ANG PAGHATOL SA MGA MASASAMA




Hindi sabay na hahatulan ng Dios, ang mabuti at masama. Ang mabuti ay sa panahong sila ay nabubuhay pa hinuhukuman na, gaya ng isinulat ni Apostol Pedro:

“16 Nguni't kung ang isang tao ay magbata na gaya ng Cristiano, ay huwag mahiya; kundi luwalhatiin ang Dios sa pangalang ito. 17 Sapagka't dumating na ang panahon ng pasimula ng paghuhukom sa bahay ng Dios: at kung mauna sa atin, ano kaya ang wakas ng mga hindi nagsisitalima sa evangelio ng Dios? 18 At kung ang matuwid ay bahagya ng makaliligtas, ang masama at ang makasalanan ay saan kaya magsisiharap?” (I Ped. 4:16-18) (ADB1905)


T1. Kasama ba sa unang pagkabuhay na maguli ang mga masasama?

S. Hindi kasama, sapagka’t hindi mangabubuhay hanggang sa pagkatapos ng isang libong taon na paghahari ng Panginoong Jesucristo na kasama ang mga banal.

“Ang mga iba sa mga patay ay hindi nangabuhay hanggang sa naganap ang isang libong taon. Ito ang unang pagkabuhay na maguli.” (Apo. 20:5) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T2. Ano ang mangyayari sa mga makasalanang inabutang buhay na hindi kasamang pinuksa ng Panginoong Jesus sa kanyang muling pagparito?

S. Paghaharian sila ng Panginoong Jesus, na kasama niya ang kanyang mga banal sa loob ng isang libong taon.

“Mapalad at banal ang makalakip sa unang pagkabuhay na maguli: sa mga ito'y walang kapangyarihan ang ikalawang kamatayan; kundi sila'y magiging mga saserdote ng Dios at ni Cristo, at mangaghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon.” (Apo. 20:6) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T3. May ilang gobyerno ang iiral sa isang libong taong yaon na paghahari ng Panginoong Jesus sa buong sanglibutan?

S. May isa lamang gobyerno ang maghahari sa isang libong taong yaon.

“Na sa kaniyang kapanahunan ay ipahahayag siya, na mapalad at tanging Makapangyarihan Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon.” (I Tim. 6:15)

Bumalik sa itaas

T4. Ano ang partikular na gampanin ng mga banal, bilang mga saserdote ng Dios at ni Cristo?

S. Bibigyan ng kapamahalaan sa mga bansa.

“26 At ang magtagumpay, at tumupad ng aking mga gawa hanggang sa katapusan, ay bibigyan ko ng kapamahalaan sa mga bansa: 27 At sila'y paghaharian niya sa pamamagitan ng isang panghampas na bakal, gaya ng pagkadurog ng mga sisidlang lupa ng magpapalyok; gaya naman ng tinanggap ko sa aking Ama.” (Apo. 2:26-27) (ADB1905)

Sa propetikal na pahayag ay sinasabi ang anyo ng kanyang pagparito:

“At sa kaniyang bibig ay lumalabas ang isang tabak na matalas, upang sa pamamagitan nito'y sugatan niya ang mga bansa: at kaniyang paghaharian ng tungkod na bakal: at niyuyurakan niya ang pisaan ng ubas ng kabangisan ng kagalitan ng Dios na Makapangyarihan sa lahat.” (Apo. 19:15) (ADB1905)

Ang tungkod na bakal ay termino propetikal na simbulo ng paghahari ng isang hari sa kanyang mga kaaway. At si Cristo ang katuparan ng hula.

“Sapagka't kinakailangang siya'y maghari hanggang mailagay niya sa ilalim ng kaniyang mga talampakan ang lahat niyang mga kaaway.” (I Cor. 15:25) (ADB1905)

At tingnan ang 19:15 ng Apocalipsis na nagbabadya ng paghahari ng Cristo sa pamamagitan ng tungkod na bakal sa 'millenium', ay siyang pagsasakatuparan ng “kabangisan ng kagalitan ng Dios” sa kanyang mga kaaway. Muli ay tingnan natin ang sinasabi ng Panginoong Jesus tungkol dito.

