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito'y siyang nangagpapatotoo tungkol sa akin.” (Jn. 5:39) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T2. Aling kasulatan ang binabanggit ng Panginoong Jesus?

S. Ang mga Banal na Kasulatan na kinasihan ng Dios.

“15 At mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang mga banal na kasulatan na makapagpadunong sa iyo sa ikaliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 16 Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran:” (2 Tim. 3:15-16) (ADB1905)

Hindi lahat ng mga kasulatan ay kinasihan ng Dios. Iisa lamang ang aklat ng Dios at ito ay tinatawag na Biblia. Ito ang Aklat na hindi dapat pagsawaang basahin ng isang naghahangad ng buhay na walang hanggan. Ito rin ang Aklat na nagpapatotoo tungkol sa ating mahal na Panginoon at Tagapagligtas na si Cristo Jesus.

Bumalik sa itaas

T3. Ano ang dapat nating malaman tungkol sa katiyakan na ang Kasulatan, ang Biblia, na nasulat at nabuo ay kinasihan ng Dios?

S. Ang nangagsisulat ay sa kalooban ng Dios sa udyok ng kanyang kapangyarihan na siyang Espiritu Santo.

“20 Na maalaman muna ito, na alin mang hula ng kasulatan ay hindi nagbuhat sa sariling pagpapaliwanag. 21 Sapagka't hindi sa kalooban ng tao dumating ang hula kailanman: kundi ang mga tao ay nagsalita buhat sa Dios, na nangaudyokan ng Espiritu Santo.” (2 Ped. 1:20-21) (ADB1905)

Ang Espiritu Santo ay ang kapangyarihan ng Dios na galing sa itaas na isinasangkap (Luc. 24:49) (ADB1905) sa mga tao, laluna sa mga propeta, upang isulat ang paghahayag ng kanyang kalooban sa mga tao.

Bumalik sa itaas

T4. Sa pagsasaliksik at pagtanggap ng karunungan mula sa mga kasulatan, anong uring karunungan ang makakamit ng tao?

S. Karunungan sa ikaliligtas.

“...ang mga banal na kasulatan na makapagpadunong sa iyo sa ikaliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus.” (2 Tim. 3:15) (ADB1905)

Samantalang ang karunungan na makakamit sa mga aklat ng sanglibutan ay limitado lamang sa kapakinabangang ukol sa buhay na ito, at kailanman ay hindi makapagliligtas at maghahatid sa buhay na walang hanggan.

Bumalik sa itaas

T5. Ano naman ang pakinabang para sa buhay na ito ng mga matututo ng karunungan mula sa Biblia?

S. Matututo ng lahat ng mga gawang mabuti at payapang pamumuhay.

“16 Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran: 17 Upang ang tao ng Dios ay maging sakdal, tinuruang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti.” (2 Tim. 3:16-17) (ADB1905)

Sapagka’t ang Biblia ay mga kasulatan na kinasihan ng Dios, kaya ang karunungang natututuhan dito ay buhat sa itaas. Si Santiago na lingkod ng Dios ay may sinasabi tungkol dito:

“Nguni't ang karunungang buhat sa itaas, ay una-una'y malinis saka mapayapa, banayad, madaling panaingan, puspos ng kaawaan at ng mabubuting bunga, walang inaayunan, walang pagpapaimbabaw.” (Sant. 3:17) (ADB1905)

Sinasabi rin ni Santiago na:

“13 Sino ang marunong at matalino sa inyo? ipakita niya sa pamamagitan ng mabuting kabuhayan ang kaniyang mga gawa sa kaamuan ng karunungan. 14 Nguni't kung kayo'y mayroong mapapait na paninibugho at pagkakampikampi sa inyong puso, ay huwag ninyong ipagmapuri at huwag magsinungaling laban sa katotohanan. 15 Hindi ito ang karunungang bumababa mula sa itaas, kundi ang nauukol sa lupa, sa laman, sa diablo. 16 Sapagka't kung saan mayroong paninibugho at pagkakampikampi, ay doon mayroong kaguluhan at lahat ng gawang masama.” (Sant. 3:13-16) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T6. Isa bang karangalan ang magsaliksik o magsiyasat ng mga banal na kasulatan?

