ANG CRISTO ANG SENTRO NG KASULATAN



TALAHANAYAN ng nilalaman

T1. Ano ang banal na layon ng Dios sa pananagumpay ng kanyang aklat sa pag-iral nito hanggang sa mga huling araw na ito?

T2. Sino ang hiwagang yaon na natago sa katahimikan ng panahong walang hanggan?

T3. Sapagka’t ang Cristo ay hiwagang natago sa katahimikan nang panahong walang hanggan, samakatuwid ay nandoon na ang Cristo, nakatago nga lamang kung kaya siya ay hiwaga: Kailan pa nandoon ang Cristo na nahayag ngayon sa pamamagitan ng kasulatan?

T4. Saan sa banal na kasulatan unang napasulat ang banaag tungkol kay Cristo?

T5. May pahayag ba ang banal na kasulatan na nagsasabi na si Cristo ang siyang binhi?

T6. Kailan isasakatuparan ang pagdurog ng “binhi” sa ulo ng ‘ahas’?

T7. Tungkol sa misyon ng Cristo sa lupa, ipinahayag na ba ng Kasulatan nang una pa?

T8. Sinabi na ba sa Matandang Tipan ang tungkol sa pagpanaog niya sa lupa at kung paano?

T9. Pati ba ang dako ng pagsisilangan ng Anak ng Dios na nagkatawang–tao ay ipinaunang sabi ng Kasulatan?

T10. Tungkol sa kanyang sakripisyo, may pinaunang sabi na ba ang Kasulatan?

T11. May nakasulat din ba tungkol sa kung ano ang gagawin ng mga kawal sa kanyang kasuutan?

T12. Tungkol sa kanyang hindi pananatili sa libingan, may paunangsabi ba na mababasa sa Kasulatan?

T13. Nang siya ay nakapako sa krus, may sinabi na ba ang Aklat tungkol sa mga sinalita niya samantalang nakabitin doon?

T14. Ano naman ang sinasabi ng Biblia tungkol sa muling pagparito ng Panginoong Jesus?

T15. Sa muling pagparito ng Panginoong Jesus, ano ang mangyayari sa kanyang mga lingkod na tapat hanggang kamatayan?

T16. Kasama ba ang lahat ng mga banal na nangamatay bago dumating ang Cristo, na bubuhaying maguli upang sumalubong sa Panginoon?

T17. Paano titipunin ng Cristo ang mga karapatdapat sa unang pagkabuhay na maguli na kanyang isasagawa sa kanyang muling pagparito?

T18. Saan dadalhin ng Panginoong Jesus ang mga banal na sasalubong sa kanya sa kanyang muling pagparito?

T19. Ano ang sinasabi ng Kasulatan sa makakalakip sa unang pagkabuhay na maguli?

T20. Anong uring pamamahala ang isasagawa ng Panginoong Jesus sa isang libong taong yaon?

T21. Dahil sa hindi matutulang paghahari ng Hari ng mga Hari sa panahon ng isang libong taong yaon, ano ang gagawin ng mga bansa?

T22. Ano ang isusunod na gagawin, ayon sa pahayag ng Kasulatan, ng Cristo, pagkatapos ng kanyang paghahari na kasama ang kanyang mga banal sa boong lupa sa panahon ng 'millennium' (isang libong taon)?

T23. Ano ang gagawin ni Satanas pagkatapos na siya ay kalagan?

T24. Nadaya ba ng diablo ang mga bansa sa lahat ng sulok ng lupa sa panahong yaon?

T25. Nagtagumpay ba naman ang pinakahuling rebelyong ito ng diablo at ng mga sumasamba sa kanya ng mga taong masasama?

T26. Saan humangga si satanas na siyang may kagagawan ng lahat ng kapahamakan ng lahing tao?

T27. Ano ang mga kasunod na mangyayari, ayon sa propesiya ng Banal na Kasulatan, pagkatapos na ibulid ang diablo sa loob ng apoy at asupre?


T1. Ano ang banal na layon ng Dios sa pananagumpay ng kanyang aklat sa pag-iral nito hanggang sa mga huling araw na ito?

