ANG IGLESIA



ANG TALAHANAYAN

T1. Ano ang Iglesia?

T2. Bago bumabang mula sa langit ang Anak ng Dios, (Jn. 6:38), mayroon na bang iglesia?

T3. Sino ang puno at tagapagligtas ng bayan ng Dios na siyang iglesia ng Dios sa ilang, na tinubos mula sa makasalanang bayang Egipto?

T4. Sino ang naganyo at lumalang sa Israel na siyang iglesia sa ilang?

T5. Sa kanginong pangalan tinatawag yaong nilikha, inanyuan, at ginawa ng Panginoong Dios sa kanyang kaluwalhatian?

T6. Gaano kahalaga sa Panginoong Dios ang kanyang pangalan?

T7. Sa bayang Israel ang Dios lamang ba ang “banal” at dakila ang pangalan ng Ama?

T8. Naging tapat ba ang Israel sa Dios na lumalang at nag-anyo sa kanya ng isang bayan?

T9. Sa propesiyang pananalita, paano ipinaliliwanag ang pangyayaring yaon?

T10. Pinabayaan lamang ba ng Dios ang kanyang bayan na sinisimbulo ng tabernakulo, na buwal at sira?

T11. Kung si Moises ang sugo ng Dios na tagapagsalita sa Egipto at sa kanyang bayang Israel, upang ilabas ang bayan sa Egipto, upang pagkatapos nito’y itatag ang iglesia sa ilang (Exo. 3:10-22), sino ang sugong Tagapagsalita ng Dios sa huling araw?

T12. Pinatotohanan ba ng Panginoong Jesus na siya nga ay Tagapagsalita ng kanyang Ama na nagsugo sa kaniya sa huling araw?

T13. Bilang Tagapagsalita, sinalita ba niya ang pagtatayo ng Ama ng kanyang iglesia?

T14. Bilang saksi, pinatutunayan ba ni Apostol Pedro sa kanyang sulat, na kay Cristo itinayo ng Amang Dios ang kanyang iglesia?

T15. Nang maitayo na kay Cristo ang iglesia ng Dios, ano ang taglay na pangalan na siyang kalooban ng Dios?

T16. May patotoo ba na ang iglesia ng Dios ay siyang katawang si Cristo ang Ulo?

T17. Bakit napalakip ang pangalan ng Anak ng Dios sa pangalan ng iglesiang sa Dios?

T18. Tinitiyak ba ng Banal na Kasulatan, na iisa lamang ang Iglesiang pinangunguluhan ni Cristo na kanyang ililigtas?

T19. Ayon sa Kasulatan, ano ang buong pangalan ng iglesiang sa Dios?

T20. Ano ang banal na layunin sa pagtatayo ng Dios ng kanyang iglesia?

T21. Ano o sino ang kapuspusan ng karunungan ng Dios na ang may karapatang magpakilala ay ang iglesia ng Dios?

T22. Napasulat ba, na sadyang may mga iglesia, sapagka’t hindi sa Dios, ay may ibang Jesus na ipinangangaral?

T23. Kung nagtitiis man ang tunay na iglesiang sa Dios, na walang iba kundi ang Iglesia ng Dios, sa dinadanas nilang maraming paguusig, ay nakatitiyak ba naman na papasok sa kaharian ng Dios?


T1. Ano ang Iglesia?

S. Ang Iglesia ay isang samahan ng mga sumasampalataya sa Dios,na nagsisitupad ng mga turo ni Cristo Jesus, na siyang itinalaga ng Dios na pangulo nito.

“At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga'y ng iglesia;…” (Col. 1:18) (ADB1905)

“Ngayo'y nagagalak ako sa aking mga hirap dahil sa inyo, at aking pinupunan sa akin ang kakulangan ng mga hirap ni Cristo sa aking laman dahil sa kaniyang katawan, na siyang iglesia.” (Col. 1:24) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T2. Bago bumabang mula sa langit ang Anak ng Dios, (Jn. 6:38), mayroon na bang iglesia?

S. Mayroon na, ang Israel na bayan ng Dios, nang kanyang palayain mula sa pagkaalipin sa Egipto.

“Ito'y yaong naroon sa iglesia sa ilang na kasama ang anghel na nagsalita sa kaniya sa bundok ng Sinai, at kasama ang ating mga magulang: na siyang nagsitanggap ng mga aral na buhay upang ibigay sa atin:” (Gawa 7:38) (ADB1905)

Ang bayan ng Dios na Israel ay tinawag na “iglesia sa ilang,” pagkatapos na ilabas ng Dios sa Egipto na makasalanang bayan, kung saan ang Israel ay naging alipin ng mahabang panahon (Exo. 20:1-2) Ang mga pinalaya ng Dios mula sa pagkaalipin ng kasalanan sa mga huling araw na ito, sa pamamagitan ng kanyang Anak na si Cristo Jesus, ay tinatawag ding iglesia.