S. Isang karangalan, tulad ng mga taga Berea, na naging marangal kaysa mga taga Tesalonica sa kanilang pagsisikap na siyasatin ang mga kasulatan araw-araw.

“10 At pagdaka'y pinayaon sa gabi ng mga kapatid si Pablo at si Silas sa Berea: na nang dumating sila doon ay nagsipasok sa sinagoga ng mga Judio. 11 Ngayon lalong naging mararangal ang mga ito kay sa mga taga Tesalonica, sapagka't tinanggap nila ang salita ng buong pagsisikap, at sinisiyasat sa araw-araw ang mga kasulatan, kung tunay nga ang mga bagay na ito.” (Gawa 17:10-11) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T7. Sa panahong ito, nararapat bang tiyakin na naaayon sa kasulatan ang mga nadidinig sa mga nangangaral ng evangelio, kung tunay ngang ayon sa mga banal na kasulatan ng Dios?

S. Nararapat tiyakin sapagka’t maraming magsisilitaw na mga bulaang propeta sa sanglibutan, ayon sa hula.

“Mga minamahal, huwag kayong magsipaniwala sa bawa't espiritu, kundi inyong subukin ang mga espiritu, kung sila'y sa Dios: sapagka't maraming nagsilitaw na mga bulaang propeta sa sanglibutan.” (I Jn. 4:1) (ADB1905)

Ang sabi naman ni Apostol Pablo ay hindi dapat humigit sa nasusulat ang tunay na aral na galing sa itaas.

“Ang mga bagay ngang ito, mga kapatid, ay inianyo ko sa halimbawa sa aking sarili at kay Apolos dahil sa inyo; upang sa amin ay mangatuto kayo na huwag magsihigit sa mga bagay na nangasusulat; upang ang sinoman sa inyo ay huwag magpalalo ang isa laban sa iba.” (I Cor. 4:6) (ADB1905)

Nakatitiyak tayo na ang mga bagay na nangasusulat ay ang binabanggit ni Pablo sa kanyang ikalawang sulat kay Timoteo, na walang iba kundi ang mga banal na kasulatan na kinasihan ng Dios, ang Biblia.

Bumalik sa itaas

T8. Ginamit din ba ng Panginoong Jesus ang nangasusulat sa Biblia, nang siya ay narito pa sa lupa, laban sa tukso ng diablo?

S. “Datapuwa't siya'y sumagot, at sinabi, Nasusulat, Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawa't salitang lumalabas sa bibig ng Dios.” (Mat. 4:4/Ang Biblia)

“…Nasusulat din naman, Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Dios.” (Mat. 4:7) (ADB1905)

“Nang magkagayo'y sinabi sa kaniya ni Jesus, Humayo ka, Satanas: sapagka't nasusulat, Sa Panginoon mong Dios sasamba ka, at siya lamang ang iyong paglilingkuran.” ( Mat. 4:10) (ADB1905)

Sa panahong nasa lupa pa ang Panginoong Jesus ay ang mga salitang nasusulat sa Biblia ang kanyang ginamit na pananggol sa panunukso at lumayo sa kanya ang diablo. Pagkatapos ng pagtatagumpay ay nagsidating ang mga anghel at siya’y pinaglingkuran.

Bumalik sa itaas

T9. Gaano ba kabisa ang salita ng Dios na nangasusulat sa kanyang Aklat?

S. Ang salita ng Dios na Makapangyarihan sa lahat ay subok, buhay, mabisa at matalas kaysa alinmang tabak.

“5 Bawa't salita ng Dios ay subok: siya'y kalasag sa kanila, na nanganganlong sa kaniya. 6 Huwag kang magdagdag sa kaniyang mga salita, baka kaniyang sawayin ka, at masunduan kang sinungaling.” (Kaw. 30:5-6) (ADB1905)

“Sapagka't ang salita ng Dios ay buhay, at mabisa, at matalas kay sa alin mang tabak na may dalawang talim, at bumabaon hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at ng utak, at madaling kumilala ng mga pagiisip at mga haka ng puso.” (Heb. 4:12) (ADB1905)

Bumalik sa itaas


Litrato ay kuha ni Pexels galing sa Pixabay. Ang mga taludtod na sinipi dito ay kinopya mula sa Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905).