“7 At hindi baga, igaganti ng Dios ang kaniyang mga hirang, na sumisigaw sa kaniya sa araw at gabi, at siya'y may pagpapahinuhod sa kanila? 8 Sinasabi ko sa inyo, na sila'y madaling igaganti niya. Gayon ma'y pagparito ng Anak ng tao, makakasumpong kaya siya ng pananampalataya sa lupa?” (Luc. 18:7-8) (ADB1905)

Ipinatatanaw sa atin na nangabubuhay ngayon, na sa muling pagparito ng Panginoong Jesus, halos ay wala na siyang aabutang pananampalataya sa puso ng mga tao sa lupa. Ang munting kawan na lamang na nagtataglay ng pangalan ng kanyang Ama at ng kanyang pangalan, ang siya na lamang nagtataglay ng may kabuluhang pananampalataya. Sila ang nangagtapat hanggang kamatayan (Apo. 2:10), sa pagsunod sa kanyang mga aral. Sila ang mga, sa huling yugto ng masamang sistema ng sanglibutang ito, ang nalalabi na lamang na nakikipagbaka sa maling aral ng sanglibutan. Sila ay kasama ng mga binuhay na maguli sa mga banal, na aagawin sa masamang sanglibutang ito (I Tes. 4:14-18), upang dalhin sa kampamento ng mga banal sa Jerusalem. (Apo. 20:9; Isa. 2:2-3).

Bumalik sa itaas

T5. Para ano at kailangan pang pagharian ng Panginoong Jesus ang mga kaaway sa panahong yaon: Hindi ba dapat ay itapon na lamang sila sa impierno?

S. Upang ipakita ang kabutihan at kabagsikan ng Dios.

“Masdan mo nga ang kabutihan at ang kabagsikan ng Dios: ang kabagsikan ay sa nangahulog, datapuwa't ang kabutihan ng Dios ay sa iyo, kung mamamalagi ka sa kaniyang kabutihan: sa ibang paraan ay ikaw man ay puputulin.” (Roma 11:22) (ADB1905)

Nauna na ang kabutihan ng Dios. Nagpakita na siya ng kabutihan at pagibig mula nang lalangin ang tao. Ang huling pagkakataon ay nang isugo niya ang pinakaiibig niyang bugtong na Anak. Hanggang sa mga huling araw ay patuloy pa rin niyang ipinakikita ang kanyang kabutihan, sa pamamagitan ng pangangaral ng evangelio. Dahil dito’y ang samo ni Apostol Pablo:

“1 At yamang kalakip niyang gumagawa ay ipinamamanhik din namin sa inyo na huwag ninyong tanggapin ang biyaya ng Dios na walang kabuluhan. 2 (Sapagka't sinasabi niya, Sa panahong ukol kita'y pinakinggan, At sa araw ng pagliligtas kita'y sinaklolohan: Narito, ngayon ang panahong ukol; narito, ngayon ang araw ng kaligtasan).” (2 Cor. 6:1-2) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T6. Pagkatapos na maipangaral ang evangelio sa buong sanglibutan, ano ang gagawin ng Dios sa mga taong hindi nagsitalima dito?

S. Maghihiganti ang Dios sa hindi nagsikilala sa kanya at sa kanila na hindi nagsitalima sa evangelio.

“8 Na maghihiganti sa hindi nagsisikilala sa Dios, at sa kanila na hindi nagsisitalima sa evangelio ng ating Panginoong Jesus: 9 Na siyang tatanggap ng kaparusahan, na walang hanggang kapahamakang mula sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang kapangyarihan.” (2 Tes. 1:8-9) (ADB1905)

Nasa ilalim sila ng walang hanggang kapahamakan, sapagka’t pagkatapos ng isang libong taon, haharap sila sa maputing trono upang tanggapin ang paghatol na walang hanggang paghihirap sa impierno.