S. Upang ipahayag ang kanyang Anak, na siyang hiwagang natago sa katahimikan ng panahong walang hanggan.

“25 At ngayon sa kaniya na makapangyarihan na sa inyo'y makapagpapatibay ayon sa aking evangelio at sa pangangaral ni Jesucristo, ayon sa pahayag ng hiwaga na natago sa katahimikan nang panahong walang hanggan. 26 Datapuwa't nahayag na ngayon, at sa pamamagitan ng mga kasulatan ng mga propeta, ayon sa ipinagutos ng Dios na walang hanggan, ay ipinakilala sa lahat ng mga bansa upang magsitalima sa pananampalataya.” (Roma 16:25-26) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T2. Sino ang hiwagang yaon na natago sa katahimikan ng panahong walang hanggan?

S. Ang Cristo ang hiwagang natago sa katahimikan nang panahong walang hanggan.

“26 Maging ang hiwaga na inilihim sa lahat ng panahon at lahi: datapuwa't ngayo'y ipinahayag sa kaniyang mga banal, 27 Na sa kanila'y minagaling ng Dios na ipakilala kung ano ang mga kayamanan ng kaluwalhatian ng hiwagang ito sa gitna ng mga Gentil, na ito'y si Cristo na nasa inyo, na pagasa ninyo sa kaluwalhatian.” (Col. 1:26-27) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T3. Sapagka’t ang Cristo ay hiwagang natago sa katahimikan nang panahong walang hanggan, samakatuwid ay nandoon na ang Cristo, nakatago nga lamang kung kaya siya ay hiwaga: Kailan pa nandoon ang Cristo na nahayag ngayon sa pamamagitan ng kasulatan?

S. Bago itinatag ang sanglibutan ay nandoon na siya.

“19 Kundi ng mahalagang dugo, gaya ng sa korderong walang kapintasan at walang dungis, sa makatuwid baga'y ang dugo ni Cristo: 20 Na nakilala nga nang una bago itinatag ang sanglibutan, nguni't inihayag sa mga huling panahon dahil sa inyo.” (I Ped. 1:19-20) (ADB1905)

“At siya'y una sa lahat ng mga bagay, at ang lahat ng mga bagay ay nangabubuhay dahil sa kaniya.” (Col. 1:17) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T4. Saan sa banal na kasulatan unang napasulat ang banaag tungkol kay Cristo?

S. Sa Genesis 3:15

“At papagaalitin ko ikaw at ang babae, at ang iyong binhi at ang kaniyang binhi: ito ang dudurog ng iyong ulo, at ikaw ang dudurog ng kaniyang sakong.” (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T5. May pahayag ba ang banal na kasulatan na nagsasabi na si Cristo ang siyang binhi?

S. Ang binhing pangako ng Dios kay Abraham.

“Ngayon kay Abraham nga sinabi ang mga pangako, at sa kaniyang binhi. Hindi sinasabi ng Dios, At sa mga binhi, na gaya baga sa marami; kundi gaya sa iisa lamang, At sa iyong binhi, na si Cristo.” (Gal. 3:16) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T6. Kailan isasakatuparan ang pagdurog ng “binhi” sa ulo ng ‘ahas’?

S. Sa muling pagparito ng Cristo. Isang anghel lamang ng Cristo ang huhuli at magbubulid sa Diablo sa hukay upang ikulong sa loob ng isang libong taon.

“1 At nakita ko ang isang anghel na nananaog mula sa langit, na may susi ng kalaliman at isang malaking tanikala sa kaniyang kamay. 2 At sinunggaban niya ang dragon, ang matandang ahas, na siyang Diablo at Satanas, at ginapos na isang libong taon, 3 At siya'y ibinulid sa kalaliman at sinarhan, at tinatakan ito sa ibabaw niya, upang huwag ng magdaya sa mga bansa, hanggang sa maganap ang isang libong taon: pagkatapos nito ay kailangang siya'y pawalang kaunting panahon.” (Apoc. 20:1-3) (ADB1905)

Ang diablo ay siyang utak ng ahas sa Eden. Samakatuwid siya ang ulo ng ahas. Ahas na simbulo ng pagdaraya ng diablo. Kapag ikinulong ang ulo ng pagdaraya ay nadurog na ang sistema ng kasamaan sa lupa. At ito ay isasagawa ng “binhi” na si Cristo sa kanyang muling pagparito at ikulong ang diablo sa kalaliman sa loob ng isang libong taon.

