ANG ESPIRITU SANTO
T1. Ano ang Espiritu Santo?
S. Kapangyarihang galing sa itaas, na sumasangkap sa tao.
“At narito, ipadadala ko sa inyo ang pangako ng aking Ama, datapuwa't magsipanatili kayo sa bayan, hanggang sa kayo'y masangkapan ng kapangyarihang galing sa itaas.” (Luc. 24:49) (ADB1905)
“Datapuwa't tatanggapin ninyo ang kapangyarihan, pagdating sa inyo ng Espiritu Santo: at kayo'y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, at sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa kahulihulihang hangganan ng lupa.” (Gawa 1:8) (ADB1905)
“2 At biglang dumating mula sa langit ang isang ugong na gaya ng sa isang humahagibis na hanging malakas, at pinuno ang buong bahay na kanilang kinauupuan. 3 At sa kanila'y may napakitang mga dilang kawangis ng apoy, na nagkabahabahagi; at dumapo sa bawa't isa sa kanila. 4 At silang lahat ay nangapuspos ng Espiritu Santo, at nangagpasimulang magsalita ng iba't ibang wika, ayon sa ipinagkakaloob ng Espiritu na kanilang salitain.” (Gawa 2:2-4) (ADB1905)
Liwanag: - Ang Espiritu Santo ay kapangyarihang galing sa itaas, mula sa Dios, na sumasangkap sa kanyang lingkod; kapangyarihang waring persona na nagkakaloob ng makalangit na katangian o kakayahan sa taong tumanggap nito. Alalaon baga’y ang Espiritu Santo ay hindi persona, kundi waring persona. Ito’y dahil sa kamangha-manghang katangian nito na ikikilos o sasalitain sa ikaluluwalhati ng Dios na nagbigay sa tao.
T2. Ano ang matitibay na basihan na ang Espiritu Santo ay hindi persona?
S. Ang Espiritu Santo ay ibinubuhos, ipinapahid at nababahagi.
“At mangyayari sa mga huling araw, sabi ng Dios, Na ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng laman:...” (Gawa 2:17) (ADB1905)
“At silang sa pagtutuli na nagsisampalataya ay nangamanghang lahat na nagsiparoong kasama ni Pedro, sapagka't ibinuhos din naman sa mga Gentil ang kaloob na Espiritu Santo.” (Gawa 10:45) (ADB1905)
“Sa makatuwid baga'y si Jesus na taga Nazaret, kung paanong siya'y pinahiran ng Dios ng Espiritu Santo at ng kapangyarihan: na naglilibot na gumagawa ng mabuti, at nagpapagaling sa lahat ng mga pinahihirapan ng diablo; sapagka't sumasa kaniya ang Dios.” (Gawa 10:38) (ADB1905)
“Sapagka't tungkol sa mga minsang naliwanagan at nakalasap ng kaloob ng kalangitan, at mga nakabahagi ng Espiritu Santo.” (Heb. 6:4) (ADB1905)
Liwanag: - Ang hindi pagiging persona ng Espiritu Santo ay ipinaliliwanag ng Kasulatan sa mga salitang madaling maunawaan, ng tao, tulad ng ibubuhos, pinahiran, nagkabaha-bahagi, at nakabahagi, na hindi ginamit sa personang Dios Ama at Anak na Dios.
T3. Sapagka’t ang Espiritu Santo ay isinasangkap sa mga tao na sumasampalataya sa Dios (gaya ng mga apostol) na sa ibang salita ay ibinubuhos, ipinapahid, o binabahagi sa mga tao, ano kung banggitin ng Kasulatan kung tinatanggap na ng tao ang Espiritu Santo?
S. Tinatawag na Espiritu Santo na “nananahan.”
“Yaong mabuting bagay na ipinagkatiwala sa iyo ay ingatan mo sa pamamagitan ng Espiritu Santo na nananahan sa atin.” (2 Tim. 1:14) (ADB1905)
T4. Kailan naman nananahan sa tao ang Espiritu Santo?
