ANG KASALANAN
TALAHANAYAN NG NILALAMAN
T2. Ano ang kabayaran ng kasalanan?
T3. Ano ang kaugnayan ng kasalanan sa kasaysayan ng tao?
T4. May epekto ba ang kasalanan sa pisikal na kalagayan ng tao sa lupang ito na tinatahanan niya?
T7. Bago kamtin ang kapatawaran, ano ang tagubilin sa mga tao na nararapat gawin?
T8. Upang matamo naman ang kaligtasan, ano ang unang dapat isagawa ng tao?
T11. Saan ginanap ng mahal na Panginoong Jesus ang pagtubos sa atin mula sa ating kasalanan?
T1. Ano ang kasalanan?
S. Ang kasalanan ay pagsalansang sa utos ng Dios.
“Ang sinomang gumagawa ng kasalanan ay sumasalangsang din naman sa kautusan: at ang kasalanan ay ang pagsalangsang sa kautusan.” ( I Jn. 3:4) (ADB1905)
T2. Ano ang kabayaran ng kasalanan?
S. Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan.
“Sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan...” (Roma 6:23) (ADB1905)
T3. Ano ang kaugnayan ng kasalanan sa kasaysayan ng tao?
S. Dahil sa kasalanan ay dinadanas ng lahat ng tao ang kamatayan.
“Kaya, kung paano na sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanglibutan, at ang kamataya'y sa pamamagitan ng kasalanan; at sa ganito'y ang kamatayan ay naranasan ng lahat ng mga tao, sapagka't ang lahat ay nangagkasala.” (Roma 5:12) (ADB1905)
Pansinin na, napakabagsik ng bisa ng kasalanan na puminsala sa boong lahing tao. Pumasok ito sa sanglibutan sa pamamagitan lamang ng isang tao, si Adam. Isang mabagsik na lason na patuloy na pumapatay hanggang sa kahulihulihang lahi ng tao. Ito’y nagpapatotoo lamang kung gaano kabisa ang salita ng Dios. Ito ang sinasabi ng Kasulatan na,
“5 Bawa't salita ng Dios ay subok: siya'y kalasag sa kanila, na nanganganlong sa kaniya. 6 Huwag kang magdagdag sa kaniyang mga salita, baka kaniyang sawayin ka, at masunduan kang sinungaling.” (Kaw. 30:5-6) (ADB1905)
Sinabi ng Dios kay Adam na, “...sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagka't sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka.” (Gen. 2:17) (ADB1905) At nangyari ang sumpa dahil sa pagsuway sa kanyang utos. Sapagka’t kasama ni Adam ang boong lahi niyang tao na namamatay.
T4. May epekto ba ang kasalanan sa pisikal na kalagayan ng tao sa lupang ito na tinatahanan niya?
S. May epekto. Nabubuhay ng may kahirapan ang lahing tao sa lupang ito.
“17 At kay Adam ay sinabi, Sapagka't iyong dininig ang tinig ng iyong asawa, at kumain ka ng bunga ng punong kahoy na aking iniutos sa iyo na sinabi, Huwag kang kakain niyaon; sumpain ang lupa dahil sa iyo; kakain ka sa kaniya sa pamamagitan ng iyong pagpapagal sa lahat ng mga araw ng iyong buhay; 18 Ang isisibol niyaon sa iyo ay mga tinik at mga dawag; at kakain ka ng pananim sa parang; 19 Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay, hanggang sa ikaw ay mauwi sa lupa; sapagka't diyan ka kinuha: sapagka't ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi.” (Gen. 3:17-19) (ADB1905)
T5. Ano naman ang kakaibang epekto sa babae ng kasalanan na siya ang unang pinasukan o nakagawa nang sundin niya ang udyok ng ahas?
S. Pinarami ang kalumbayan sa paglilihi at kahirapan sa panganganak.
“Sinabi niya sa babae, Pararamihin kong lubha ang iyong kalumbayan at ang iyong paglilihi; manganganak kang may kahirapan; at sa iyong asawa ay pahihinuhod ang iyong kalooban, at siya'y papapanginoon sa iyo.” (Gen. 3:16) (ADB1905)
T6. Kung ang kasalanan ni Adam ay binabayaran ng bawat tao ng kamatayan na ang labi ay inilalagak sa sementeryo, ano naman ang kabayaran ng personal na kasalanan ng bawat tao? Wala na bang pagkakataong ipatawad ito?
