PAGLALANG SA TAO
TALAHANAYAN NG NILALAMAN
T1. Ano ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kung paanong nagkaroon ng tao?
T2. Sino ang kausap ng Dios sa paglalang niya ng tao?
T3. Bakit sinabi na si Cristo ay larawan ng Dios na di nakikita?
T5. Ang ibig bang sabihin nito’y ang iisang Dios Ama ay mayroong Anak na Dios na gaya niya?
T6. Ilan silang Dios, kung gayon, ayon sa patotoo ng mga talata ng Biblia?
T8. Ano ang ibig sabihin ng talatang ang Cristo ay panganay sa lahat ng nilalang?
T10. Mula sa bibig ng Cristo, ipinahayag ba niya ang kanyang kalagayang ito noong una?
T11. Sino ang Dios na nagsabi na “Lalangin natin ang tao”?
T13. Bakit kailangang makilala ng tao ang tunay na Dios na lumalang sa kanya?
T14. May mga tao ba na napasulat sa Biblia na sumasamba sa Dios na hindi kilala?
T1. Ano ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kung paanong nagkaroon ng tao?
S. May kasama ang Dios nang lalangin ang tao.
“At sinabi ng Dios, Lalangin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis: at magkaroon sila ng kapangyarihan sa mga isda sa dagat, at sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop, at sa buong lupa, at sa bawa't umuusad, na nagsisiusad sa ibabaw ng lupa." (Gen. 1:26) (ADB1905)
T2. Sino ang kausap ng Dios sa paglalang niya ng tao?
S. Ang Cristo, ang larawan ng Dios na di nakikita.
“Na siya ang larawan ng Dios na di nakikita, ang panganay ng lahat ng mga nilalang.” (Col. 1:15) (ADB1905)
T3. Bakit sinabi na si Cristo ay larawan ng Dios na di nakikita?
S. “Sapagka't sa kaniya'y nananahan ang buong kapuspusan ng pagka Dios sa kahayagan ayon sa laman.” (Col. 2:9) (ADB1905)
T4. Ang ibig bang sabihin, na sapagka’t ang boong kapuspusan ng pagka Dios ay nananahan kay Cristo, ay siya ay Dios na tulad ng Ama na Dios?
S. Siyang isinasaad ng Kasulatan.
“Nguni't tungkol sa Anak ay sinasabi, Ang iyong luklukan, Oh Dios, ay magpakailan man; At ang setro ng katuwiran ay siyang setro ng iyong kaharian.” (Heb. 1:8) (ADB1905)
T5. Ang ibig bang sabihin nito’y ang iisang Dios Ama ay mayroong Anak na Dios na gaya niya?
S. Gayon nga, ang Dios Ama ay may Anak na Dios.
“Inibig mo ang katuwiran, at kinapootan mo ang kasamaan; Kaya't ang Dios, ang Dios mo, ay nagbuhos sa inyo, Ng langis ng kasayahang higit sa iyong mga kasamahan.” (Heb. 1:9) (ADB1905)
Sa liwanag ng mga talata sa itaas, ipinakikita na ang Cristo na Anak ng Dios ay Dios. Kasama na ng Ama ang Anak bago pa lalangin ang tao, sapagka’t siya ang kausap ng Amang Dios nang sabihing “lalangin natin ang tao sa ating larawan.”
T6. Ilan silang Dios, kung gayon, ayon sa patotoo ng mga talata ng Biblia?
S. Isang Dios Ama at isang Anak na Dios.
“Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios Ama at sa Panginoong Jesucristo.” (2 Tes. 1:2) (ADB1905)
“Nguni't tungkol sa Anak ay sinasabi, Ang iyong luklukan, Oh Dios...” (Heb. 1:8) (ADB1905)
T7. Pinatutunayan ba ng Panginoong Jesus na ang kanyang pagiging Dios ay hindi nangangahulugang siya rin ang Ama?
S. Ang patotoo niya ay:
“Oo, at kung ako'y humahatol, ang hatol ko'y totoo; sapagka't hindi ako nagiisa, kundi ako at ang Ama na nagsugo sa akin.” (Jn. 8:16) (ADB1905)
i. Nagpahiwatig ang Anak na siya at ang Ama ay dalawang Dios sa kalagayan: isang Dios Ama, isang Anak na Dios.
“17 Oo, at sa inyong kautusan ay nasusulat, na ang patotoo ng dalawang tao ay totoo. 18 Ako ang nagpapatotoo sa akin din, at ang Amang nagsugo sa akin ay nagpapatotoo sa akin.” (Jn. 8:17-18) (ADB1905)
T8. Ano ang ibig sabihin ng talatang ang Cristo ay panganay sa lahat ng nilalang?