Pansinin, na si Cristo ang sentro ng Kasulatan, sapagka’t mula sa puno hanggang dulo ay nagpapahayag tungkol sa kanya.

Bumalik sa itaas

T7. Tungkol sa misyon ng Cristo sa lupa, ipinahayag na ba ng Kasulatan nang una pa?

S. Ipinahayag, gaya ng layon ng pagpapanatili ng Kasulatan na umiral hanggang sa huling araw.

“At sinabi niya sa kanila, Ito ang aking mga salitang sinabi ko sa inyo, nang ako'y sumasa inyo pa, na kinakailangang matupad ang lahat ng mga bagay na nangasusulat tungkol sa akin sa kautusan ni Moises, at sa mga propeta, at sa mga awit.” (Luc. 24:44) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T8. Sinabi na ba sa Matandang Tipan ang tungkol sa pagpanaog niya sa lupa at kung paano?

S. Isang dalaga ay maglilihi, at manganganak ng isang lalake.

“5 Kaya't pagpasok niya sa sanglibutan, ay sinasabi, Hain at handog ay hindi mo ibig. Nguni't isang katawan ang sa akin ay inihanda mo; 6 Sa mga handog na susunugin at mga haing patungkol sa mga kasalanan ay hindi ka nalugod. 7 Nang magkagayo'y sinabi ko, Narito, ako'y pumarito (sa balumbon ng aklat ay nasusulat tungkol sa akin.) Upang gawin, Oh Dios, ang iyong kalooban.” (Heb. 10:5-7) (Awit 40:6-8) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T9. Pati ba ang dako ng pagsisilangan ng Anak ng Dios na nagkatawang–tao ay ipinaunang sabi ng Kasulatan?

S. Ang Beth-lehem.

“Nguni't ikaw, Beth-lehem Ephrata, na maliit upang lumagay sa libolibo ng Juda, mula sa iyo ay lalabas sa akin ang isa na magpupuno sa Israel; na ang pinagbuhatan niya ay mula nang una, mula nang walang hanggan.” (Mikas 5:2) (ADB1905)

Katuparan:

“4 At pagkatipon sa lahat ng mga pangulong saserdote at mga eskriba ng bayan, ay siniyasat niya sa kanila kung saan kaya ipanganganak ang Cristo. 5 At sinabi nila sa kaniya, sa Bet-lehem ng Judea: sapagka't ganito ang pagkasulat ng propeta, 6 At ikaw Bet-lehem, na lupa ng Juda, Sa anomang paraan ay hindi ikaw ang pinakamaliit sa mga pangulong bayan ng Juda: Sapagka't mula sa iyo'y lalabas ang isang gobernador, Na siyang magiging pastor ng aking bayang Israel.” (Mat. 2:4-6) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T10. Tungkol sa kanyang sakripisyo, may pinaunang sabi na ba ang Kasulatan?

S. Mayroon, ang sinasabi sa Isaias 53:4-6.

“4 Tunay na kaniyang dinala ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kapanglawan; gayon ma'y ating pinalagay siya na hinampas, sinaktan ng Dios, at dinalamhati. 5 Nguni't siya'y nasugatan dahil sa ating mga pagsalangsang, siya'y nabugbog dahil sa ating mga kasamaan, ang parusa ng tungkol sa ating kapayapaan ay nasa kaniya; at sa pamamagitan ng kaniyang mga latay ay nagsigaling tayo. 6 Tayong lahat na gaya ng mga tupa ay naligaw; tayo ay tumungo bawa't isa sa kaniyang sariling daan; at ipinasan sa kaniya ng Panginoon ang kasamaan nating lahat.” (ADB1905)

Katuparan:

“22 Na siya'y hindi nagkasala, o kinasumpungan man ng daya ang kaniyang bibig: 23 Na, nang siya'y alipustain, ay hindi gumanti ng pagalipusta; nang siya'y magbata, ay hindi nagbala; kundi ipinagkatiwala ang kaniyang sarili doon sa humahatol ng matuwid: 24 Na siya rin ang nagdala ng ating mga kasalanan sa kaniyang katawan sa ibabaw ng kahoy, upang pagkamatay natin sa mga kasalanan, ay mangabuhay tayo sa katuwiran; na dahil sa kaniyang mga sugat ay nangagsigaling kayo.” ( I Ped. 2:22-24) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T11. May nakasulat din ba tungkol sa kung ano ang gagawin ng mga kawal sa kanyang kasuutan?