Bumalik sa itaas

T3. Sino ang puno at tagapagligtas ng bayan ng Dios na siyang iglesia ng Dios sa ilang, na tinubos mula sa makasalanang bayang Egipto?

S. Si Moises ang puno at tagapagligtas ng bayan ng Dios, na siyang iglesia ng Dios sa ilang.

“Ang Moises na ito na kanilang itinakuwil, na sinasabi, Sino ang sa iyo'y naglagay na puno at hukom? ay siyang sinugo ng Dios na maging puno at tagapagligtas sa pamamagitan ng kamay ng anghel na sa kaniya'y napakita sa mababang punong kahoy.” (Gawa 7:35) (ADB1905)

“25 Na pinili pa ang siya'y tampalasanin na kasama ng bayan ng Dios, kay sa magtamo ng nagsisikupas na kaligayahan sa pagkakasala; 26 Na inaring malaking kayamanan ang kadustaan ni Cristo, kay sa mga kayamanan ng Egipto: sapagka't ang kaniyang tinititigan ay ang gantingpalang kabayaran.” (Heb. 11:25-26) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T4. Sino ang naganyo at lumalang sa Israel na siyang iglesia sa ilang?

S. Ang Dios ang lumalang at naganyo sa Israel na siyang iglesia sa ilang.

“Nguni't ngayo'y ganito ang sabi ng Panginoon na lumalang sa iyo, Oh Jacob, at naganyo sa iyo, Oh Israel, Ikaw ay huwag matakot, sapagka't tinubos kita; tinawag kita sa iyong pangalan, ikaw ay akin.” (Isa. 43:1) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T5. Sa kanginong pangalan tinatawag yaong nilikha, inanyuan, at ginawa ng Panginoong Dios sa kanyang kaluwalhatian?

S. Tinatawag sa kanyang pangalan.

“Bawa't tinatawag sa aking pangalan, at yaong aking nilikha ay sa aking kaluwalhatian, yaong aking inanyuan oo, yaong aking ginawa.” (Isa. 43:7) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T6. Gaano kahalaga sa Panginoong Dios ang kanyang pangalan?

S. Hindi titiisin na lapastanganin ng Amang Panginoon ang kanyang pangalan.

“At ang aking banal na pangalan ay ipakikilala ko sa gitna ng aking bayang Israel; at hindi ko man titiising malapastangan pa ang aking banal na pangalan: at malalaman ng mga bansa na ako ang Panginoon, ang banal sa Israel.” (Eze. 39:7) (ADB1905)

Paliwanag: - Sa Panginoon, ang kanyang pangalan ay “Banal.” Hindi niya titiisin na malapastangan ang kanyang banal na pangalan. Ang tao ay may ganito ring pagpapahalaga sa kanyang sariling pangalan, sapagka’t nilalang ayon sa larawan at wangis ng Dios. Kaya’t ang mga sekta na hindi nagpapahalaga sa pangalan ng Panginoon, sa paraang nagtindig sila ng kanilang sariling iglesia na tinawag nila sa ibang pangalang ayon sa kanilang kagustuhan, ay nagpapawalang halaga sa pangalan ng Amang Panginoon.

Bumalik sa itaas

T7. Sa bayang Israel ang Dios lamang ba ang “banal” at dakila ang pangalan ng Ama?

S. Hindi lamang sa Israel, kundi sa lahat din naman ng mga Gentil, sapagka’t ito ang kalooban ng Dios.

“Sapagka't mula sa sinisikatan ng araw hanggang sa nilulubugan niyaon, magiging dakila ang aking pangalan sa mga Gentil; at sa bawa't dako ay paghahandugan ng kamangyan ang aking pangalan, at ng dalisay na handog: sapagka't ang aking pangalan ay magiging dakila sa gitna ng mga Gentil, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.” (Mal. 1:11) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T8. Naging tapat ba ang Israel sa Dios na lumalang at nag-anyo sa kanya ng isang bayan?