S. “At siya'y una sa lahat ng mga bagay, at ang lahat ng mga bagay ay nangabubuhay dahil sa kaniya.” (Col. 1:17) (ADB1905)
T9. Sapagka’t ang Cristo ay una sa lahat ng mga bagay, ang ibig bang sabihin nito’y kasama na siya ng Amang Dios bago lalangin ang lahat ng mga bagay?
S. Oo, pinatutunayan ng mga talata.
“1 Nang pasimula siya ang Verbo, at ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios. 2 Ito rin nang pasimula'y sumasa Dios. 3 Ang lahat ng mga bagay ay ginawa sa pamamagitan niya; at alin man sa lahat ng ginawa ay hindi ginawa kung wala siya. (Jn. 1:1-3) (ADB1905)
“........ sa makatuwid baga'y ang dugo ni Cristo: 20 Na nakilala nga nang una bago itinatag ang sanglibutan, nguni't inihayag sa mga huling panahon dahil sa inyo.” (I Ped. 1:19-20)
T10. Mula sa bibig ng Cristo, ipinahayag ba niya ang kanyang kalagayang ito noong una?
S. Ipinahayag niya, nang dumalangin siya sa Ama na nasa langit.
“At ngayon, Ama, luwalhatiin mo ako sa iyo rin ng kaluwalhatiang aking tinamo sa iyo bago ang sanglibutan ay naging gayon.” (Jn. 17:5) (ADB1905)
“Ama, yaong mga ibinigay mo sa akin ay ibig ko kung saan ako naroroon, sila naman ay dumoong kasama ko, upang makita nila ang kaluwalhatian ko, na ibinigay mo sa akin: sapagka't ako'y iyong inibig bago natatag ang sanglibutan.” (Jn. 17:24) (ADB1905)
T11. Sino ang Dios na nagsabi na “Lalangin natin ang tao”?
S. Ang Dios Ama.
“Nguni't sa ganang atin ay may isang Dios lamang, ang Ama, na buhat sa kaniya ang lahat ng mga bagay, at tayo'y sa kaniya; at isa lamang Panginoon, si Jesucristo, na sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, at tayo'y sa pamamagitan niya.” (1 Cor. 8:6) (ADB1905)
Sa Revised Standard Version:
“yet for us there is one God, the Father, from whom are all things and for whom we exist, and one Lord, Jesus Christ, through whom are all things and through whom we exist.” (1 Cor. 8:6) (RSV)
Pansinin na sa saling English Revised Standard Version ay wala ang salitang “lamang,” only sa English, na karugtong ng “isang Dios,” at sa pagitan ng “isa(ng) Panginoon.” Ang pang-uring “lamang” ay nagbabadya na wala nang iba. Kung gayon, at sa ganitong kahulugan natin kukunang diwa ang talata, lilitaw na ang Ama lamang ang Dios at ang Cristo lamang ang Panginoon, na hindi naman ang siyang tunay na kahulugan ayon sa konteksto ng mga talata ng Biblia. Sapagka’t kung Ama lamang ang Dios ay hindi na Dios ang Anak. At kung ang Anak lamang ang Panginoon ay hindi Panginoon ang Ama.
Sapagka’t maliwanag ang sinasabi ng Banal na Kasulatan, na kung paanong ang ama ay Panginoon ay gayon din ang Anak.
“…Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon; Maupo ka sa kanan ko, 35 Hanggang sa gawin ko ang mga kaaway mo na tuntungan ng iyong mga paa.” (Gawa 2:34-35) (ADB1905)
Dito’y maliwanag na ang Dios, ang Amang Panginoon, ay nagsabi sa Anak na Panginoon. Samakatuwid ay dalawa silang Panginoon. At sa pagiging Dios ng Anak ay sinasabi:
“8 Nguni't tungkol sa Anak ay sinasabi, Ang iyong luklukan, Oh Dios, ay magpakailan man. At ang setro ng katuwiran ay siyang setro ng iyong kaharian. 9 Inibig mo ang katuwiran, at kinapootan mo ang kasamaan; Kaya't ang Dios, ang Dios mo, ay nagbuhos sa inyo....” (Heb. 1:8-9) (ADB1905)
Samakatuwid, kung may Amang Dios ay may Anak na Dios. Ilan silang Dios?
Kung paano, kung gayon na may dalawang Panginoon sa kalagayan – isang Dios na Ama na Panginoon at isang Anak na Panginoon – ay may dalawa ring Dios sa kalagayan – isang Dios Ama at isang Anak na Dios na “Lalangin natin ang tao.” At sa Amang Dios nagbuhat ang pagka-Dios ng Cristo na ipinanganak ng Dios. Sapagka’t ang ipinanganak ng Dios ay Dios, kung paanong ang ipinanganak ng tao ay tao. Kaya’t ang Anak ng Dios ay naging tao nang ipanganak ng taong si Maria. At sapagka’t isinilang ang Anak na Dios na hindi likas na tao, kung kaya’t nagkatawang-tao lamang siya, ay hindi nawawala ang kanyang pagka-Dios. Siya ay Anak ng Dios na nagkatawang tao.