Bumalik sa itaas

T7. Sa paghahari ng Cristo sa loob ng isang libong taon, bakit hindi na maaaring maghimagsik at sumalakay ang kanyang pinaghahariang masasama?

S. Nakabilanggo ang kanilang manunulsol na lider na si Satanas.

“2 At sinunggaban niya ang dragon, ang matandang ahas, na siyang Diablo at Satanas, at ginapos na isang libong taon, 3 At siya'y ibinulid sa kalaliman at sinarhan, at tinatakan ito sa ibabaw niya, upang huwag ng magdaya sa mga bansa, hanggang sa maganap ang isang libong taon: pagkatapos nito ay kailangang siya'y pawalang kaunting panahon.” (Apo. 20:2-3) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T8. Paano patutunayan ng mga masama ang lihim na poot nila sa paghahari ng Panginoong Jesucristo na kasama ang kaniyang mga banal?

S. Madaling mahihimok ng kanilang dating lider na si Satanas.

“7 At kung maganap na ang isang libong taon, si Satanas ay kakalagan sa kaniyang bilangguan, 8 At lalabas upang dumaya sa mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa, sa Gog at sa Magog, upang tipunin sila sa pagbabaka: na ang bilang nila ay gaya ng buhangin sa dagat. At nangagsipanhik sila sa kalaparan ng lupa, at kinubkob ang kampamento ng mga banal, at ang bayang iniibig: at bumaba ang apoy mula sa langit, at sila'y nasupok.” (Apo. 20:7-9) (ADB1905)

Mapapansin, na sa kabila nang isang libong taong wala si Satanas sa kanilang piling sa ibabaw ng lupa, pagkalabas mula sa bilangguang malalim na hukay, sa kaunting panahon lamang, ang mga taong masama sa buong lupa ay isang hatak lamang sa pagsunod sa kampaniyang digmain ang kampamento ng kaharian ng Panginoong Jesus sa Jerusalem.

“At ang mga ito'y mangapaparoon sa walang hanggang kaparusahan: datapuwa't ang mga matuwid ay sa walang hanggang buhay.” (Mat. 25:46) (ADB1905)

“16 Sapagka't ang Panginoon din ang bababang mula sa langit, na may isang sigaw, may tinig ng arkanghel, at may pakakak ng Dios: at ang nangamatay kay Cristo ay unang mangabubuhay na maguli; 17 Kung magkagayon, tayong nangabubuhay, na nangatitira, ay aagawing kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang Panginoon sa hangin: at sa ganito'y sasa Panginoon tayo magpakailan man.” (I Tes. 4:16-17) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T9. Ano ang magiging hatol sa lahat ng mga masasama?

S. Kaparusahan sa apoy na walang hanggan.

“Kung magkagayo'y sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa, Magsilayo kayo sa akin, kayong mga sinumpa, at pasa apoy na walang hanggan na inihanda sa diablo at sa kaniyang mga anghel.” (Mat. 25:41) (ADB1905)

Mangyayari ang paghatol na ito pagkatapos ng 'millennium', na igagawad ng Cristo:

“Sino ang hahatol? Si Cristo Jesus na namatay, oo, yaong nabuhay na maguli sa mga patay na siyang nasa kanan ng Dios, na siya namang namamagitan dahil sa atin.” (Roma 8:34) (ADB1905)

“Sapagka't ang Ama'y hindi humahatol sa kanino mang tao, kundi ipinagkaloob niya sa Anak ang buong paghatol.” (Jn. 5:22) (ADB1905)

Bumalik sa itaas


Litrato ay kuha ni Reto Gerber galing sa Pixabay. Ang mga taludtod na sinipi dito ay kinopya mula sa Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905).