S. Hindi naging tapat kundi nangaghimagsik laban sa Dios.

“2 Dinggin mo, Oh langit, at pakinggan mo, Oh lupa, sapagka't sinalita ng Panginoon: Ako'y nagalaga at nagpalaki ng mga bata, at sila'y nanganghimagsik laban sa akin. 3 Nakikilala ng baka ang kaniyang panginoon, at ng asno ang pasabsaban ng kaniyang panginoon: nguni't ang Israel ay hindi nakakakilala, ang bayan ko ay hindi gumugunita. 4 Ah bansang salarin, bayang napapasanan ng kasamaan, lahi ng mga manggagawa ng kasamaan, mga anak na nagsisigawa ng kalikuan: pinabayaan nila ang Panginoon, hinamak nila ang Banal ng Israel, sila'y nangapalayo na nagsiurong.” (Isa. 1:2-4) (ADB1905)

Paliwanag: Hindi naging tapat ang Israel na bayan ng Dios, na siyang iglesia ng Dios noon, na pinanguluhan ni Moises. Naging mabuti pa sa kanila ang baka at ang asno na nakikilala ang kanilang panginoon. Ang Israel na itinangi ng Dios, na bayang siya lamang pinagtiwalaan ng tabernakulo ng Dios, na templong tirahan ng kaluwalhatian, na di ipinagkaloob sa ibang bansa ay hindi naging tapat. (Exo. 40:34-36) Ibinagsak nila ang mabuti nilang kaugnayan sa Lumalang sa kanila. Kanilang pinatay ang mga propeta na isinugo sa kanila. Kanilang giniba ang mga dambana na ipinaglilingkod sa Dios na nagpalaki sa kanila. (Roma 11:3) Pinabayaan nila ang Panginoon. Hinamak nila ang Banal ng Israel. Sila’y nangapalayo na nagsiurong.

Bumalik sa itaas

T9. Sa propesiyang pananalita, paano ipinaliliwanag ang pangyayaring yaon?

S. Ang tabernakulo ni David na buwal ay muling itatayo ng Dios.

“11 Sa araw na yaon ay ibabangon ko ang tabernakulo ni David na buwal, at tatakpan ko ang mga sira niyaon; at ibabangon ko ang mga guho niyaon, at aking itatayo na gaya ng mga araw ng una; 12 Upang kanilang ariin ang nalabi sa Edom, at ang lahat na bansa na mga tinatawag sa aking pangalan, sabi ng Panginoon na gumagawa nito.” (Amos 9:11-12) (ADB1905)

Paliwanag: Ang tabernakulo ni David ay sinisimbulo o kinakatawan ang Israel, kasama ang sistema ng banal na pamumuhay ayon sa kautusang tinanggap nila sa Dios. Ang tabernakulo na buwal ay bayan ng Dios na siyang iglesia ng Dios noong una, na kinakatawan ng tabernakulo ni David sa propetikal na pananalita. Nabagsak at nasira ang kanilang kaugnayan sa Dios, dahil sa paglipat nila sa ibang dios. (Gawa 7:39-44)

Bumalik sa itaas

T10. Pinabayaan lamang ba ng Dios ang kanyang bayan na sinisimbulo ng tabernakulo, na buwal at sira?

S. Hindi pinabayaan ng Dios na manatiling buwal at sira.

“Pagkatapos ng mga bagay na ito, ako'y babalik, At muli kong itatayo ang tabernakulo ni David, na nabagsak; At muli kong itatayo ang nangasira sa kaniya. At ito'y aking itatayo: Upang hanapin ng nalabi sa mga tao ang Panginoon, At ng lahat ng mga Gentil, na tinatawag sa aking pangalan, Sabi ng Panginoon, na nagpapakilala ng mga bagay na ito mula nang una.” (Gawa 15:16-18) (ADB1905)

Paliwanag: Hindi pinabayaan ng Panginoon at manatiling bagsak at sira ang kanyang bayan (iglesia). Muli niyang itatayo mula sa nalabi sa mga tao. Sa muling pagtatayong ito nagkamit ng biyaya ang mga Gentil upang mapasama sa bayan ng Dios na tinatawag sa kanyang pangalan.

Bumalik sa itaas

T11. Kung si Moises ang sugo ng Dios na tagapagsalita sa Egipto at sa kanyang bayang Israel, upang ilabas ang bayan sa Egipto, upang pagkatapos nito’y itatag ang iglesia sa ilang (Exo. 3:10-22), sino ang sugong Tagapagsalita ng Dios sa huling araw?

