ANG PAGHUHUKOM
TALAHANAYAN NG NILALAMAN:
T2. Kailan itinakda ng Dios ang paghuhukom sa tao?
T3. Ang ibig bang sabihin nito’y nasa libingan pa ang tao ay huhukuman na niya?
T4. Wala bang mga tao na samantalang nabubuhay ay nasa ilalim na ng paghuhukom?
T5. Bakit samantalang buhay pa ang mga kay Cristo na nasa Iglesia ng Dios ay hinuhukuman na?
T8. Ano ang paliwanag tungkol sa katawang yaon na ipapalit sa katawan ng ating pagkamababa?
T14. Sapagka’t wala na ang lupa, saan nangapunta ang mga patay na nangarito?
T18. Saan dadalhin ng Panginoong Jesus ang kapiling niyang mga banal?
T19. Sino ang makakatagpo ng mga banal sa bagong Jerusalem?
T20. Anong kaluwalhatian ang tatamasahin ng mga banal sa piling ng Dios?
T21. Magkakaroon pa ba ng gabi sa piling ng Dios sa bagong Jerusalem?
T22. Ang Amang Dios lamang ba ang makikita sa bagong Jerusalem, wala ba ang Panginoong Jesus doon?
T1. Ano ang paghuhukom?
S. Kahatulan sa bawa’t gawa, maging ito’y mabuti o masama.
“13 Ito ang wakas ng bagay; lahat ay narinig: ikaw ay matakot sa Dios, at sundin mo ang kaniyang mga utos; sapagka't ito ang buong katungkulan ng tao. 14 Sapagka't dadalhin ng Dios ang bawa't gawa sa kahatulan, pati ng bawa't kubling bagay, maging ito'y mabuti o maging ito'y masama.” (Ecle. 12:13-14) (ADB1905)
Ang Dios lamang ang may kakayahan at kapangyarihang hatulan pati ng kubling bagay na ginawa ng bawa’t tao. Kaya’t sa Dios lamang nagbubuhat ang matuwid na paghuhukom.
T2. Kailan itinakda ng Dios ang paghuhukom sa tao?
S. Pagkatapos na ang tao ay mamatay na minsan.
“At kung paanong itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom.” (Heb. 9:27) (ADB1905)
T3. Ang ibig bang sabihin nito’y nasa libingan pa ang tao ay huhukuman na niya?
S. Hindi, bubuhaying maguli upang hatulan.
“28 Huwag ninyong ipanggilalas ito: sapagka't dumarating ang oras, na ang lahat ng nangasa libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig, 29 At magsisilabas; ang mga nagsigawa ng mabuti, ay sa pagkabuhay na maguli sa buhay; at ang mga nagsigawa ng masama, ay sa pagkabuhay na maguli sa paghatol.” (Jn. 5:28-29) (ADB1905)
T4. Wala bang mga tao na samantalang nabubuhay ay nasa ilalim na ng paghuhukom?
S. Mayroon, ang nasa bahay o Iglesia ng Dios.
“Sapagka't dumating na ang panahon ng pasimula ng paghuhukom sa bahay ng Dios: at kung mauna sa atin, ano kaya ang wakas ng mga hindi nagsisitalima sa evangelio ng Dios?” (I Ped. 4:17) (ADB1905); “ang bahay ng Dios” (I Tim. 3:15) (ADB1905)
T5. Bakit samantalang buhay pa ang mga kay Cristo na nasa Iglesia ng Dios ay hinuhukuman na?
S. Nabubuhay man kung hindi nagbubunga ay pinuputol ng Ama.
“1 Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang magsasaka. 2 Ang bawa't sanga na sa akin ay hindi nagbubunga, ay inaalis niya: at ang bawa't sanga na nagbubunga ay nililinis niya, upang lalong magbunga.” (Jn. 15:1-2) (ADB1905)
a. Kasama ng Panginoong Jesus ang iglesia sa araw na kanyang hahatulan ang masasama, kung kaya’t ngayon pa lamang ay una nang hinahatulan ang nangasa bahay ng Dios.