S. Kung ang tao ay karapat-dapat na maging templo ng Dios.
“Hindi baga ninyo nalalaman na kayo'y templo ng Dios, at ang Espiritu ng Dios ay nananahan sa inyo?” (I Cor. 3:16) (ADB1905)
“O hindi baga ninyo nalalaman na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo, na tinanggap ninyo sa Dios? at hindi kayo sa inyong sarili....” (I Cor. 6:19) (ADB1905)
Liwanag: - Kung kailan mananahanan ang Espiritu Santo sa tao, ay kung siya’y kinalugdan ng Dios na gawing kanyang templo. Na dahil dito’y sa pamamagitan ng Espiritu Santo nagiging templo ng Dios ang tao, na ang ibig sabihin ay tumatahan ang Dios sa tao sa pamamagitan ng isinasangkap niyang Espiritu Santo. Sa ganito’y sinasabi ng Kasulatan, na ang tao’y tahanan ng Dios sa Espiritu. Sa pamamagitan ng “kapangyarihan ng Dios” na Espiritu Santo, na isinasangkap sa tao, ay nagaganap ang sinasabi sa Kasulatan na, “Isang Dios Ama ng lahat, na siyang sumasa ibabaw sa lahat, at sumasa lahat, at nasa lahat.” (Efe. 4:6) (ADB1905) Sa pamamagitan ng Espiritu Santo ay naipadarama ng Dios Ama ang kanyang “presensya” sa lahat ng kanyang mga kinalulugdang tao. Tumatahan ang Dios Ama (persona) sa mga nagsisiibig sa kanya, sa pamamagitan ng kanyang isinusugong “bisa” o kapangyarihan, na tinatanggap ng taong sumasampalataya at tumutupad ng kanyang kalooban.
T5. Gaano kabisa ang kapangyarihan ng Dios na siyang Espiritu Santo na tinatanggap at tumatahan sa tao?
S. Nagbibigay ng kapangyarihan o kakayahan sa tao na makagawa ng kamanghamanghang bagay.
“At silang lahat ay nangapuspos ng Espiritu Santo, at nangagpasimulang magsalita ng iba't ibang wika, ayon sa ipinagkakaloob ng Espiritu na kanilang salitain.” (Gawa 2:4) (ADB1905)
“Kaya't ipinatatalastas ko sa inyo, na wala sinomang nagsasalita sa pamamagitan ng Espiritu ng Dios ay nagsasabi, Si Jesus ay itinakwil; at wala sinoman ay makapagsasabi, Si Jesus ay Panginoon kundi sa pamamagitan ng Espiritu Santo.” (I Cor. 12:3) (ADB1905)
“Datapuwa't siya, palibhasa'y puspos ng Espiritu Santo ay tumitig na maigi sa langit, at nakita niya ang kaluwalhatian ng Dios, at si Jesus na nakatindig sa kanan ng Dios.” (Gawa 7:55) (ADB1905)
Liwanag: - Sapagka’t ang Espiritu Santo ay kapangyarihan ng Dios, ang nagtataglay at napupuspos nito, ay nagagawa ang hindi nagagawa ng natural na tao. Matatawag na kababalaghan ang nagagawa ng tao, sa pamamagitan ng Espiritu Santo. At ito’y nangyayari sa kalooban ng Dios, sa pamamagitan ng kapangyarihan na kanyang isinasangkap sa tao, na tinatawag na Espiritu Santo. Dahil sa bisa ng kapangyarihan ng Dios na Espiritu Santo ay maipaliliwanag lamang na waring persona ito. Dapat lamang asahan ito, sapagka’t kinakatawan ang Dios ng kanyang kapangyarihan, na waring sinag na tumatahan sa tao na mula sa Dios. Anomang ginagawa ng Espiritu Santo, tulad ng nagtuturo, nagsusugo at ano pa mang gawa ng persona ay upang ipaliwanag lamang na ang Dios ang sumasa tao at gumagawa ng mga yaon. Ang Espiritu Santo ang ipinapatnubay ng Dios sa tao na nagiging kanyang mga anak na nagsisitupad ng kanyang kalooban. (Roma 8:14; I Cor. 12:4-11).
T6. May katangian (attribute) ba na mula sa Dios, na hindi naman persona, ngunit ipinaliliwanag na waring persona?
S. Ang pag-ibig.
“4 Ang pagibig ay mapagpahinuhod, at magandang-loob; ang pagibig ay hindi nananaghili; ang pagibig ay hindi nagmamapuri, hindi mapagpalalo.