S. Ang kanyang Anak na si Cristo Jesus.

“Ang Dios, na nagsalita nang unang panahon sa ating mga magulang sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta. Ay nagsalita sa atin sa mga huling araw na ito sa pamamagitan, ng kaniyang Anak,…” (Heb. 1:1-2) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T12. Pinatotohanan ba ng Panginoong Jesus na siya nga ay Tagapagsalita ng kanyang Ama na nagsugo sa kaniya sa huling araw?

S. Pinatotohanan niya sapagka’t sinabi niya,

“49 Sapagka't ako'y hindi nagsasalita na mula sa aking sarili; kundi ang Ama na sa akin ay nagsugo, ay siyang nagbigay sa akin ng utos, kung ano ang dapat kong sabihin, at kung ano ang dapat kong salitain. 50 At nalalaman ko na ang kaniyang utos ay buhay na walang hanggan; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng Ama, gayon ko sinasalita.” (Jn. 12:49-50) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T13. Bilang Tagapagsalita, sinalita ba niya ang pagtatayo ng Ama ng kanyang iglesia?

S. Sinalita niya na ang sabi,

“At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesia; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya.” (Mat. 16:18) (ADB1905)

Paliwanag: Pinatunayan ng Panginoong Jesus kay Pedro, na ang pagkakilala niya sa kanya ay ipinahayag ng Ama na nasa langit; samakatuwid baga’y siya na Anak ng tao ay ang “Anak ng Dios na buhay.” (Mat. 16:15-17). Samakatuwid, sa pagkakataong yaon ay kausap ng Amang Dios si Pedro. At nagpatuloy ang pagpapahayag ng Dios kay Pedro sa pamamagitan naman ng bibig ng kanyang Anak na kanyang Tagapagsalita na si Cristo. Sa yugtong ito sinabi ng Amang nasa langit kay Pedro, sa pagkasangkapan sa kanyang Anak na si Cristo, na kaharap ni Pedro, ang pagtatayo ng Ama ng kanyang iglesia sa ibabaw ng “batong si Cristo,” nang sabihing, “At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesia.”

Maliwanag, kung gayon, na ang kausap ni Pedro ay ang Ama na nasa langit, sa pamamagitan ng bibig ni Cristo. Ang tinutukoy ng “sa ibabaw ng batong ito” ay si Cristo at hindi si Pedro. At ang batong pagtatayuan ng iglesia ng Amang nasa langit ay si Cristo at hindi si Pedro.

Sa katuusan ay hindi si Cristo ang nagtayo ng iglesia. Hindi rin si Pedro ang pinagtayuan ng iglesia. Ang maliwanag na ipinahahayag ng Espiritu ng katotohanan ay (a) ang Dios ang nagtayo ng kanyang iglesia, (b) ang kanyang Anak na si Cristo Jesus ang pinagtayuan, at (k) si Pedro ang pinagpahayagan at saksi ng Dios ng kanyang pagtatayo ng iglesia sa kanyang Anak na si Cristo Jesus.

Bumalik sa itaas

T14. Bilang saksi, pinatutunayan ba ni Apostol Pedro sa kanyang sulat, na kay Cristo itinayo ng Amang Dios ang kanyang iglesia?

S. Pinatutunayan niya na sinasabi,

“4 Na kayo'y magsilapit sa kaniya, na isang batong buhay, na sa katotohana'y itinakuwil ng mga tao, datapuwa't sa Dios ay hirang, mahalaga, Kayo rin naman, na gaya ng mga batong buhay, ay natatayong bahay na ukol sa espiritu, upang maging pagkasaserdoteng banal, upang maghandog ng mga hain na ukol sa espiritu, na nangakalulugod sa Dios sa pamamagitan ni Jesucristo.” (I Ped. 2:4-5) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T15. Nang maitayo na kay Cristo ang iglesia ng Dios, ano ang taglay na pangalan na siyang kalooban ng Dios?

“Ako nga ang pinakamaliit sa mga apostol, at hindi ako karapatdapat na tawaging apostol, sapagka't pinagusig ko ang iglesia ng Dios.” (I Cor. 15:9) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T16. May patotoo ba na ang iglesia ng Dios ay siyang katawang si Cristo ang Ulo?

