ANG DIABLO




T1. Sino ang diablo?

S. Si Satanas na dumadaya sa boong sanglibutan.

“At inihagis ang malaking dragon, ang matandang ahas, ang tinatawag na Diablo at Satanas, ang dumadaya sa buong sanglibutan; siya'y inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya.” (Apo. 12:9) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T2. Ang Dios ba ang lumalang sa kanyang pagiging diablo?

S. Si Satanas ang gumawa sa kanyang sarili na diablo.

“14 Ikaw ang pinahirang kerubin na tumatakip: at itinatag kita, na anopa't ikaw ay nasa ibabaw ng banal na bundok ng Dios; ikaw ay nagpanhik manaog sa gitna ng mga batong mahalaga. 15 Ikaw ay sakdal sa iyong mga lakad mula sa araw na ikaw ay lalangin, hanggang sa ang kalikuan ay nasumpungan sa iyo.” (Ezek. 28:14-15) (ADB1905)

Ang kasulatan ang nagpapatotoo na hindi ang Dios ang gumawa sa pagiging diablo ng isang kerubing yaon. Siya ang gumawa sa kanyang sarili na ‘diablo’ nang masumpungan siya ng Dios na Makapangyarihan sa lahat sa ‘kalikuan.’

Bumalik sa itaas

T3. Ano ang kalikuan na nasumpungan sa kerubin na siyang nagpahamak sa kanyang karunungan at pagiging sakdal?

S. Inggit, sapagka’t nais niyang pumantay sa kapangyarihan ng Dios.

“12 Ano't nahulog ka mula sa langit, Oh tala sa umaga, anak ng umaga! paanong ikaw ay lumagpak sa lupa, ikaw na siyang nagpahina sa mga bansa! 13 At sinabi mo sa iyong sarili, Ako'y sasampa sa langit, aking itataas ang aking luklukan sa itaas ng mga bituin ng Dios; at ako'y uupo sa bundok ng kapisanan, sa mga kaduluduluhang bahagi ng hilagaan: 14 Ako'y sasampa sa itaas ng mga kaitaasan ng mga alapaap; ako'y magiging gaya ng Kataastaasan.” (Isa. 14:12-14) (ADB1905)

Liwanag: - Ang ambisyon na maging gaya ng Kataastaasang Dios ang kalikuang nasumpungan sa Tala sa umaga na siyang kerubin. Ang ambisyong ito ay kapalaluang laban sa Dios. Ang espiritung ito ang siya ring nasa taong anak ng kapahamakan kapag malapit ng dumating ang Panginoon upang kunin ang kanyang mga banal. Ito ang pahayag ni Apostol Pablo sa kanyang kinasihang sulat sa mga taga Tesalonica.

Ang kanyang sulat:

“3 Huwag kayong padaya kanino man sa anomang paraan: sapagka't ito'y hindi darating, maliban nang dumating mula ang pagtaliwakas, at mahayag ang taong makasalanan, ang anak ng kapahamakan. 4 Na sumasalangsang at nagmamataas laban sa lahat na tinatawag na Dios o sinasamba; ano pa't siya'y nauupo sa templo ng Dios, na siya'y nagtatanyag sa kaniyang sarili na tulad sa Dios.” (2 Tes. 2:3-4) (ADB1905)

Ang templo ng Dios sa lupa ay hindi gusaling material, sapagka’t sinabi rin ni Pablo sa Gawa 17:24, na “ang Panginoon ng langit at lupa, ay hindi tumatahan sa mga templong ginawa ng mga kamay.” (ADB1905)

Alin ang templo sa lupa na hindi ginawa ng mga kamay? Ang mga tao na siyang bumubuo sa Iglesia, na isinulat din ni Pablo, na ang sabi,

“Hindi baga ninyo nalalaman na kayo'y templo ng Dios, at ang Espiritu ng Dios ay nananahan sa inyo?” (I Cor. 3:16) (ADB1905)

Samakatuwid, ang taong sasapian ng espiritu ng diablo ay isang lider relihion: “…na ang kanyang pagparito ay ayon sa paggawa ni Satanas na may buong kapangyarihan at mga tanda at kahangahangang kasinungalingan, 10 At may buong daya ng kalikuan sa nangapapahamak; sapagka't hindi nila tinanggap ang pagibig sa katotohanan, upang sila'y mangaligtas.” (2 Tes. 2:9-10) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T4. Sa lupa, sino ang pakay na pinsalain ng diablo mula pa nang una?

S. Ang balak pinsalain, at pinipinsala na nga, ay ang tao.

“Kayo'y sa inyong amang diablo, at ang mga nais ng inyong ama ang ibig ninyong gawin. Siya'y isang mamamatay-tao buhat pa nang una, at hindi nananatili sa katotohanan, sapagka't walang katotohanan sa kaniya. Pagka nagsasalita siya ng kasinungalingan, ay nagsasalita siya ng sa ganang kaniya: sapagka't siya'y isang sinungaling, at ama nito.” (Jn. 8:44) (ADB1905)

Pansinin na, kung kaya pumasok ang kamatayan sa lahing tao ay dahil sa pagdaraya at kasinungalingan ng ahas sa Eden. Ito rin ang kanyang mabisang paraan upang ilayo ang mga tao sa Dios hanggang sa katapusan ng sanglibutan.

Bumalik sa itaas

T5. Sa mga huling araw na ito, paano siya nakapandaraya gayong siya’y isang espiritu ng kadiliman na hindi naman nakikita ng mga mata ng tao?