S. Ang ikalawang kamatayan.
(a) “Nguni't sa mga duwag, at sa mga hindi mananampalataya, at sa mga kasuklamsuklam, at sa mga mamamatay-tao, at sa mga mapakiapid, at sa mga manggagaway, at sa mga mapagsamba sa diosdiosan, at sa lahat na mga sinungaling, ang kanilang bahagi ay sa dagatdagatang nagniningas sa apoy at asupre; na siyang ikalawang kamatayan.” (Apo. 21:8) (ADB1905)
(b) Binigyan ng pagkakataon na mapatawad.
“8 Kung sinasabi nating tayo'y walang kasalanan, ay ating dinadaya ang ating sarili, at ang katotohanan ay wala sa atin. 9 Kung ipinahahayag natin ang ating mga kasalanan, ay tapat at banal siya na tayo'y patatawarin sa ating mga kasalanan, at tayo'y lilinisin sa lahat ng kalikuan.” (I Jn. 1:8-9) (ADB1905)
T7. Bago kamtin ang kapatawaran, ano ang tagubilin sa mga tao na nararapat gawin?
S. Mangagsisi at mangagbautismo.
“...Mangagsisi kayo, at mangagbautismo ang bawa't isa sa inyo sa pangalan ni Jesucristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo.” (Gawa 2:38) (ADB1905)
T8. Upang matamo naman ang kaligtasan, ano ang unang dapat isagawa ng tao?
S. Sampalatayanan ang evangelio: ang mabuting balita ng kaligtasan sa pamamagitan ng isinugo ng Ama mula sa langit, walang iba kundi ang Anak ng Dios.
“15 At sinabi niya sa kanila, Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal. 16 Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; datapuwa't ang hindi sumasampalataya ay parurusahan.” (Mar. 16:15-16) (ADB1905)
T9. Ano ang ibig sabihin ng pagsampalataya sa evangelio ni Cristo Jesus, ng pagsisisi, at ng pagbabautismo?
S. (a) Evangelio ni Cristo Jesus.
“Kung tunay na siya'y inyong pinakinggan, at kayo'y tinuruan sa kaniya, gaya ng katotohanan na kay Jesus.” (Efe. 4:21) (ADB1905)
(b) Pagsisisi.
“At inyong iwan, tungkol sa paraan ng inyong pamumuhay na nakaraan, ang dating pagkatao, na sumama ng sumama ayon sa mga kahalayan ng pagdaraya.” (Efe. 4:22) (ADB1905)
(k) Pagbabautismo.
“At kayo'y mangagbihis ng bagong pagkatao, na ayon sa Dios ay nilalang sa katuwiran at sa kabanalan ng katotohanan.” (Efe. 4:24) (ADB1905)
T10. Ang pagsisisi ba ay pagbabayad ng kasalanan, o may nagbayad ng ating kasalanan, kung kaya tayo ay pinatawad ng Dios?
S. May namatay para sa atin para pambayad sa ating kasalanan.
“8 Datapuwa't ipinagtatagubilin ng Dios ang kaniyang pagibig sa atin, na nang tayo'y mga makasalanan pa, si Cristo ay namatay dahil sa atin. 9 Lubha pa nga ngayong inaaring-ganap sa pamamagitan ng kaniyang dugo, ay mangaliligtas tayo sa galit ng Dios sa pamamagitan niya. 10 Sapagka't kung, noong tayo'y mga kaaway ay pinakipagkasundo tayo sa Dios sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang Anak, lubha pa, ngayong nangagkakasundo na, ay mangaliligtas tayo sa kaniyang buhay.” (Roma 5:8-10) (ADB1905)
T11. Saan ginanap ng mahal na Panginoong Jesus ang pagtubos sa atin mula sa ating kasalanan?
S. Sa ibabaw ng krus.
“Na siya rin ang nagdala ng ating mga kasalanan sa kaniyang katawan sa ibabaw ng kahoy, upang pagkamatay natin sa mga kasalanan, ay mangabuhay tayo sa katuwiran; na dahil sa kaniyang mga sugat ay nangagsigaling kayo.” (I Ped. 2:24) (ADB1905)
Litrato ay kuha ni Engin Akyurt galing sa Pixabay. Ang mga taludtod na sinipi dito ay kinopya mula sa Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905).