S. Mayroon. Nang sa daan ng Damasco ay inuusig ni Saulo (Pablo) ang iglesia.

“…Saulo, Saulo, bakit mo ako pinaguusig?” “Sino ka baga, Panginoon?” “At sinabi niya, Ako'y si Jesus na iyong pinaguusig.” (Gawa 9:4-5) (ADB1905)

Paliwanag: Pansinin ang pagkakaugnay ng Iglesia ng Dios na nasa lupa, kay Cristo Jesus na nasa langit. Bilang Ulo ay siya ang nasasaktan sa ginagawang paguusig sa kanyang katawang Iglesia ng Dios. Dahil dito’y natitiyak natin na walang ibang iglesia na siya ang Ulo kundi ang Iglesia ng Dios, na naririto pa sa lupa.

Bumalik sa itaas

T17. Bakit napalakip ang pangalan ng Anak ng Dios sa pangalan ng iglesiang sa Dios?

S. Sapagka’t kalooban ng kanyang Amang Dios.

“At sa kanino mang iba ay walang kaligtasan: sapagka't walang ibang pangalan sa silong ng langit, na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas.” (Gawa 4:12) (ADB1905)

“.... siya'y binigyan ng pangalang lalo sa lahat ng pangalan; Upang sa pangalan ni Jesus ay iluhod ang lahat ng tuhod, ng nangasa langit, at ng nangasa ibabaw ng lupa, at ng nangasa ilalim ng lupa, At upang ipahayag ng lahat ng mga dila na si Jesucristo ay Panginoon, sa ikaluluwalhati ng Dios Ama.” (Fil. 2:9-11) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T18. Tinitiyak ba ng Banal na Kasulatan, na iisa lamang ang Iglesiang pinangunguluhan ni Cristo na kanyang ililigtas?

S. Tinitiyak ng Kasulatan, gaya ng sinasabi:

“Sapagka't ang lalake ay pangulo ng kaniyang asawa, gaya naman ni Cristo na pangulo ng iglesia, na siya rin ang tagapagligtas ng katawan.” (Efe. 5:23) (ADB1905)

“May isang katawan, at isang Espiritu, gaya naman ng pagkatawag sa inyo sa isang pagasa ng pagtawag sa inyo; Isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo.” (Efe. 4:4-5) (ADB1905)

Paliwanag: Kung paanong iisa lamang ang Israel na bayan ng Dios, ay iisa lamang din ang Iglesia ng Dios na ang Pangulo ay ang kanyang Anak na si Cristo Jesus. Nang itayo ng Dios ang kanyang Iglesia sa ilang, na ang inilagay na Pangulo ay si Moises, ay pawang Israelita ang mga miyembro, ang layon ay upang may isang lahing magpapahayag ng kanyang kapangyarihan at kaluwalhatian sa buong lupa. Nagpapakilala ito na ang Dios ay tumatahan sa Israel. Samakatuwid ang Israel ay tahanan ng Dios sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng kautusan at mga palatuntunan, na hindi ibinigay sa ibang bansa. Ang Israel lamang ang may tipan, pangako at pagasa sa Dios. (Efe. 2:11-12)

Ang Israel bilang tabernakulo o tahanan ng Dios, ay nabagsak at nangasira ang himaymay ng pagiging bayan ng Dios, dahil sa kawalan ng pananampalataya sa Dios, na sila’y lumipat sa pagsamba sa ibang dios. Dahil dito’y nawasak ang kanilang mabuting relasyon sa Dios. Naging bansang salarin. (Isa. 1:4)

Ngunit dahil sa pagibig ng Dios sa lahat ng tao na kanyang nilalang, ay isinugo niya ang kanyang bugtong na Anak, upang sa kanya itayong muli ang kanyang iglesia (Gawa 15:16). Sa pagkakataong ito ay kasama na ang mga Gentil na magiging miyembro ng iglesiang muli niyang itatayo. (Gawa 15:15-18). At sinalita ng Anak ang pagtatayo ng Ama ng kanyang iglesia (Mat. 16:18)

Pinatutunayan ng Kasulatan, na ang iglesiang itinayo ng Dios na tinatawag sa kanyang pangalan ay ang iglesia ng Dios. Ito ang iglesiang inusig ni Saulo (Pablo) nang hindi pa siya tinatawag ng Panginoong Jesus na maging apostol. Samakatuwid, ang iglesiang sa Dios ay ang iglesiang tinatawag sa kanyang pangalan at pinangunguluhan ni Cristo Jesus. Bilang Pangulo ng Iglesia ng Dios, ito ang ililigtas ni Cristo Jesus. (Efe. 5:23)

Bumalik sa itaas

T19. Ayon sa Kasulatan, ano ang buong pangalan ng iglesiang sa Dios?

