Paunang Salita


Kung hindi iuunat ang kanyang makapangyarihang kamay upang sagipin ang planetang daigdig, ay tiyak na patuloy ang pagbulusok nito sa walang hanggang pagkapahamak. Kundi sa pag-ibig ng Dios sa mga tao na kanyang nilalang ay walang isa mang magtatamo ng kaligtasan. Ang mga nangyayaring kapahamakan ng mga tao ay bunga ng kasalanan. Ito ang lasong mabagsik na unti-unting kumakalat; parang bahang lumalagom sa buong sangkatauhan; na kung hindi sa kahabagan ng Dios, ay wala isa man na makahaharap sa kanya upang magtamo ng buhay na walang hanggan sa inihanda niyang kaharian.

Ngunit mahal ng Dios ang kanyang mga nilalang na tao, na pasahero ng planetang daigdig na ito.

“Na siyang may ibig na ang lahat ng mga tao’y mangaligtas, at mangakaalam ng katotohanan.” (I Tim. 2:4) (ADB1905)

Tunay na ang Dios ang may nais na malaman ng lahat ng tao ang katotohanang mula sa kanya, sapagka’t sa ganitong paraan lamang makakamit ng tao ang “Kalayaan” mula sa gumagapos na katha at sali’t saling sabi ng mga tao, na waring gangrenang kumakalat at lumalason sa kaisipan ng sangkatauhan.

Minsan ay sinabi ng Panginoong Jesus sa mga Judiong nagsisampalataya sa kanya:

“31 Sinabi nga ni Jesus sa mga Judiong yaon na nagsisisampalataya sa kaniya, Kung kayo'y magsisipanatili sa aking salita, kung magkagayo'y tunay nga kayong mga alagad ko; 32 At inyong makikilala ang katotohanan, at ang katotohana'y magpapalaya sa inyo.” (Jn. 8:31-32) (ADB1905)

Ang mga Banal na Kasulatan, na kilala sa tawag na Biblia, ay isang aklat ng Panginoong Dios na Makapangyarihang sa lahat, ang siyang nagbabalita ng Kanyang Pagliligtas. Mula sa aklat ng Genesis, na siyang unang aklat ng Biblia, hanggang sa ika-anim na pu’t anim na aklat: ang Apocalipsis, ay nagpapahayag ng pag-ibig, pagpapahinuhod at pagliligtas ng Dios sa tao, sa kabila nang patuloy na pagkikibit balikat lamang ng marami sa ganitong kadakilang pagmamahal ng Lumalang.

Sa panapanahon ng kasaysayan ng tao ay nandoo’t makikita ang bakas ng mga pagpapala ng Makapangyarihang kamay ng Dios. Sa paglayo ng tao sa Kanya, nariyan pa rin siya at umaalalay upang makabalik sa Kanya. Sa mga oras at araw na makita niya na kailangan ng pagliligtas niya ang mga nangagbalik-loob sa kanya ay nandoon siya’t gumagawa ng pagliligtas. Nagsugo siya ng anghel kay Moises upang iligtas ang kanyang bayan sa pagkaalipin mula sa Egipto. Sa pamamagitan ng anghel ay iniligtas ng Dios si Daniel sa bibig ng Leon, at sa hurno ng apoy ng kamatayan, na kasama ang dalawa pa niyang kapuwa lingkod ng Dios.

Sa panapanahon ay nagsusugo ng kanyang propeta ang Dios upang maghudyat ng kanyang kalooban sa kanyang bayan. At sa huling panahong ito (Ano Domini: A.D.) ay isinugo ng Amang Dios ang kanyang Bugtong na Anak, upang siyang maging Tagapagsalita at Tagapagligtas ng sanglibutan: ng lahat ng sa kanya ay sasampalataya at tatalima sa kanyang mga aral, na siyang evangelio ng kaligtasan. Ito ang nasasaad sa sulat sa mga Hebreo na bayan ng Dios:

“1 Ang Dios, na nagsalita nang unang panahon sa ating mga magulang sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta, 2 Ay nagsalita sa atin sa mga huling araw na ito sa pamamagitan, ng kaniyang Anak, na siyang itinalaga na tagapagmana ng lahat ng mga bagay, na sa pamamagitan naman niya'y ginawa ang sanglibutan.” (Heb. 1:1-2) (ADB1905)

Ang pagliligtas ng Dios, kung gayon, ay laging iniaagapay sa bawat yugto ng kasaysayan ng tao. Sa ikatlong pangkat pa lamang ng panimulang aklat ng Biblia (Genesis) ay binabanggit sa ikalabing limang talata ang pangakong “binhi” ng babae, na siyang dudurog sa ulo ng “ahas” na siyang dumaya kay Eva. Sa pamamagitan ng binhing yaon ay magaganap ang pagliligtas ng Dios sa mga taong nagsisiibig at sumasampalataya sa kanya (Judas 25).

