ANG TAO




T1. Ano ang tao?

S. Nilalang ng Panginoong Dios mula sa alabok ng lupa.

“At nilalang ng Panginoong Dios ang tao sa alabok ng lupa, at hiningahan ang kaniyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay; at ang tao ay naging kaluluwang may buhay.” (Gen. 2:7) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T2. Ano ang mahahalagang sangkap ng tao ayon sa Banal na Kasulatan?

S. Espiritu, kaluluwa at katawan ang mahahalagang sangkap ng tao.

“At pakabanalin kayong lubos ng Dios din ng kapayapaan; at ang inyong espiritu at kaluluwa at katawan ay ingatang buo, na walang kapintasan sa pagparito ng ating Panginoong Jesucristo.” (I Tes. 5:23) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T3. Ilang tao ang nilalang ng Dios, na una na siyang pinagmulan ng sangkatauhan?

S. Isa lamang, si Adam.

“At sinabi ng Panginoong Dios, Hindi mabuti na ang lalake ay magisa; siya'y ilalalang ko ng isang katulong niya.” (Gen. 2:18) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T4. Nang lalangin ng Dios ang katulong ng lalake, kumuha ba muli ng alabok at pinormang tao?

S. Hindi, kundi kinuha ang isa sa kanyang tadyang.

“21 At hinulugan ng Panginoong Dios ng di kawasang himbing ang lalake, at siya'y natulog: at kinuha ang isa sa kaniyang mga tadyang at pinapaghilom ang laman sa dakong yaon: 22 At ang tadyang na kinuha ng Panginoong Dios sa lalake ay ginawang isang babae, at ito'y dinala niya sa lalake.” (Gen. 2:21-22) (ADB1905)

Pansinin na, isang ganap, at may sapat ng gulang nang lalangin ng Dios ang unang taong si Adam, samakatuwid ay hindi isinilang ng isang ina at hindi dumaan sa pagkasanggol. Gayon din ang babae, hindi nga lamang tuwirang kinuha ng Dios sa alabok, kundi sa tadyang ng lalake.

Bumalik sa itaas

T5. Paano naman nilalang ng Dios ang mga sumunod na mga tao na kumalat sa lupa?

S. Sa pamamagitan ng magasawa: lalake at babae: ipinanganak

“At sila'y binasbasan ng Dios, at sa kanila'y sinabi ng Dios, Kayo'y magpalaanakin, at magpakarami, at kalatan ninyo ang lupa, at inyong supilin ...” (Gen. 1:28) (ADB1905)

Pansinin na, may tatlong paraan ng pisikal na paglalang na ipinahahayag ng ulat ng mga talata. Una, tuwirang galing sa alabok. Ikalawa’y mula sa tadyang ng lalake. At sa ikatlong paraan ay sa pamamagitan ng lalake at babae.

Bumalik sa itaas

T6. Wala bang kasama ang Dios nang lalangin niya ang tao?

S. May kasama ang Dios, ang kanyang kalarawan at kawangis.

“At sinabi ng Dios, Lalangin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis ...” (Gen. 1:26) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T7. Itinangi ba ng Dios ang tao sa paglalang ng higit sa lahat ng kanyang nilalang sa ibabaw ng lupa?

S. Itinangi ng Dios ang pagkakalalang niya sa tao.

(a) Hindi nilalang ang tao sa pamamagitan lamang ng salita na gaya ng ibang nilalang sa ibabaw ng lupa.

(b) Nilalang ang tao sa larawan at wangis ng Dios.

(c) Tuwirang hiningahan ng Dios ang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay.

(d) May ginawang paraiso, ang halamanan ng Eden, at doon inilagay ng Dios ang tao. (Gen. 2:8)

(e) May inilaang buhay na walang hanggan na nasa punong kahoy ng buhay na naroon sa Eden. (t. 9)

Bumalik sa itaas

T8. Ano ang layon ng Dios sa kanyang paglalang sa tao?

S. Sumamba at sundin ang utos ng lumalang.

“Oh magsiparito kayo, tayo'y magsisamba at magsiyukod; tayo'y magsiluhod sa harap ng Panginoon na May-lalang sa atin.” (Awit 95:6) (ADB1905)

“Ito ang wakas ng bagay; lahat ay narinig: ikaw ay matakot sa Dios, at sundin mo ang kaniyang mga utos; sapagka't ito ang buong katungkulan ng tao.” (Ecle. 12:13) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T9. Ano ang unang utos na ibinigay ng Dios sa nilalang niyang tao?