S. Iglesia ng Dios (na pinapaging banal) kay Cristo Jesus.

“1 Si Pablo, na tinawag na maging apostol ni Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, at si Sostenes na ating kapatid, 2 Sa iglesia ng Dios na nasa Corinto, sa makatuwid baga'y sa mga pinapagingbanal kay Cristo Jesus, na tinawag na mangagbanal, na kasama ng lahat ng mga nagsisitawag sa bawa't dako, sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, na kanila at ating Panginoon.” (I Cor. 1:1-2) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T20. Ano ang banal na layunin sa pagtatayo ng Dios ng kanyang iglesia?

S. Upang maipakilala ang kapuspusan ng karunungan ng Dios.

“Upang ngayo'y sa pamamagitan ng iglesia, ay maipakikilala sa mga pamunuan at sa mga kapangyarihan sa sangkalangitan ang kapuspusan ng karunungan ng Dios.” (Efe. 3:10) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T21. Ano o sino ang kapuspusan ng karunungan ng Dios na ang may karapatang magpakilala ay ang iglesia ng Dios?

S. Ang hiwaga ng Dios na si Cristo Jesus.

“26 Maging ang hiwaga na inilihim sa lahat ng panahon at lahi: datapuwa't ngayo'y ipinahayag sa kaniyang mga banal, 27 Na sa kanila'y minagaling ng Dios na ipakilala kung ano ang mga kayamanan ng kaluwalhatian ng hiwagang ito sa gitna ng mga Gentil, na ito'y si Cristo na nasa inyo, na pagasa ninyo sa kaluwalhatian. (Col. 1: 26-27) (ADB1905)

“23 Datapuwa't ang aming ipinangangaral ay ang Cristo na napako sa krus, na sa mga Judio ay katitisuran, at sa mga Gentil ay kamangmangan; 24 Nguni't sa kanila na mga tinawag, maging mga Judio at mga Griego, si Cristo ang kapangyarihan ng Dios, at ang karunungan ng Dios.” (I Cor. 1:23-24) (ADB1905)

Paliwanag: Maraming mga tao ang nagsipagtayo ng sarili nilang iglesia. Ngunit ibang Jesus ang ipinakikilala ng mga yaon, na isang malaki at maliwanag na tatak na sila ay hindi sa Dios. Tanging ang tunay na Iglesia ng Dios (na pinapaging banal) kay Cristo Jesus ang siyang pinagpahayagan kung sino ang kapuspusan ng kanyang karunungan. Kung sino siya ay walang iba kundi si Cristo Jesus. Si Cristo ang inilagay ng Dios na maging Pangulo at Tagapagligtas ng Iglesia ng Dios.

Bumalik sa itaas

T22. Napasulat ba, na sadyang may mga iglesia, sapagka’t hindi sa Dios, ay may ibang Jesus na ipinangangaral?

S. Mayroon, ang sinasabi sa 2 Corinto 11:4.

“Sapagka't kung yaong paririto ay mangaral ng ibang Jesus, na hindi namin ipinangaral, o kung kayo'y nagsisitanggap ng ibang espiritu na hindi ninyo tinanggap, o ibang evangelio na hindi ninyo tinanggap, ay mabuting pagtiisan ninyo.” (2 Cor. 11:4) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T23. Kung nagtitiis man ang tunay na iglesiang sa Dios, na walang iba kundi ang Iglesia ng Dios, sa dinadanas nilang maraming paguusig, ay nakatitiyak ba naman na papasok sa kaharian ng Dios?

S. Nakatitiyak.

“4 Ano pa't kami sa aming sarili ay nangagkakapuri sa inyo sa mga iglesia ng Dios dahil sa inyong pagtitiis at pananampalataya sa lahat ng mga paguusig sa inyo at sa mga kapighatiang inyong tinitiis; 5 Na isang tandang hayag ng matuwid na paghukom ng Dios; upang kayo'y ariing karapatdapat sa kaharian ng Dios, na dahil dito'y nangagbabata rin naman kayo.” (2 Tes. 1:4-5) (ADB1905)

“Sapagka't napatutunayan ko na ang pagtitiis sa panahong ito'y hindi karapatdapat maitumbas sa kaluwalhatiang mahahayag sa atin.” (Roma 8:18) (ADB1905)

“Datapuwa't ang magtitiis hanggang sa wakas ay siyang maliligtas.” (Mat. 24:13) (ADB1905)

Bumalik sa itaas


Litrato ay kuha ni Gerd Altmann galing sa Pixabay. Ang mga taludtod na sinipi dito ay kinopya mula sa Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905).