ANG DIOS AMA AT ANG BUGTONG NA ANAK
T1. Sino ang Dios Ama?
S. Dios na sumasa ibabaw ng lahat.
“Isang Dios at Ama ng lahat, na siyang sumasa ibabaw sa lahat, at sumasa lahat, at nasa lahat.” (Efe. 4:6) (ADB1905)
T2. Dios ba siya na dapat sambahin?
“23 Datapuwa't dumarating ang oras, at ngayon nga, na sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan: sapagka't hinahanap ng Ama ang mga gayon na maging mananamba sa kaniya. 24 Ang Dios ay Espiritu: at ang mga sa kaniya'y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu at sa katotohanan.” (Jn. 4:23-24) (ADB1905)
T3. Ilan ang Dios Ama?
S. May isang Dios Ama.
“Isang Dios at Ama ng lahat, na siyang sumasa ibabaw sa lahat, at sumasa lahat, at nasa lahat.” (Efe. 4:6)
Pansinin: na ang Dios Ama ay ang Panginoong hindi nababago. (Mal. 3:6) Samakatuwid ay hindi siya ang Dios na nagkatawang-tao. Manapa’y siya ang Dios Ama na nasa langit, na itinuturo ng Anak na siyang Dios namang nagkatawang-tao. (Jn. 1:1, 14) At nang nasa katawang-tao ang Anak ng Dios, ay itinuro niya na dapat sambahin ang Dios Ama na nasa langit. (Mat. 6:9)
T4. Sino kung gayon ang Anak ng Dios?
S. Ang ipinanganak ng Dios.
“Sapagka't kanino nga sa mga anghel sinabi niya kailan man, Ikaw ay aking Anak, Ikaw ay aking ipinanganak ngayon? at muli, Ako'y magiging kaniyang Ama, At siya'y magiging aking Anak?” (Heb. 1:5) (ADB1905)
(1) At sapagka’t ipinanganak ng Dios Ama siya ang Anak na Dios.
“Nguni't tungkol sa Anak ay sinasabi, Ang iyong luklukan, Oh Dios, ay magpakailan man....” (Heb. 1:8) (ADB1905)
T5. Mayroon bang ibang Anak na Dios na ipinanganak ng Amang Dios?
S. Wala, sapagka’t siya ang bugtong na Anak ng Dios. Bugtong sa pagiging Anak na Dios.
“Walang taong nakakita kailan man sa Dios; ang bugtong na Anak, na nasa sinapupunan ng Ama, siya ang nagpakilala sa kanya.” (Jn. 1:18) (ADB1905)
“Sapagka't gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya'y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Jn. 3:16) (ADB1905)
T6. Bakit iisa lamang Dios, ang Ama, ang nakilala ng Israel? (Isa. 45:21; 64:8)?
S. Ipinahayag sa pamamagitan ng mga Kasulatan ng mga propeta.
“25 At ngayon sa kaniya na makapangyarihan na sa inyo'y makapagpapatibay ayon sa aking evangelio at sa pangangaral ni Jesucristo, ayon sa pahayag ng hiwaga na natago sa katahimikan nang panahong walang hanggan. 26 Datapuwa't nahayag na ngayon, at sa pamamagitan ng mga kasulatan ng mga propeta, ayon sa ipinagutos ng Dios na walang hanggan, ay ipinakilala sa lahat ng mga bansa upang magsitalima sa pananampalataya.” (Roma 16:25-26) (ADB1905)
LIWANAG: Ang Anak ng Dios ay nagsimula sa Dios Ama na walang pasimula. Ang Anak ay tuwirang nagmula sa Amang Dios, kung kaya ang Anak ay Dios. Iisang uri ang kanilang pagka-Dios, sapagka’t ang kakanyahan ng Ama ay siya ring kakanyahan ng Anak, na siyang sinasabi sa Colosas 2:9, “Sapagka’t sa kaniya’y nananahan ang boong kapuspusan ng pagka-Dios sa kahayagan ayon sa laman.” (ADB1905) Dahil dito’y kung paanong Dios ang Ama, sa uri ding yaon Dios ang Anak.
Maliwanag, kung gayon, na ang iisang uring Dios ay may dalawang kalagayan: ang isa ay ang Amang Dios at ang ikalawa ay ang Anak na Dios. Ito’y hindi mula sa pilosopia kundi siyang pinapangyari ng Dios Ama, na ipinahahayag naman ng Anak na Dios sa sangkatauhan, na ipinasulat kay Apostol Juan: “Sapagka't kung paanong ang Ama ay may buhay sa kaniyang sarili, ay gayon din namang pinagkalooban niya ang Anak na magkaroon ng buhay sa kaniyang sarili.” (Jn. 5:26) (ADB1905)
Samakatuwid, kung bakit may Amang Dios ay sapagka’t may Anak na Dios na nagmula sa Amang Dios. At kung paanong may sariling buhay ang Amang Dios, ay pinagkalooban ng sariling buhay ang Anak. Sa kalagayan, kung gayon, ang Ama ay hindi siya ring Anak, ni ang Anak ay siya ring Ama. Dalawa kung gayon ang kanilang kalagayan na magkabukod, isang Ama at ang isa ay Anak. Nguni’t may isang uri ang kanilang pagka-Dios, sapagka’t kung ano ang kakanyahan ng pagka-Dios ng Ama ay siya ring ipinagkaloob na pagka-Dios sa Anak. At ang relasyon ng Dios Ama at ng kanyang Anak na Dios ay hindi nagbabago... "ang Ama ay lalong dakila kaysa akin.” (Jn. 14:28) (ADB1905) At ang ganitong pagkakilala sa liwanag ng katotohanan ng Dios ay buhay na walang hanggan, sapagka’t sinasabi na,
“At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga'y si Jesucristo.” (Jn. 17:3) (ADB1905)
Litrato ay kuha ni Gerd Altmann galing sa Pixabay. Ang mga taludtod na sinipi dito ay kinopya mula sa Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905).