S. Hula:

“Hinapak nila ang aking mga kasuutan sa gitna nila, at kanilang pinagsapalaran ang aking kasuutan.” (Awit 22:18) (ADB1905)

Katuparan:

“24 Nangagsangusapan nga sila, Huwag natin itong punitin, kundi ating pagsapalaranan, kung mapapakanino: upang matupad ang kasulatan, na nagsasabi, Binahagi nila sa kanila ang aking mga kasuutan, At ang aking balabal ay kanilang pinagsapalaran. 25 Ang mga bagay ngang ito ay ginawa ng mga kawal. Datapuwa't nangakatayo sa piling ng krus ni Jesus ang kaniyang ina, at ang kapatid ng kaniyang ina, na si Maria na asawa ni Cleopas, at si Maria Magdalena.” (Jn. 19:24-25) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T12. Tungkol sa kanyang hindi pananatili sa libingan, may paunangsabi ba na mababasa sa Kasulatan?

S. Hula:

“Sapagka't hindi mo iiwan ang aking kaluluwa sa Sheol; ni hindi mo man titiisin ang iyong banal ay makakita ng kabulukan.” (Awit 16:10) (ADB1905)

Katuparan:

“31 Palibhasa'y nakikita na niya ito, ay nagsalita tungkol sa pagkabuhay na maguli ng Cristo, na siya'y hindi pinabayaan sa Hades, ni ang kaniya mang katawan ay hindi nakakita ng kabulukan. 32 Ang Jesus na ito'y binuhay na maguli ng Dios, at tungkol dito'y mga saksi kaming lahat.” (Gawa 2:31-32) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T13. Nang siya ay nakapako sa krus, may sinabi na ba ang Aklat tungkol sa mga sinalita niya samantalang nakabitin doon?

S. Hula:

“Dios ko Dios ko, Bakit mo ako pinabayaan?…” (Awit 22:1) (ADB1905)

Katuparan:

“At nang oras na ikasiyam ay sumigaw si Jesus ng malakas na tinig: Eloi, Eloi, lama sabacthani? na kung liliwanagin ay, Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan?” (Mar. 15:34) (ADB1905)

Hula:

“Binigyan naman nila ako ng pagkaing mapait; at sa aking kauhawan ay binigyan nila ako ng suka na mainom.” ( Awit 69:21) (ADB1905)

Katuparan:

“Pagkatapos nito, pagkaalam ni Jesus na ang lahat ng mga bagay ay naganap na nga, upang matupad ang kasulatan, ay sinabi, Nauuhaw ako.” (Jn. 19:28) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T14. Ano naman ang sinasabi ng Biblia tungkol sa muling pagparito ng Panginoong Jesus?

S. Muling paririto ako, at kayo’y tatanggapin ko sa aking sarili.

“1 Huwag magulumihanan ang inyong puso: magsisampalataya kayo sa Dios, magsisampalataya naman kayo sa akin. 2 Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan; kung di gayon, ay sinabi ko sana sa inyo; sapagka't ako'y paroroon upang ipaghanda ko kayo ng dakong kalalagyan. 3 At kung ako'y pumaroon at kayo'y maipaghanda ng kalalagyan, ay muling paririto ako, at kayo'y tatanggapin ko sa aking sarili; upang kung saan ako naroroon, kayo naman ay dumoon.” (Jn. 14:1-3) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T15. Sa muling pagparito ng Panginoong Jesus, ano ang mangyayari sa kanyang mga lingkod na tapat hanggang kamatayan?