T12. May buhay ba ang Anak sa kaniyang sarili na nagbuhat sa Ama na pinagbuhatan ng lahat ng mga bagay?
S. Mayroon, at yaon ay ipinagkaloob ng Ama.
“Sapagka't kung paanong ang Ama ay may buhay sa kaniyang sarili, ay gayon din namang pinagkalooban niya ang Anak na magkaroon ng buhay sa kaniyang sarili.” (Jn. 5:26) (ADB1905)
Hindi ba maliwanag, kung gayon na mula sa Amang Makapangyarihan sa lahat ay pinagkalooban ng bukod na sariling buhay ang Anak? Kaya’t nang isugo ng Ama sa lupa ang Anak at namatay upang tubusin sa pagsalansang ang mga sumasampalataya at nagbalik-loob, sa pamamagitan ng pagtalima sa kanya, ay hindi ang Dios Ama ang namatay, kung hindi ang Anak na Dios na siyang nagkatawang-tao. Katunayan, ang Dios na Ama na nasa langit ang bumuhay na maguli sa Anak. (Gawa 2:32; Mat. 6:9)
T13. Bakit kailangang makilala ng tao ang tunay na Dios na lumalang sa kanya?
S. Sapagka’t buhay na walang hanggan ang makilala ang tunay na Dios at ang kanyang Anak na kasama sa paglalang.
“At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga'y si Jesucristo.” (Jn. 17:3) (ADB1905)
T14. May mga tao ba na napasulat sa Biblia na sumasamba sa Dios na hindi kilala?
S. Mayroon. Ang nakita ni Apostol Pablo sa Atenas.
“...Kayong mga lalaking taga Atenas, sa lahat ng mga bagay ay napapansin kong kayo'y lubhang relihioso. 23 Sapagka't sa aking pagdaraan, at sa pagmamasid ng mga bagay na inyong sinasamba, ay nakasumpong din naman ako ng isang dambana na may sulat na ganito, SA ISANG DIOS NA HINDI KILALA....” (Gawa 17:22-23) (ADB1905)
T15. May tao ba naman na ang nakilala ay ibang Jesus, sapagka’t may nangaral sa kanila na ibang Jesus?
S. Mayroon, kaya nagbabala na nang una si Apostol Pablo?
“Sapagka't kung yaong paririto ay mangaral ng ibang Jesus, na hindi namin ipinangaral, o kung kayo'y nagsisitanggap ng ibang espiritu na hindi ninyo tinanggap, o ibang evangelio na hindi ninyo tinanggap, ay mabuting pagtiisan ninyo.” (2 Cor. 11:4) (ADB1905)
Ayon kay Apostol Pablo, ang Jesus na dapat makilala ng nagnanais ng buhay na walang hanggan ay yaong Jesus na kanilang ipinangaral. At kung sino ang Jesus na kanilang ipinangaral ay yaong kausap ng Dios Ama nang lalangin ang tao ayon sa kanilang larawan. At sino ang larawan ng Dios na di nakikita: Walang iba kundi ang Cristo, na panganay ng lahat ng mga nilalang na sinasabi sa Colosas 1:15. Siya yaong Verbo ng Dios na nagkatawang-tao. (Jn. 1:1, 14). Siya yaong sariling Anak na sinugo ng Amang Dios sa lupa, na nag-anyong lamang salarin upang tubusin ang sumasampalataya at nakikilala siya, ayon sa pagpapakilala ng Ama. (Mat. 11:27) Siya ay Dios, hindi dahil sa siya rin ang Dios Ama, kundi siya ang Anak ng Dios. (Jn. 10:34-35) Siya ang sinugo ng Amang Dios sa huling araw upang maging Tagapagligtas ng sanglibutan. (I Jn. 4:14) Mahalaga, kung gayon, na makilala ng tao ang tunay na Dios na lumalang sa kanya, at ang tunay na Cristo na Anak ng Dios na magliligtas sa kanya. Sapagka’t kung hindi ang tunay na Dios at hindi ang tunay na Cristo ang makilala at sasambahin ng tao ay sinasabi:
“8 Na maghihiganti sa hindi nagsisikilala sa Dios, at sa kanila na hindi nagsisitalima sa evangelio ng ating Panginoong Jesus: 9 Na siyang tatanggap ng kaparusahan, na walang hanggang kapahamakang mula sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang kapangyarihan.” (2 Tes. 1:8-9) (ADB1905)
Litrato ay kuha ni StockSnap galing sa Pixabay. Ang mga taludtod na sinipi dito ay kinopya mula sa Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905).