S. Nagpapakunwaring anghel ng kaliwanagan.

“At hindi katakataka: sapagka't si Satanas man ay nagpapakunwaring anghel ng kaliwanagan.” (2 Cor. 11:14) (ADB1905)

Liwanag: - Nagagawa kung gayon ni Satanas, na sa pamamagitan ng tao ay magpanggap siyang anghel o sugo ng kaliwanagan upang makaakit ng maraming tao na susunod sa kanyang likuran bilang lider ng relihion. Sa may katalinuhang hakbang na ito ni Satanas ay totoong marami ang kanyang magiging alagad, sapagka’t babaligtarin niya ang katotohanan at lilikha ng maluwang na pintuan para sa maluwang na daan patungo sa pagkapahamak, na dito’y marami ang magsisipasok. (Mat. 7:13)

Bumalik sa itaas

T6. May kakasangkapanin ba siyang mga tao para maisakatuparan niya ang hangarin na iligaw ang mga tao, at maakay niya sa kanyang maruming sistema sa ngalan ng relihion?

S. Kakasangkapan ng mga ministro.

“Hindi malaking bagay nga na ang kaniyang mga ministro naman ay magpakunwari na waring ministro ng katuwiran; na ang kanilang wakas ay masasangayon sa kanilang mga gawa.” (2 Cor. 11:15) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T7. May mga tao rin ba siyang dadayain upang maging huwad na apostol?

S. Meron, at madadaya nga.

“Sapagka't ang mga gayong tao ay mga bulaang apostol, mga magdarayang manggagawa, na nangagpapakunwaring mga apostol ni Cristo.” (2 Cor. 11:13) (ADB1905)

“Sapagka't iniisip ko, na pinalitaw ng Dios kaming mga apostol na mga kahulihulihan sa lahat, na tulad sa mga itinalaga sa kamatayan: sapagka't kami'y ginawang panoorin ng sanglibutan, at ng mga anghel, at ng mga tao.” (I Cor. 4:9) (ADB1905)

Kaya’t kung may sekta na nagtindig ng kanilang apostol, ang mga apostol na yaon ay pawang mga bulaan, sapagka’t wala nang iba pang apostol na lilitaw pa pagkatapos ng mga tunay na apostol ni Cristo.

Bumalik sa itaas

T8. Hanggang kailan mananatili ang diablo na nagdaraya sa mga tao?

S. Hanggang sa pawalan siya ng kaunting panahon pagkatapos ng isang libong taon na paghahari ng Cristo at ng kanyang mga banal sa lupang ito.

“2 At sinunggaban niya ang dragon, ang matandang ahas, na siyang Diablo at Satanas, at ginapos na isang libong taon. 3 At siya'y ibinulid sa kalaliman at sinarhan, at tinatakan ito sa ibabaw niya, upang huwag ng magdaya sa mga bansa, hanggang sa maganap ang isang libong taon: pagkatapos nito ay kailangang siya'y pawalang kaunting panahon.” (Apo. 20:2-3) (ADB1905)

“At lalabas upang dumaya sa mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa, sa Gog at sa Magog, upang tipunin sila sa pagbabaka: na ang bilang nila ay gaya ng buhangin sa dagat.” (Apo. 20:8) (ADB1905)

Bumalik sa itaas

T9. Tagumpay ba sa pagdaraya ang diablo sa mga mortal na makasalanan na nabuhay sa huling isang libong taon ng daigdig?

S. Tagumpay ayon sa pahayag ng Kasulatan.

“At nangagsipanhik sila sa kalaparan ng lupa, at kinubkob ang kampamento ng mga banal, at ang bayang iniibig: at bumaba ang apoy mula sa langit, at sila'y nasupok.” (Apo. 20:9) (ADB1905)

Liwanag: - Ayon sa pahayag, sa kabila ng pagkabilanggo ng isang libong taon ay hindi pa rin nabago ang ugali ng rebeldeng kerubin. Pagdaraya pa rin ang nasa kanyang isip. At muli niyang dinaya ang lahat ng mga bansa sa apat na sulok ng lupa. Sa kaunting panahon ay madali niyang napasunod sa kanyang udyok na lusubin at bakahin ang kampamento ng mga banal na kinaroroonan ng luklukan ng Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon, na walang iba kundi ang Panginoong Jesus. Datapuwa’t ang huling pagtatangkang ito ng diablo, na nasa likuran niya ang buong sanglibutan, ay mauuwi lamang sa napakalagim na kabiguan. Bumaba ang apoy sa langit at sila’y nasupok.

Isang libong taon na naghintay ang sanglibutan sa kinikilala nilang dios at tagapagligtas na diablo (2 Cor. 4:4). Ayaw talaga nila sa ilaw na si Cristo (Jn. 3:19). Inibig pa nila ang kadiliman kaysa ilaw, sapagka’t masama ang kanilang mga gawa. Sapagka’t inari nilang liwanag ang kadilimang inihasik sa kanila ng diablo (Isa. 5:20). Kaya’t isang liberasyon sa kanila ang pagbabalik ng diablo, pagkatapos ng isang libong taong pagkabilanggo sa kalaliman.

Bumalik sa itaas

T10. Ano ang magiging wakas ng diablo dahil sa kanyang mga kabuktutan?

S. Ibubulid sa dagatdagatang apoy.

“At ang diablo na dumaya sa kanila ay ibinulid sa dagatdagatang apoy at asupre, na kinaroroonan din naman ng hayop at ng bulaang propeta; at sila'y pahihirapan araw at gabi magpakailan kailan man.” (Apo. 20:10) (ADB1905)

Pansinin: - Na nauna pa ang masamang pandaigdig na lider politiko (ang hayop) at ang propeta, sa kaparusahang walang hanggan. Inabutan na lamang sila doon ng diablo. At sila’y pahihirapan araw at gabi magpakailan kailan man.

Bumalik sa itaas


Litrato ay kuha ni Free-Photos galing sa Pixabay. Ang mga taludtod na sinipi dito ay kinopya mula sa Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905).