S. Huwag kakain sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.

“16 At iniutos ng Panginoong Dios sa lalake, na sinabi, Sa lahat ng punong kahoy sa halamanan ay makakakain ka na may kalayaan: 17 Datapuwa't sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagka't sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka.” (Gen. 2:16-17) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T10. Nasunod ba ng tao ang unang utos na ito ng Dios?

S. Hindi nasunod ng tao.

“At kay Adam ay sinabi, Sapagka't iyong dininig ang tinig ng iyong asawa, at kumain ka ng bunga ng punong kahoy na aking iniutos sa iyo na sinabi, Huwag kang kakain niyaon; sumpain ang lupa dahil sa iyo; kakain ka sa kaniya sa pamamagitan ng iyong pagpapagal sa lahat ng mga araw ng iyong buhay.” (Gen. 3:17) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T11. Ano ang naging bunga sa lahi ng tao nang di pagsunod sa utos ng Dios ng ama ng sangkatauhan na si Adam?

S. Pumasok ang kasalanan sa sanglibutan na naging sanhi ng kamatayan.

“Kaya, kung paano na sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanglibutan, at ang kamataya'y sa pamamagitan ng kasalanan; at sa ganito'y ang kamatayan ay naranasan ng lahat ng mga tao, sapagka't ang lahat ay nangagkasala.” (Roma 5:12) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T12. Ano ang kamatayan na bunga ng kasalanan ng ama ng sangkatauhan?

S. Kamatayan na ang labi ay inililibing sa libingan.

“...Pagka ako'y namatay, ilibing nga ninyo ako sa libingan na pinaglibingan sa lalake ng Dios: ilagay ninyo ang aking mga buto sa siping ng kaniyang mga buto.” (I Hari 13:31) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T13. Ang tao ba ay nilalang ng Dios sa kasalukuyan niyang estado na makasalanan?

S. Hindi, kundi ginawang matuwid ng Dios ang tao.

“Narito, ito lamang ang aking nasumpungan, na ginawang matuwid ng Dios ang tao; nguni't nagsihanap sila ng maraming katha.” (Ecle. 7:29) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T14. Naging kalugod-lugod ba sa Dios ang pagsunod ng tao sa katha o sali’t saling sabi?

S. Hindi nalulugod.

“8 Ang bayang ito'y iginagalang ako ng kanilang mga labi; Datapuwa't ang kanilang puso ay malayo sa akin. 9 Datapuwa't walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, Na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ang mga utos ng mga tao.” (Mat. 15:8-9) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T15. Kung ang kamatayan na inililibing sa sementeryo ay bunga ng kasalanan ni Adam na tinaglay ng kanyang lahing tao, ano naman ang nagiging bunga ng personal na kasalanan ng tao sa Dios?

S. “Nguni't sa mga duwag, at sa mga hindi mananampalataya, at sa mga kasuklamsuklam, at sa mga mamamatay-tao, at sa mga mapakiapid, at sa mga manggagaway, at sa mga mapagsamba sa diosdiosan, at sa lahat na mga sinungaling, ang kanilang bahagi ay sa dagatdagatang nagniningas sa apoy at asupre; na siyang ikalawang kamatayan.” (Apo. 21:8) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T16. Paano maka-aalpas ang tao sa tanikala ng kasalanan, upang sa gayon ay makamit ang buhay na walang hanggan na inihanda na noong una ng Dios sa Eden?

S. Dinggin ang salita ng Panginoong Jesus at sumampalataya sa nagsugo sa kanya.

“Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang dumirinig ng aking salita, at sumasampalataya sa kaniya na nagsugo sa akin, ay may buhay na walang hanggan, at hindi mapapasok sa paghatol, kundi lumipat na sa kabuhayan mula sa kamatayan.” (Jn. 5:24) (ADB1905)

Bumalik sa itaas


Litrato ay kuha ni skalekar1992 galing sa Pixabay. Ang mga taludtod na sinipi dito ay kinopya mula sa Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905).