“2 O hindi baga ninyo nalalaman na ang mga banal ay magsisihatol sa sanglibutan? at kung ang sanglibutan ay hahatulan ninyo, hindi kaya baga dapat magsihatol kayo sa mga bagay na pinakamaliit? 3 Hindi baga ninyo nalalaman na ating hahatulan ang mga anghel? gaano pa kaya ang mga bagay na nauukol sa buhay na ito?” (I Cor. 6:2-3) (ADB1905)
Mahalaga na malaman ng isang Kristiyano ang aral ng Panginoong Jesus na,
“…ang magtitiis hanggang sa wakas ay siyang maliligtas.” (Mat. 24:13) (ADB1905)
At ang sabi naman ni Apostol Pedro na,
“20 Sapagka't kung, pagkatapos na sila'y makatakas sa mga pagkahawa sa sanglibutan sa pamamagitan ng pagkakilala sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, ay muling mahalubiluhan at madaig niyaon, ay lalong sumasama ang huling kalagayan nila kay sa nang una. 21 Sapagka't magaling pa sa kanila ang hindi nakakilala ng daan ng katuwiran, kay sa, pagkatapos na makakilala ito ay tumalikod sa banal na utos na ibinigay sa kanila.” (2 Ped. 2:20-21) (ADB1905)
T6. Sa muling pagparito ng Panginoong Jesus, ano ang mabuting magaganap sa kanyang mga lingkod na nagtapat hanggang kamatayan?
S. Unang mangabubuhay na maguli.
“16 Sapagka't ang Panginoon din ang bababang mula sa langit, na may isang sigaw, may tinig ng arkanghel, at may pakakak ng Dios: at ang nangamatay kay Cristo ay unang mangabubuhay na maguli; 17 Kung magkagayon, tayong nangabubuhay, na nangatitira, ay aagawing kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang Panginoon sa hangin: at sa ganito'y sasa Panginoon tayo magpakailan man.” (I Tes. 4:16-17) (ADB1905)
Narito ang gantimpala sa mga nanatiling sa Panginoon hanggang kamatayan. Ang unang paghuhukom ay magaganap (na nagaganap na ngayon) sa bahay ng Dios (Iglesia ng Dios) upang mapili ang mga tapat hanggang kamatayan. Ang tapat na miyembro ng Iglesia ng Dios ay siyang karapatdapat sa unang pagkabuhay na maguli; na kasama din ng mga banal na aabutang buhay sa muling pagparito ng Panginoon, na sasalubong sa kanya upang makasama ng Panginoon magpakailan man.
T7. Anong uring katawan ang tataglayin ng mga nanatiling tapat sa paglilingkod sa Panginoon sa pagsalubong sa kanya?
S. Katulad ng katawan ng kanyang kaluwalhatian.
“20 Sapagka't ang ating pagkamamamayan ay nasa langit; mula doon ay hinihintay naman natin ang Tagapagligtas, ang Panginoong Jesucristo: 21 Na siyang magbabago ng katawan ng ating pagkamababa, upang maging katulad ng katawan ng kaniyang kaluwalhatian, ayon sa paggawa na maipagpapasuko niya sa lahat ng mga bagay sa kaniya.” (Fil. 3:20-21) (ADB1905)
T8. Ano ang paliwanag tungkol sa katawang yaon na ipapalit sa katawan ng ating pagkamababa?
S. Katawang walang kasiraan at walang kamatayan.
“50 Sinasabi ko nga ito, mga kapatid, na ang laman at ang dugo ay hindi makapagmamana ng kaharian ng Dios; ni ang kasiraan ay magmamana ng walang kasiraan. 51 Narito, sinasaysay ko sa inyo ang isang hiwaga: hindi tayong lahat ay mangatutulog, nguni't tayong lahat ay babaguhin, 52 Sa isang sangdali, sa isang kisapmata, sa huling pagtunog ng pakakak: sapagka't tutunog ang pakakak, at ang mga patay ay mangabubuhay na maguli na walang kasiraan, at tayo'y babaguhin. 53 Sapagka't kinakailangan na itong may kasiraan ay magbihis ng walang kasiraan, at itong may kamatayan ay magbihis ng walang kamatayan.” (I Cor. 15:50-53) (ADB1905)
T9. Saan dadalhin ng Panginoong Jesus ang kanyang mga tapat na lingkod, pagkatapos na unang buhaying maguli?