Ang binhing yaon, na siya ring ipinangako kay Abraham, ay walang iba kundi ang Cristo, na isinugo ng Amang Dios sa huling araw, upang maging Tagapagligtas ng sanglibutan (Gal. 3:16; I Jn. 4:14). Ang binhi sa Genesis ay siya ring binhi ng Apocalipsis, na ang pangalan ay “Ang Verbo ng Dios” (Apo. 19:13). Siya ang nangaral ng mabuting balita na siyang evangelio ng kaligtasan. Siya ay namatay upang magkaroon ng buhay na walang hanggan, ang sinomang sa kanya’y tumanggap bilang Sugo ng Amang Dios sa huling araw, sumampalataya at magbautismo upang magtamo ng kaligtasan. Siya ang binuhay ng Dios sa ikatlong araw at umakyat sa kanan ng Dios upang maging Pangulo ng lahat ng mga bagay sa Iglesia ng Dios. Sa araw na itinakda ng Amang Dios, siya rin ang muling paririto upang kunin ang lahat ng mga nangaglilingkod ng tapat sa kanya hanggang kamatayan, gaya ng kanyang pangako:

“1 Huwag magulumihanan ang inyong puso: magsisampalataya kayo sa Dios, magsisampalataya naman kayo sa akin. 2 Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan; kung di gayon, ay sinabi ko sana sa inyo; sapagka't ako'y paroroon upang ipaghanda ko kayo ng dakong kalalagyan. 3 At kung ako'y pumaroon at kayo'y maipaghanda ng kalalagyan, ay muling paririto ako, at kayo'y tatanggapin ko sa aking sarili; upang kung saan ako naroroon, kayo naman ay dumoon.” (Jn. 14:1-3) (ADB1905)

Ang buong anim na pu’t anim na aklat ng Biblia ay iisa ang nilalayong ipahayag, ang pagliligtas ng Dios. Ang banal at dakilang layong ito ang umakay, sa naghanda ng munting aklat na ito na ikapit ang titulong PAGLILIGTAS.

Ang munting aklat na ito ay inihanda upang kahit paano ay makatulong, sa babasa nito na lumapit sa Dios bilang pagtugon sa kanyang banal na pagtawag. Ang katanungang makakaulayaw ninyo ay pagsasaliksik, na ang sasagot ay mga talata ng Biblia. Hindi katha o pilosopia ang mga sagot kundi tuwirang mga salita na kinasihan ng Maykapal upang magbigay liwanag sa kaisipan ng naghahanap ng katotohanang mula sa langit. Ang liwanag ng mga talata ang siyang hahawi sa madilim na haka, katha o kurong matagal nang namamayani sa kaisipan. Tanging ang salita ng Dios ang siyang makapuputol sa mga maling haka ng tao sapagkat:

“Sapagka't ang salita ng Dios ay buhay, at mabisa, at matalas kay sa alin mang tabak na may dalawang talim, at bumabaon hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at ng utak, at madaling kumilala ng mga pagiisip at mga haka ng puso.” (Heb. 4:12) (ADB1905)

Sa mga kasambahay sa sangbahayan ng Dios, na siyang Iglesia ng Dios, ang aklat na ito’y magsisilbing sulong patuloy na tatanglaw sa daan ng buhay na kanyang tinatahak patungo sa kaharian ng Dios. Ang makalangit na biyaya ang tatamuhin ng bawat may makumbabang pusong bumabasa ng aklat na ito, sapagka’t binubuo ng mga katanungan, na ang mga kasagutan ay ang mga salitang mula sa aklat ng Panginoon, ang Biblia.

Sana ay maging isang mabuting kasama ang aklat na ito sa mga sandali ng pagdidilidili. Sana ang mga tanong at sagot na nilalaman nito, ay maging giya upang makilala ang Dios at tanggapin ang kanyang Anak na si Cristo Jesus. Sana ay sampalatayanan at talimahin ang kanyang mga salitang ibinigay ng Amang nagsugo sa kanya. Sa pamamagitan ng pagbasang may pananampalataya sa Dios, na nagpaging posible sa aklat na ito na mapasa kamay ninyo na naghahangad ng dakilang pagliligtas, ay magtatamo kayo ng unawa at karunungang nagbubuhat sa itaas.

Basahin sana ang aklat na ito na may lakip na panalangin at paghingi ng karunungan sa kanya na nasa kalangitan, upang lubos na maunawaan ang kanyang kalooban, at masunod ito sa pangalan ng kanyang Anak na si Cristo Jesus, Sapagka’t sinasabi sa Kasulatan:

“Nguni't kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito'y ibibigay sa kaniya.” (Sant. 1:5) (ADB1905)

Ang aklat na ito ay naglalaman ng pinagaang pagtuturo ng Biblia ng mga paksang aakay sa kaligtasan. Madaling unawain at malinaw ang pagtalakay. Ang mahigpit na pagsunod sa nilalayon ng Biblia ang sinikap na maipaabot ng buong aklat.

Maraming mga tao ang nawalan ng interest na bumasa ng Biblia, at bibihirang basahin ito, sapagka’t sinasabi nila na lubhang mahirap daw maunawaan, ngunit ang aklat na ito ay nagaabot ng susi at tanglaw upang alisin, ang mga kahadlangan at binabayaang ang bumabasa na maabot ang pahayag na nais ibigay ng Dios, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na siyang kapangyarihan ng Dios, upang dalhan sila ng maraming pagpapalang mula sa itaas, na maghahatid sa buhay na walang hanggan.

Ang aklat na ito ay magpapatighaw sa uhaw na kaluluwa, sa pamamagitan ng pagtanggap ng tubig ng pagkaunawa sa katotohanan ng Dios. Ang salita ng Dios ang sentro ng lahat ng mga pagtalakay sa bawat paksa na sinasaliksik, upang maabot ang katotohanan. Ang salita ng Dios ay siyang dalisay na tubig ng katotohanan na siyang nagpapabanal sa tao sapagka’t sinasabi ng Panginoong Jesus:

“Pakabanalin mo sila sa katotohanan: ang salita mo’y katotohanan.” (Jn. 17:17) (ADB1905)


Litrato ay kuha ni Pexels galing sa Pixabay. Ang mga taludtod na sinipi dito ay kinopya mula sa Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905).