Kung itutuloy ang basa ay makikita natin na ang pag-ibig ay ipinaliliwanag sa paraang ‘personification’ ng mga katangian at mga kilos at mga paguugali gaya ng:
“5 Hindi naguugaling mahalay, hindi hinahanap ang kaniyang sarili, hindi nayayamot, hindi inaalumana ang masama; 6 Hindi nagagalak sa kalikuan, kundi nakikigalak sa katotohanan; 7 Lahat ay binabata, lahat ay pinaniniwalaan, lahat ay inaasahan, lahat ay tinitiis. 8 Ang pagibig,…”
ang patuloy pa,
“…ay hindi nagkukulang kailan man: kahit maging mga hula, ay mangatatapos; maging mga wika, ay titigil: maging kaalaman, ay mawawala.” (I Cor. 13:4-8)(ADB1905)
Dahil ba sa ipinaliliwanag ang “pag-ibig” sa paraang ito’y persona, ang pag-ibig ba ay persona na? Maliwanag na hindi. Gayon din ang Espiritu Santo na hindi persona.
Ang ‘salita ng Dios’ ay may ganito ring kategoriya, kung ipakikita ang ‘bisa’ nito. Basahin natin ang Hebreo 4:12.
“Sapagka't ang salita ng Dios ay buhay, at mabisa, at matalas kay sa alin mang tabak na may dalawang talim, at bumabaon hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at ng utak, at madaling kumilala ng mga pagiisip at mga haka ng puso.” (Heb. 4:12) (ADB1905)
Ang salita ng Dios ay hindi persona, ngunit buhay. Parang persona. May unawa, karunungan at talino. Ngunit hindi persona. Ang mga ganitong katangian ay ginagamit upang madama at maunawaan ng tao kung gaano ’kabisa’ ang salita ng Dios. Hindi ibig ipaunawa na persona nga ang salita ng Dios, ibig lamang ipakita sa tao na iba ang salita ng Dios kaysa kangino mang salita. Kung paanong ang Espiritu Santo ay kinakatawan ang Dios na pinanggagalingan nito, gayun din ang salita ng Dios ay kinakatawan ang Dios na nagsalita nito. Kaya kung paanong ang Espiritu Santo ay kapangyarihan ng Dios, ang kanyang salita ay kapangyarihan din niya. Dahil dito’y hindi dahil sa ipinaliliwanag ng Kasulatan ang karakter ng Espiritu Santo ay persona nga. Kung ito ang karaniwang paniniwala ng tao, na ang Espiritu Santo ay persona, ay dapat ding paniwalaan at tanggapin na ang ‘pag-ibig’ at ‘salita ng Dios’ ay kapuwa persona. Hindi ang paniniwala ang katotohanan, kundi ang katotohanan kailanman ang siyang katotohanan, kahit anong paniniwala mayroon ang isang tao, maging ito ay salungat sa katotohanan, ay mananatiling katotohanan ang katotohanan, sapagka’t maliwanag at matatag ang salita ng Panginoong Jesus tungkol dito, na ang kanyang sabi:
“16 At ako'y dadalangin sa Ama, at kayo'y bibigyan niya ng ibang Mangaaliw, upang siyang suma inyo magpakailan man, 17 Sa makatuwid baga'y ang Espiritu ng katotohanan: na hindi matatanggap ng sanglibutan; sapagka't hindi nito siya nakikita, ni nakikilala man siya: siya'y nakikilala ninyo; sapagka't siya'y tumatahan sa inyo, at sasa inyo.” (Jn. 14:16-17) (ADB1905)
T7. Kung tunay na ang Espiritu Santo ay persona, hindi ba dapat ay may luklukan (trono) rin siya, tulad ng Ama at ng Anak na may trono? Mayroon ba?
S. May luklukan ang Ama at ang Anak, ngunit walang mababasang may trono ang Espiritu Santo.
“Masdan natin si Jesus na gumawa at sumakdal ng ating pananampalataya, na siya dahil sa kagalakang inilagay sa harapan niya ay nagtiis ng krus, na niwalang bahala ang kahihiyan, at umupo sa kanan ng luklukan ng Dios.” (Heb. 12:2) (ADB1905)
“Ang magtagumpay, ay aking pagkakaloobang umupong kasama ko sa aking luklukan, gaya ko naman na nagtagumpay, at umupong kasama ng aking Ama sa kaniyang luklukan.” (Apoc. 3:21) (ADB1905)
“At hindi na magkakaroon pa ng sumpa: at ang luklukan ng Dios at ng Cordero ay naroroon: at siya'y paglilingkuran ng kaniyang mga alipin.” (Apoc. 22:3) (ADB1905)
Sapagka’t ang Espiritu Santo ay hindi persona ay tunay na walang mababasang luklukan na tulad ng Ama at ng Anak na may luklukan.
Litrato ay kuha ni SplitShire galing sa Pixabay. Ang mga taludtod na sinipi dito ay kinopya mula sa Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905).