S. Kasama niyang mangaghahari sa loob ng isang libong taon.
“Mapalad at banal ang makalakip sa unang pagkabuhay na maguli: sa mga ito'y walang kapangyarihan ang ikalawang kamatayan; kundi sila'y magiging mga saserdote ng Dios at ni Cristo, at mangaghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon.” (Apo. 20:6) (ADB1905)
“35 Datapuwa't ang mga inaaring karapatdapat magkamit ng sanlibutang yaon, at ng pagkabuhay na maguli sa mga patay, ay hindi mangagaasawa, ni papagaasawahin: 36 Sapagka't hindi na sila maaaring mangamatay pa: sapagka't kahalintulad na sila ng mga anghel; at sila'y mga anak ng Dios, palibhasa'y mga anak ng pagkabuhay na maguli.” (Luc. 20:35-36) (ADB1905)
Ang paghaharian ng Cristo at ng kanyang mga banal ay ang mga,
“.... hindi nagsisikilala sa Dios, at sa kanila na hindi nagsisitalima sa evangelio ng ating Panginoong Jesus: 9 Na siyang tatanggap ng kaparusahan, na walang hanggang kapahamakang mula sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang kapangyarihan.” (2 Tes. 1:8-9) (ADB1905)
Sa lupa ring ito magaganap ang paghahari ng Panginoong Jesus kasama ang kanyang mga banal sa loob ng isang libong taon, mula sa pagparito ng Panginoong Jesus. Kaparusahan para sa mga makasalanan ang pagharian sila ng mga banal. Isang libong taon na aasamin nila ang muling makasama ang kanilang dios ng sanglibutan (2 Cor. 4:4). Hindi nila gusto na ang Cristo at ang mga banal ang mangaghari sa kanila. Ang nais nila ay ang diablo na dumaya sa kanila. Kaya’t susunod silang may paghihimagsik sa kanilang kalooban, sa kabila ng nagkukunwang masunurin.
T10. Pagkatapos ng isang libong taon na pamamahala ng Cristo at ng kanyang mga banal, sa pamamagitan ng panghampas na bakal sa mga taong masasama sa ibabaw ng lupang ito, kung pawalan na si Satanas ng kaunting panahon, ano ang mangyayari sa mga taong yaon, na masama?
S. Madaling madadaya na pinawalang diablo, at sasama sa pagkubkub sa kampamento ng mga banal.
“7 At kung maganap na ang isang libong taon, si Satanas ay kakalagan sa kaniyang bilangguan, 8 At lalabas upang dumaya sa mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa, sa Gog at sa Magog, upang tipunin sila sa pagbabaka: na ang bilang nila ay gaya ng buhangin sa dagat. 9 At nangagsipanhik sila sa kalaparan ng lupa, at kinubkob ang kampamento ng mga banal, at ang bayang iniibig: at bumaba ang apoy mula sa langit, at sila'y nasupok.” (Apo. 20:7-9) (ADB1905)
T11. Magtatagumpay kaya ang huling pagtatangkang yaon ni Satanas na kasama ang kanyang mga nangadaya, na daigin ang Anak ng Dios?
S. Hindi, sapagka’t susupukin sila ng apoy na mula sa langit.
“At nangagsipanhik sila sa kalaparan ng lupa, at kinubkob ang kampamento ng mga banal, at ang bayang iniibig: at bumaba ang apoy mula sa langit, at sila'y nasupok.” (Apo. 20:9) (ADB1905)
T12. Ano ang kasunod na mangyayari pagkatapos na mabigo ang huling kabuktutan ng diablo na Satanas laban sa Dios at kay Cristo?
S. Ibinulid ang diablo sa dagatdagatang apoy.
“At ang diablo na dumaya sa kanila ay ibinulid sa dagatdagatang apoy at asupre, na kinaroroonan din naman ng hayop at ng bulaang propeta; at sila'y pahihirapan araw at gabi magpakailan kailan man.” (Apoc. 20:10) (ADB1905)
Pansinin, na aabutan na lamang ng diablo ang kanyang mga lider sa pagdaraya doon sa parusahan na pinagtapunan sa kanya.
T13. Ano ang kamanghamanghang mangyayari pagkatapos na ibulid ang nangagpahamak ng sanglibutan sa impierno?
S. Matatatag ang malaking maputing luklukan ng paghatol.
“At nakita ko ang isang malaking luklukang maputi, at ang nakaluklok doon, na sa kaniyang harapan, ang lupa at ang langit ay tumakas; at walang nasumpungang kalalagyan nila.” (Apo. 20:11) (ADB1905)
T14. Sapagka’t wala na ang lupa, saan nangapunta ang mga patay na nangarito?
S. Nangakatayo sa harapan ng luklukan.
“12 At nakita ko ang mga patay, malalaki at maliliit, na nangakatayo sa harapan ng luklukan; at nangabuksan ang mga aklat: at nabuksan ang ibang aklat, na siyang aklat ng buhay: at ang mga patay ay hinatulan ayon sa mga bagay na nasusulat sa mga aklat, ayon sa kanilang mga gawa. 13 At ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kaniya; at ibinigay ng kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila: at sila'y hinatulan bawa't tao ayon sa kanikaniyang mga gawa.” (Apo. 20:12-13) (ADB1905)
T15. Ano ang mangyayari sa kamatayan at sa Hades (libingan) sa panahong yaon ng dakilang paghatol mula sa dakilang maputing luklukan?