S. Mangabubuhay na maguli.

“16 Sapagka't ang Panginoon din ang bababang mula sa langit, na may isang sigaw, may tinig ng arkanghel, at may pakakak ng Dios: at ang nangamatay kay Cristo ay unang mangabubuhay na maguli; 17 Kung magkagayon, tayong nangabubuhay, na nangatitira, ay aagawing kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang Panginoon sa hangin: at sa ganito'y sasa Panginoon tayo magpakailan man.” ( I Tes. 4:16-17) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T16. Kasama ba ang lahat ng mga banal na nangamatay bago dumating ang Cristo, na bubuhaying maguli upang sumalubong sa Panginoon?

S. Kasama ang lahat ng mga banal na sasalubong sa Panginoon.

“...at sa panahong yaon ay maliligtas ang iyong bayan, bawa't isa na masusumpungan na nakasulat sa aklat. 2 At marami sa kanila na nangatutulog sa alabok ng lupa ay mangagigising, ang iba'y sa walang hanggang buhay, at ang iba'y sa kahihiyan at sa walang hanggang pagkapahamak.” (Dan. 12:1-2)

“Diyan na nga ang pagtangis, at ang pagngangalit ng mga ngipin, kung mangakita ninyo si Abraham, at si Isaac, at si Jacob, at ang lahat ng mga propeta sa kaharian ng Dios, at kayo'y palabasin.” (Luc. 13:28)

“14 At ang mga ito naman ang hinulaan ni Enoc, na ikapito sa bilang mula kay Adam, na nagsabi, Narito, dumating ang Panginoon, na kasama ang kaniyang mga laksalaksang banal, 15 Upang isagawa ang paghuhukom sa lahat, at upang sumbatan ang lahat ng masasama sa lahat ng kanilang mga gawang masasama na kanilang ginawang may kasamaan, at sa lahat ng mga bagay na mabibigat na sinalita laban sa kaniya ng mga makasalanang masasama.” (Judas 1:14-15) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T17. Paano titipunin ng Cristo ang mga karapatdapat sa unang pagkabuhay na maguli na kanyang isasagawa sa kanyang muling pagparito?

S. Sa pamamagitan ng kanyang mga anghel.

“30 At kung magkagayo'y lilitaw ang tanda ng Anak ng tao sa langit: at kung magkagayo'y magsisitaghoy ang lahat ng mga angkan sa lupa, at mangakikita nila ang Anak ng tao na napaparitong sumasa mga alapaap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. 31 At susuguin ang kaniyang mga anghel na may matinding pakakak, at kanilang titipunin ang kaniyang mga hinirang mula sa apat na hangin ng sanglibutan, mula sa isang dulo ng langit hanggang sa kabila.” (Mat. 24:30-31) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T18. Saan dadalhin ng Panginoong Jesus ang mga banal na sasalubong sa kanya sa kanyang muling pagparito?

S. Makakasama sa kanyang paghahari sa daigdig na ito sa loob ng isang libong taon.

“4 At nakakita ako ng mga luklukan, at may mga nagsisiluklok sa mga ito, sila'y pinagkalooban ng paghatol: at nakita ko ang mga kaluluwa ng mga pinugutan ng ulo dahil sa patotoo ni Jesus, at dahil sa salita ng Dios, at ang mga hindi sumamba sa hayop, o sa kaniyang larawan man, at hindi tumanggap ng tanda sa kanilang noo at sa kanilang kamay; at sila'y nangabuhay, at nagsipagharing kasama ni Cristo sa loob ng isang libong taon. 5 Ang mga iba sa mga patay ay hindi nangabuhay hanggang sa naganap ang isang libong taon. Ito ang unang pagkabuhay na maguli.” ( Apoc. 20:4-5) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T19. Ano ang sinasabi ng Kasulatan sa makakalakip sa unang pagkabuhay na maguli?

S. Mapalad at banal ang makalakip sa unang pagkabuhay na maguli.

“Mapalad at banal ang makalakip sa unang pagkabuhay na maguli: sa mga ito'y walang kapangyarihan ang ikalawang kamatayan; kundi sila'y magiging mga saserdote ng Dios at ni Cristo, at mangaghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon.” (Apoc. 20:6) (ADB1905)

“2 At mangyayari sa mga huling araw, na ang bundok ng bahay ng Panginoon ay matatatag sa taluktok ng mga bundok, at magiging mataas sa mga burol; at lahat ng bansa ay magsisiparoon doon. 3 At maraming bayan ay magsisiyaon at mangagsasabi, Halina kayo, at tayo'y magsiahon sa bundok ng Panginoon, sa bahay ng Dios ni Jacob; at tuturuan niya tayo ng kaniyang mga daan, at tayo'y magsisilakad sa kaniyang mga landas: sapagka't mula sa Sion ay lalabas ang kautusan, at ang salita ng Panginoon ay mula sa Jerusalem.” (Isa. 2:2-3) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T20. Anong uring pamamahala ang isasagawa ng Panginoong Jesus sa isang libong taong yaon?