S. Ibinulid sa dagatdagatang apoy na siyang ikalawang kamatayan.
“At ang kamatayan at ang Hades ay ibinulid sa dagatdagatang apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, sa makatuwid ay ang dagatdagatang apoy.” (Apo. 20:14) (ADB1905)
Dahil dito’y hindi na iiral sa mga tao ang kamatayan. Kaya’t ang mga banal ay sa buhay na walang hanggan sa kaluwalhatian na kasama ng Dios at ng Cristo (Apo. 21:3-4); samantalang ang mga makasalanan ay sa walang hanggang kaparusahan na kasama ng diablo, ng hayop at ng bulaang propeta. “…at sila’y pahihirapan araw at gabi magpakailan kailan man.” (Apoc. 20:10) (ADB1905)
T16. Ano ang naging hatol mula sa maputing luklukan, sa mga hindi nagsisikilala sa Dios at hindi nagsitalima sa evangelio ng ating Panginoong Jesus, na ang mga yaon ay hindi nasumpungang nakasulat sa aklat ng buhay?
S. Ibinulid sa dagatdagatang apoy.
“At kung ang sinoman ay hindi nasumpungang nakasulat sa aklat ng buhay, ay ibinulid sa dagatdagatang apoy.” (Apo. 20:15) (ADB1905)
T17. Ano ang kasunod na mangyayari pagkatapos ng pangkalahatang paghatol na ginawa mula sa maputing luklukan?
S. Paglitaw ng isang bagong langit at ang isang bagong lupa.
“At nakita ko ang isang bagong langit at ang isang bagong lupa: sapagka't ang unang langit at ang unang lupa ay naparam; at ang dagat ay wala na.” (Apo. 21:1) (ADB1905)
T18. Saan dadalhin ng Panginoong Jesus ang kapiling niyang mga banal?
S. Sa bayang banal, ang bagong Jerusalem.
“At nakita ko ang bayang banal, ang bagong Jerusalem, na nananaog mula sa langit buhat sa Dios, na nahahandang gaya ng isang babaing kasintahan na nagagayakang talaga sa kaniyang asawa.” (Apo. 21:2) (ADB1905)
T19. Sino ang makakatagpo ng mga banal sa bagong Jerusalem?
S. Ang Dios Ama.
“At narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa luklukan, na nagsasabi, Narito, ang tabernakulo ng Dios ay nasa mga tao, at siya'y mananahan sa kanila, at sila'y magiging mga bayan niya, at ang Dios din ay sasa kanila, at magiging Dios nila.” (Apo. 21:3) (ADB1905)
T20. Anong kaluwalhatian ang tatamasahin ng mga banal sa piling ng Dios?
S. Hindi na magkakaroon pa ng kamatayan at ang mga bagay nang una ay naparam na.
“At papahirin niya ang bawa't luha sa kanilang mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na magkakaroon pa ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man: ang mga bagay nang una ay naparam na.” (Apo. 21:4) (ADB1905)
T21. Magkakaroon pa ba ng gabi sa piling ng Dios sa bagong Jerusalem?
S. Hindi na magkakaroon pa ng gabi at ng liwanag ng araw.
“At hindi na magkakaroon pa ng gabi, at sila'y hindi nangangailangan ng liwanag ng ilawan, ni ng liwanag man ng araw; sapagka't liliwanagan sila ng Panginoong Dios: at sila'y maghahari magpakailan kailan man.” (Apo. 22:5) (ADB1905)
T22. Ang Amang Dios lamang ba ang makikita sa bagong Jerusalem, wala ba ang Panginoong Jesus doon?
S. Naroon at may luklukan sa tabi ng Dios, at makikita ng mga lingkod niya ang kanyang mukha.
“3 At hindi na magkakaroon pa ng sumpa: at ang luklukan ng Dios at ng Cordero ay naroroon: at siya'y paglilingkuran ng kaniyang mga alipin; 4 At makikita nila ang kaniyang mukha; at ang kaniyang pangalan ay sasa kanilang mga noo.” (Apo. 22:3-4) (ADB1905)
Litrato ay kuha ni 亮 何 galing sa Pixabay. Ang mga taludtod na sinipi dito ay kinopya mula sa Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905).