S. Paghaharing sa pamamagitan ng tungkod na bakal at kabangisan ng kagalitan ng Dios na Makapangyarihan sa lahat.

“At sa kaniyang bibig ay lumalabas ang isang tabak na matalas, upang sa pamamagitan nito'y sugatan niya ang mga bansa: at kaniyang paghaharian ng tungkod na bakal: at niyuyurakan niya ang pisaan ng ubas ng kabangisan ng kagalitan ng Dios na Makapangyarihan sa lahat.” (Apoc. 19:15) (ADB1905)

Tungkod na bakal. Ito ay kumakatawan sa hindi matutulang paghahari ng Cristo sa mga taong makasalanan –

“Hindi nagsisikilala sa Dios, at sa kanila na hindi nagsisitalima sa evangelio ng ating Panginoong Jesus” (2 Tes. 1:8) (ADB1905)– na aabutan niyang buhay sa pagbabalik niya sa lupa. Sa simula ng paghaharing yaon ng Cristo, na tatanghaling Hari ng mga Hari at Panginoon ng mga Panginoon (Apoc. 19:16), ang simula ng “…tatanggap ng kaparusahan, na walang hanggang kapahamakang mula sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kanyang kapangyarihan” (2 Tes. 1:9) (ADB1905).

Ang masasama sa panahong yaon ay naghihintay na lamang ng pormal na paghatol ng itinalagang Hukom na si Cristo, kapag lumuklok na siya sa “Luklukang Maputi,” upang hatulan ang mga masasama sa lahat ng panahon: mula kay Adam hanggang sa araw ng kanyang pagbabalik. (Apoc. 20:11-13)

Ang mga nangagsikilala sa Dios at tumalima sa evangelio ng Panginoong Jesus ay pagkakalooban ng kapamahalaan sa mga bansa, na paghaharian nila ng panghampas na bakal (tungkod na bakal) na siyang simbulo ng di matutulang paghahari ng Hari ng mga Hari na si Cristo Jesus. (Apoc. 2:26-27)

Kabangisan ng kagalitan ng Dios. Tungkol dito’y sinasabi ng kasulatan:

“Masdan mo nga ang kabutihan at ang kabagsikan ng Dios: ang kabagsikan ay sa nangahulog, datapuwa't ang kabutihan ng Dios ay sa iyo, kung mamamalagi ka sa kaniyang kabutihan: sa ibang paraan ay ikaw man ay puputulin.” (Roma 11:22) (ADB1905)

Ang kabutihan ng Dios ay ang kanyang pagliligtas.

“…Narito, ngayon ang panahong ukol; narito, ngayon ang araw ng kaligtasan,” (2Cor. 6:2) (ADB1905) Ngayon – na ang ibig sabihin ay hanggang sa muling pagparito ng Panginoong Jesus – ang panahon ng kabutihan ng Dios. May panahong ukol ang kabutihan ng Dios. Ito’y hanggang sa maipangaral ang evangelio sa lahat ng mga bansa. (Mat. 24:14) “Kung magkagayo’y darating ang wakas.” Wakas ng pagkakataon o kabutihan ng Dios na ibinigay sa mga tao, na ihuhudyat ng muling pagparito ng Cristo, at ito’y pasimula naman ng kabagsikan o kabangisan ng Dios, - ang gagawing paghahari ng Cristo sa mga masasama. Kabangisan, sapagka’t simula ng paghihiganti ng Dios sa masasama ang isang libong taong yaon na paghahari ng Panginoong Jesus, sa pamamagitan ng tungkod na bakal. Kabangisan, sapagka’t ipadadama ng Dios na makapangyarihan sa lahat, kung gaano ang kaniyang poot sa “kasalanan” at sa mga “napa-alipin sa kasalanan.” Sinalita na ng mga propeta ang kaarawang yaon ng kapootan ng Dios:

“Na ang masamang tao ay natataan sa kaarawan ng kasakunaan? Na sila'y pinapatnubayan sa kaarawan ng kapootan?” (Job 21:30) (ADB1905)

“Ang araw na yaon ay kaarawan ng kapootan...” (Zef. 1:15) (ADB1905)

“Kahit ang kanilang pilak o ang kanilang ginto man ay hindi makapagliligtas sa kanila sa kaarawan ng kapootan ng Panginoon; kundi ang buong lupain ay masusupok sa pamamagitan ng apoy ng kaniyang paninibugho: sapagka't wawakasan niya, oo, isang kakilakilabot na wakas, nilang lahat na nagsisitahan sa lupain.” (Zef. 1:18) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T21. Dahil sa hindi matutulang paghahari ng Hari ng mga Hari sa panahon ng isang libong taong yaon, ano ang gagawin ng mga bansa?

S. Ititigil ang Pagdidigmaan.

“At siya'y hahatol sa gitna ng mga bansa, at sasaway sa maraming tao: at kanilang pupukpukin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod, at ang kanilang mga sibat ay maging mga karit: ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, o mangagaaral pa man sila ng pakikipagdigma.” (Isa. 2:4) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T22. Ano ang isusunod na gagawin, ayon sa pahayag ng Kasulatan, ng Cristo, pagkatapos ng kanyang paghahari na kasama ang kanyang mga banal sa boong lupa sa panahon ng 'millennium' (isang libong taon)?

S. Kakalagan si Satanas ng kaunting panahon.

“At kung maganap na ang isang libong taon, si Satanas ay kakalagan sa kaniyang bilangguan...” (Apoc. 20:7) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T23. Ano ang gagawin ni Satanas pagkatapos na siya ay kalagan?

S. Lalabas upang dumaya.

“At lalabas upang dumaya sa mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa, sa Gog at sa Magog, upang tipunin sila sa pagbabaka: na ang bilang nila ay gaya ng buhangin sa dagat.” (Apoc. 20:8) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T24. Nadaya ba ng diablo ang mga bansa sa lahat ng sulok ng lupa sa panahong yaon?

S. Nadaya, sapagka’t parang isang tao lamang na nilusob upang digmain ang kampamento ng mga banal.

“At nagsipanhik sila sa kalaparan ng lupa, at kinubkob ang kampamento ng mga banal, at ang bayang iniibig…” (Apoc. 20:9) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T25. Nagtagumpay ba naman ang pinakahuling rebelyong ito ng diablo at ng mga sumasamba sa kanya ng mga taong masasama?

S. Nabigo at nasupok.

“...at bumaba ang apoy sa langit, at sila’y nasupok.” (ibid)

Bumalik sa itaas

T26. Saan humangga si satanas na siyang may kagagawan ng lahat ng kapahamakan ng lahing tao?

S. Ibinulid sa dagatdagatang apoy at asupre.

“At ang diablo na dumaya sa kanila ay ibinulid sa dagatdagatang apoy at asupre, na kinaroroonan din naman ng hayop at ng bulaang propeta; at sila'y pahihirapan araw at gabi magpakailan kailan man.” (Apoc. 20:10) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T27. Ano ang mga kasunod na mangyayari, ayon sa propesiya ng Banal na Kasulatan, pagkatapos na ibulid ang diablo sa loob ng apoy at asupre?

S. (a) Magtitindig ng isang malaking luklukang maputi ng paghatol. Ito ang huli at pangkalahatang paghatol.

“At nakita ko ang isang malaking luklukang maputi, at ang nakaluklok doon, na sa kaniyang harapan, ang lupa at ang langit ay tumakas; at walang nasumpungang kalalagyan nila.” (Apoc. 20:11) (ADB1905)

i. Ang nakaluklok doon ay ang Panginoong Jesucristo.

“Ipinagbibilin ko sa iyo sa paningin ng Dios, at ni Cristo Jesus, na siyang huhukom sa mga buhay at sa mga patay, sa pamamagitan ng kaniyang pagpapakita at sa kaniyang kaharian.” (2 Tim. 4:1) (ADB1905)

(b) Ang pagtakas (pagkawala) ng lupa at langit.

“…na sa kaniyang harapan, ang lupa at ang langit ay tumakas; at walang nasumpungang kalalagyan nila.” (Apoc. 20:11) (ADB1905)

(k) Ang pagharap sa maputing luklukan ng masasamang tao upang hatulan.

“At nakita ko ang mga patay, malalaki at maliliit, na nangakatayo sa harapan ng luklukan; at nangabuksan ang mga aklat: at nabuksan ang ibang aklat, na siyang aklat ng buhay: at ang mga patay ay hinatulan ayon sa mga bagay na nasusulat sa mga aklat, ayon sa kanilang mga gawa.” (Apoc. 20:12) (ADB1905)

i. Mga patay paanong nakatayo?

“28 Huwag ninyong ipanggilalas ito: sapagka't dumarating ang oras, na ang lahat ng nangasa libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig, 29 At magsisilabas; ang mga nagsigawa ng mabuti, ay sa pagkabuhay na maguli sa buhay; at ang mga nagsigawa ng masama, ay sa pagkabuhay na maguli sa paghatol.” (Jn. 5:28-29) (ADB1905)

(d) Kung saan-saan nanggaling ang mga binuhay na maguli sa paghatol ay,

“At ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kaniya; at ibinigay ng kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila: at sila'y hinatulan bawa't tao ayon sa kanikaniyang mga gawa.” (Apoc. 20:13) (ADB1905)

(e) Pagbulid sa kamatayan at Hades sa dagatdagatang apoy.

“At ang kamatayan at ang Hades ay ibinulid sa dagatdagatang apoy. Ito ang ikalawang kamatayan...” (Apoc. 20:14) (ADB1905)

i. Sa masasama na inihiwalay na pati ang kamatayan at ang Hades – libingan- kung kaya’t ang ikalawang kamatayan ay hindi pisikal na kamatayan, kundi tulad ng hayop at ng bulaang propeta at ng diablo, sila’y pahihirapan araw at gabi magpakailan kailan man. (t. 10)

(g) Pagbulid sa mga hinatulan.

“At kung ang sinoman ay hindi nasumpungang nakasulat sa aklat ng buhay, ay ibinulid sa dagatdagatang apoy.” (Apoc. 20:15) (ADB1905)

i. Tanging ang mga banal na kasama sa unang pagkabuhay na maguli ang nangakasulat sa aklat ng buhay. At sila’y kasama ng Cristo na magsisihatol sa sanglibutan at sa mga anghel na masasama (I Cor. 6:2-3)

ii. Ang hindi makakasama sa unang pagkabuhay na maguli ay pawang nangagsigawa ng masama, kaya’t isa man sa kanila ay walang nakasulat sa aklat ng buhay. Ito’y ayon sa Panginoong Jesus sa Juan 5:29.

Sa liwanag ng mga talata ng Kasulatan ay ipinakita sa atin na ang Cristo ang siyang sentro ng mga pagsasalaysay ng mga banal na kasulatan. Sapagka’t pinakamamahal ng Ama ang Anak, na “…lahat ng mga bagay ay nilalang sa pamamagitan niya at ukol sa kaniya;” (Col. 1:16-b) (ADB1905)

At nang magampanan ng Anak ang kanyang misyon sa lupa. “8…na nagmasunurin hanggang sa kamatayan, oo, sa kamatayan sa krus” 9…ay pinakadakila ng Dios, at siya'y binigyan ng pangalang lalo sa lahat ng pangalan; 10 Upang sa pangalan ni Jesus ay iluhod ang lahat ng tuhod, ng nangasa langit, at ng nangasa ibabaw ng lupa, at ng nangasa ilalim ng lupa, 11 At upang ipahayag ng lahat ng mga dila na si Jesucristo ay Panginoon, sa ikaluluwalhati ng Dios Ama.” (Fil. 2:8-11) (ADB1905)

Bumalik sa itaas


Litrato ay kuha ni Valentin Schönpos galing sa Pixabay. Ang mga taludtod na sinipi dito ay kinopya mula sa Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905).